Followers

Friday, May 23, 2014

Ang Tisa Ni Maestro 9

       Nag-bed space ako malapit sa lugar ng eskuwelahan ko. Nahirapan kasi ako sa distansiya ng bahay ng pinsan ng asawa ko at paaralan. Lugi ako sa pamasahe at pagod. Madalas pa akong gabihin dahil sa traffic. Ang laking pasasalamat naman ang ibinigay ko sa mag-asawang nagkanlong sa amin sa oras ng aming kagipitan. Walang katumbas na salita para doon.

              Makalipas ang isang buwan, pagkatapos isilang ang aming anak---panganay na anak at aking pangatlong lahi, kinuha ko na sila at itinira sa isang paupahang tindahan, este kuwarto. (Extension ng tindahan iyon, ginawa lang kuwarto.)

               May kakayahan na ako noon na mamili ng uupahan pero ang problema ay ang bakanteng room. Kaya nagtiyaga muna kami. Tiniis ang ingay at sikip. Pinilit na maging kuntento hanggang makahanap ng mas maganda at ng mas pa, at ng mas higit pa… Iba’t ibang rason kung bakit lumipat kami.. pero hindi na iyon mahalaga. Ang importante, nakaraos kami sa hamon ng buhay habang ang tisa ko ay nagagamit na muli upang ibahagi sa mga bata o mag-aaral ang karunungan.

                 Wala na siguro akong dapat hilingin pa sa Panginoon kundi ang gabayan niya ako sa araw-araw kong pagtuturo at pakikisama sa mga mag-aaral, magulang, kapwa guro at punungguro.

                 Gayunpaman, hindi pa rin ako nakaligtas sa hamon ng aking napiling karera. Masasabi kong may malaking pagkakaiba ang public at private school, kaya kung nahirapan ako sa private school sa Taguig, mas nahirapan ako sa public school kung saan ako naka-in.


                  Sa pakikisama, hindi ako nahirapan. Ngunit, sa pagsunod sa Grade leader at principal, ay sobra akong nabigatan. No choice ako kundi ang gawin ang sinasabi nila. Wala pa akong alam kaya nararapat lang. Sa paggawa ng mga paperworks, kailangang magtanong. Naalala ko nga na three times kong ni-recast ang test questionaire ko sa HeKaSi dahil ayon sa principal "not jibe" daw sa objectives. Hindi daw pwede gumamit ng ibang type of test gaya ng analogy. Dapat multiple choice lang. Kaya, mabigat man sa loob at bulsa, inulit-ulit ko hanggang sa maging jibe. Pero dahil sa nagastusan ako ng husto sa pagpapa-print, typewritten ang pinasa ko. Tinanong pa ako, "Bakit typewritten?" "Yan lang po kasi ang available kong resources". Wala na siyang nasabi. Akala ko nga not jibe na naman ako.

                   Hindi naman ako nainis sa nangyari dahil alam ko na para din naman iyon sa kabutihan ng lahat. Para iyon sa ikalalago ng aking pagkaguro. Bilib nga ako kay Sir Soriano. Ang husay niyang mentor. No wonder, isa siya sa magagaling na principal sa Pasay. Bagay din sa kanya ang titulong doktor.

                   Hinahangaan ko siya dahil sa kanyang talino at husay.

                   Gayunpaman, dumating din sa mga puntong nainis ako sa kanya. Una, inalis niya ako sa Grade Six dahil hindi raw ako effective. Maingay daw lagi ang klase ko. Samantalang, last section ang hawak ko. Hindi pa kami noon nagpapalitan, so walang ginagawa ang mga estudyante. Naubusan na ako ng ipapagawa. Lahat na yata ng mathematical operations ay naipa-quiz ko na. One week kaming ganun. Ayun, ipinalit niya sa akin ang bago niyang hire na balaking teacher. Magaling daw. Parang minaliit ako. Or I should say, parang lumiit ang tingin ko sa sarili ko dahil sa ganung sitwasyon at panahon ay nagkaroon ako ng panibagong grade assignment. Isang linggo lang ay nahusgahan na ako. At ilang oras lang na interview niya sa ipinalit niya sa akin ay na-impress agad siya at nasabi niyang magaling ito.

                     Labis akong nasaktan sa nangyari. Kinimkim ko iyon. Mabuti na lamang ay naging mabisang guro ako sa bago kong assignment. Grade 4 Section 4 adviser na ako. Tanggap naman ako ng mga kasamahan ko. Kaya ok na ako. Nabalewala na ang hinanakit ko. Pero, sa kalagitnaan ng school year, hinahatak na naman ako upang ibalik sa dati kong advisory class. Ang dahilan? Hindi raw effective ang ipinalit sa akin. The term is "worst". Natawa ako. Mas okey okey pala ako. Sabi ko na. Nagkamali siya ng impression. We should not base to first impression dahil ang tao ay mapagkunwari. Magaling sa pagpapakitang-tao. Ako lang yata ang di sanay sa ganun, because what you see is what I am.

                      Sa madaling sabi, di ko tinanggap ang offer. Sabihin man nilang lumaki ang ulo ko ay okey lng. May karapatan akong magmatigas dahil nasaktan ako sa una. Saka, sa kalagitnaan ng school year ba naman saka sila nagkaganyan. Kung kelan adjusted na ako. Kung kelan mahal ko na ang klase ko.

                      Malakas din ang loob kong tumanggi dahil pinigilan ako ng mga kasamahan ko sa Grade 4. It means malaki akong kawalan.

                      Ironic..


                      Kakatwa. Minaliit ako pero sa bandang huli, hinabol-habol. Patunay lang na hindi dapat agad-agad nagda-judge ng tao.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...