Si Pepita
Hindi ako lumingon. Mas binilisan ko ang paglakad, gamit ang saklay ko. Mahirap, pero buo ang loob ko na makalayo sa aking mapanghusgang ina. Hindi ko gustong kinamumuhian niya ang ama kong matagal ko nang inasam. Hindi ko nais na patuloy niyang tatawaging masamang tao ang aking idolo, dahil tao lamang siya-- nagkamali minsan pero pinipilit na magbago.
Ramdam ko naman na hindi nakasunod si Mama. Alam kong mas uunahin pa niyang mapalayas si Papa kesa sa maabutan ako at maiuwi sa bahay. Wala siyang awa! Paralyzed na nga si Papa, hindi pa niya mapatawad. Maano man lang ba na maging magkaibigan na lang sila kahit hindi na sila magsama. Ang hangad ko lang naman ay mapalapit ako sa aking ama, dahil ramdam kong gustong-gusto rin niya akong makasama, kahit pa may plano siyang manirahan sa America. Kahit man lang sa mga huling araw niya sa Pilipinas ay magkasama kami. Pero hindi, maramot ang aking ina sa pagpapatawad at pagtanggap. Sagad ang galit niya sa tatay kong nang-rape sa kanya.
Humihingal ako sa pagod pero pipilitin kong makarating sa ilog. Doon ko kasi ilalabas ang sama ng loob ko sa aking ina.
Halos lawit na ang dila ko at malapnos na ang aking kilikili sa paggamit ng saklay. Pero natatanaw ko na si Pepita sa ilog. Magmamadali pa ako.
Natanaw na rin ako ni Pepita. Nakangiti na nga siya sa akin.
"Hello, Pepita?" bati ko sa kanya. Tila nawala ang sama ng loob ko sa aking ina.
Ngumiti si Pepita na kay tamis na lalo pang nagpawala ng pagod ko. Ang ganda talaga niya. Kung nakakapagsalita nga lamang siya..
"Kanina ka pa?" Tumango ang kausap ko. Hindi siya tumitigil sa pagkusot ng damit. Para siyang laging nagmamadali.
"Dumating ang Papa ko kahapon.." balita ko kay Pepita. Medyo nilungkutan ko ang pagkasabi. Gusto ko kasing pansinin niya ako.
Ang galing ko! Huminto siya sa pagsabon. Tiningnan niya ako ng pamaang. Nakakurba ang mga kilay. Nag-aabang siya ng sagot ko. Sasamantalahin ko na ito. Pupuwesto ako ng maayos para komportable ako.
"Oo.. kahapon... nang sinundo ako dito ni Lola kahapon si Papa pala ang dumating. Masayang-masaya ako nang makita ko siya, kahit nakakalungkot ang kalagayan niya. Ang mahalaga, naalala niya ako. Nakuha ko ang atensyon niya nang madisgrasya ako." Tiningnan ko muna kung may paparating na tao. Wala. Ibig sabihin, hindi pa ako hinahanap nina Mama at Lola.
Interesado pa rin si Pepita sa kuwento ko. Ipagpapatuloy ko.
"Alam mo ba ang feeling na makatabi mo sa pagtulog ang magulang mo na matagal na panahon mong di nakasama?" Natigilan ako nang lumungkot ang mata ni Pepita. Alam kong may problema siya sa pamilya. Pero, hindi ko kayang unawain ang kuwento niya kung sakali. Pero handa kong subukan.
"Walang kasing saya! Parang ayaw ko ng bumangon kanina. Kung hindi nga lang dumating si Mama." Nagising ko ang ulirat ni Pepita. Tumitig uli siya sa akin. Ibig sabihin, nag-aabang siya ng kasunod na kuwento. "Galit na galit si Mama kay Papa. Pinapaalis niya." Gusto kong umiyak. Naalala ko kasi kung paano tratuhin ni Mama si Papa. Kaya kong tiisin ang sakit ng sampal sa akin ng aking ina pero hindi ang sakit na dinulot niya kay Papa.
"Hanggang sa nasagot ko si Mama. Sinampal niya ako.'' Tuluyan nang umagos ang luha ko. Kainis! napakaiyakin ko.
Nagsa-sign language si Pepita. Iintindihin ko.
"Mag-sorry ako sa Mama ko?"
Tumango si Pepita.
"Hindi! Ayoko!" Galit ako. Kasalanan niya. "Kaya ko lang naman siya nasagot ng pabalang dahil tinawag niya si Papa na masamang tao at pinalalayo niya ako sa kanya." Hindi pa rin kumbinsido si Pepita. "Alam mo bang ngayon na lang ang pagkakataon kong makasama si Papa? Aalis na siya papuntang Amerika. Matatagalan siya doon dahil kailangan niyang magpa-therapy. Tapos, pagbabawalan pa ako ni Mama. Tama ba yun?" Hihintayin ko ang sagot ni Pepita.
Nag-sign language uli siya.
"Magulang ko nga siya. Pero hindi niya pinahahalagahan ang nararamdaman ko. Pareho ko silang mahal. Oo, mali nga ang ginawa ko.. " Apologetic ako. Hindi ko maintindihan ang sarili ko.
Blangko kami pareho ni Pepita. Gusto kong huwag na naming pag-usapan ang tungkol sa problema ko. Gusto ko sanang makilala siya ng husto. Mag-iisip ako ng iba mapag-uusapan.
"Ang dami mong labahan. Gusto mo, tulungan kita?" hirit ko.
Tumatawa si Pepita. Tinuturo ang sementado kong paa. Oo nga naman, nahihirapan nga akong umupo sa bato, tutulong pa akong maglaba.
"Nagpapatawa lang." palusot ko. "Masyado kasi akong madrama. Nahahawa ka."
Ngumiwi pa si Pepita. Ibig niyang ipakahulugan na hindi siya naniniwala sa sinabi ko.
"Oo nga. Nagjo-joke lang ako. Pero kung gusto mo talaga ng tulong ko, bakit hindi. Kakayanin ko."
Sumisenyas si Pepita.
"Oo naman! Marunong kaya akong maglaba. Hindi naman kami mayaman, no!" Hawak-hawak ko na ang isang damit. Agad naman itong hinila ni Pepita. Nag-aagawan kami. "Sige na, tulungan na kita."
Ilang beses niyang hinila ang damit. Halos, mabanat na ito. Parang sinasabi ng mga mata ni Pepita na "Akin na kasi. Wag mo na akong tulungan. Nakakahiya sa'yo!" Hanggang sa bitawan niya ito. Nawala ako sa kontrol kaya medyo napahiga ako.
"Roy!" Napasigaw si Pepita.
Nagulat ako. Hindi siya pipi.
"Hindi ka pipi, Pepita?" Nakatungo siya. Nahihiya marahil.
Babangon ako at aayusin ang sarili. Si Pepita naman ay pipigaan lahat ng mga damit na hindi pa nakusot at dali-daling ilalagay lahat ang mga ito sa batyang inalisan ng tubig-sabon.
Aalis siya.
"Pepita!" Hahabulin ko siya. "Sorry.." Lalo namang nagmadadaling makalayo si Pepita. "Hindi naman ako nagagalit kung nagpanggap kang pipi. Mas gusto ko nga na nakakapagsalita ka." Hindi siya lilingon. Patuloy siyang lumalakad ng matulin kahit nabibigatan sa dala-dala. Ako naman, mas bibilisan ko para hindi ako maiwanan. Desidido akong sundan siya kahit hanggang sa bahay nila, kausapin niya lang ako. "Pepita, kausapin mo ako. Gusto kitang makilala.. Pepita! Pepita!" Hindi ko na siya kayang habulin. Malayo na masyado. Napapagod na ako. Pero alam ko, naririnig pa niya ako. Sisigaw na lang ako. "Pepita! Gusto kita!"
Huminto siya. Hinihintay niya ako kaya magmamadali akong makalapit sa kanya.
"Gusto kita.." pabulong kong sinabi nang nasa likod na niya ako. Nakayuko siya. Ibinababa ang batya.
"Gusto kitang maging girl friend.."
Nakayuko pa rin siya.
"Gusto ko lang malaman kung bakit hindi ka nagsasalita sa tuwing kausap mo ako. Hindi mo ba ako gusto? I mean, hindi mo ba ako gustong kausap?"
Kinukuha niya ang batya.
"Magsalita ka, please.. Kung bawal ka pang makipag-boy friend, okey lang. Kahit kaibigan na lang."
Humarap na siya sa akin. Tapos, nag-Waray siya. Naunawaan ko ang sinabi niya. Napangiti niya ako. Pero hindi ko pinahalata dahil baka lalo siyang mailang.
"Okey lang naman kung hindi ka marunong mag-Tagalog. Kaya ko namang unawain ka. Waray din ako." Ngingitian ko siya ng napakatamis para iparamdam sa kaniya na sinsero ako sa sinasabi ko. "Galog lang ako pero kaya kong magsalita ng lengguwahe dito."
Tinititigan ako ni Pepita. Ang ganda niyang tumitig. Nakakatunaw. Nako-conscious tuloy ako.
Nag-Waray uli siya.
"Salamat!" Salamat naman at pumayag na siyang makipagkaibigan sa akin.
Aakma na siyang aalis. "Ano nga pala ang tunay mong pangalan?" Hindi siya pipi kaya ang Pepita na ipinangalan ko sa kanya binabawi ko na.
''Lanie.''
"Lanie?"
Tumango si Pepita. Siya pala si Lanie.
Tatalikod na si Lanie. Para akong na-starstruck. Hindi ako makakilos. Susundan ko ba siya o titingnan na lang habang papalayo. Hay! In-love na yata ako. Kanina lang ay punung-puno ako ng galit at hinanakit, pero ngayon para akong nakalutang sa alapaap.
Lalo na ngayong nalaman kong nakakapagsalita pala si Pepita, si Lanie pala. Natatawa ako kasi ang pagiging Waray niya lang pala ang dahilan niya kung bakit ayaw niyang magsalita.
Inlab din kaya siya sa akin?
Hala! Pabalik si Lanie!
"O, Lanie?! Bakit bumalik ka? May nakalimutan kang sabihin sa akin." Kikindatan ko pa siya para may pogi points.
Dinilaan niya ako na parang bata. Napakamot ako sa ulo ko pagkatapos niyang magsalita ng Waray. Sabi niya, magbabanlaw pa pala siya.
Tumawa muna ako. "Tulungan na kita."
"Roy! Roy!' Tinatawag ako ni Mama. Nakikita ko na siyang papalapit.
"Uuwi na ako, Lanie. Bye!"
"Bye!'' Sinundan pa niya ako ng tingin.
Sasalubungin ko na lang si Mama para hindi na marinig pa ni Lanie ang usapan namin.
"Uwi na tayo, Roy." Inaalalayan niya ako sa paglakad.
Tahimik lang kaming naglakad pauwi. Lilipas ang ilang minuto bago siya nagsalita uli. "Umuwi na ang Papa mo.'' sabi niya. Hindi na ako nagtataka. Expected ko na na nakauwi na at hindi ko na maabutan dahil kanina lang ay halos ipagtabuyan niya. Wala na rin naman akong magagawa. Hindi ko na maabutan si Papa. Hindi na lang ako kikibo para ipadama sa kanya na hindi ko gusto ang ginawa niya kay Papa.
Nakalayo na kami sa ilog nang magsalita uli si Mama. "Sorry nga pala sa nangyari kanina. Nabigla lang naman ako.." Titingnan ko lang siya sa mata para malaman niya na nakinig ako sa sinabi niya pero hindi ako magsasalita.
Nagpapakiramdaman kami ni Mama. Para tuloy lumayo ang loob naman sa isa't isa. Dati-rati ay nakalambing namin sa bawat isa. Lagi niya akong kini-kiss, ganun din ako sa kanya. Na-miss ko naman siya, kaya lang hindi ko na kayang ibalik pa ang dati. Pero kung sasabihin niya ngayon sa akin na napatawad na niya si Papa, agad ko siyang yayakapin at iki-kiss. Pasasalamatan ko siya at magsoso-sorry ako sa kanya.
"Sino nga pala ang kausap mo sa ilog?' Iniba niya ang usapan. Trying hard para makuha niya ang loob ko. Hmm. Di siya mananalo sa akin.
"Si Lanie po." matabang kong sagot. Nakikita kong gusto niya akong tuksuhin, gaya ng ginagawa niya dati sa akin kapag may babaeng napapalapit sa akin. Naaasiwa ako. Kaya, bibilisan ko pa ang paglakad upang di na niya ako muling makausap.
Gusto ko namang pag-usapan si Pepita, si Lanie pala.. Kaya lang, hindi si Mama ang gusto kong kausap tungkol dito. Gusto kong si Lola ang unang makaalam ng tungkol sa babaeng napupusuan ko. Kung nandito nga lang si Papa, sa kanya ko nais magkuwento. Kaso, wala na siya.
Malapit na kami sa bahay. Hindi na uli nagsalita si Mama. Ako na lang ang magsasalita para di naman siya masyadong nagmukhang-tanga. "Napagod po ako. Magpapahinga lang po ako." Hindi ko siya tiningnan.
"Roy!" Nakita ako ni Lola. May gusto pa siyang sabihin kaya lang nakabuntot si Mama.
"Magpapahinga lang po ako."
"Ay, mabuti pa nga. Mukhang napagod ka nga ng husto."
Mabuti pa sila Lola, maunawain. Di tulad ni Mama, makasarili.
Hindi naman talaga ako napagod ng sobra. Gusto ko lang takasan si Mama. Ayoko siyang kausap. Hindi ko lang alam kung hanggang kelan ko siya matitiis.
Hindi ko ila-lock ang pinto. Ramdam ko na may gustong sabihin si Lola. Ang hula ko ay pupuntahan niya ako sa kuwarto.
Ang sarap alalahanin si Lanie. Hindi ko napigilan kanina na sabihing gusto ko siya. Mabuti rin pala na nasagot ko si Mama dahil magkakataon palang magkita kami sa ilog.
Tok! Tok! Tok! Mahihinang katok sa pintuan ko ang narinig ko. Sana hndi si Mama. At kung siya nga, hindi ako kikibo dahil nagtutulug-tulugan ako.
Nakapasok na ang kumatok. "Roy, gising ka pa ba?" si Lola.
Ayos! Tama ako. "Opo!" Babangon ako para makausap ko siya.
Uupo si Lola sa paanan ng kama ko. Ako naman ay sasandal sa headboard.
"Umalis na ang Papa mo." Malungkot si Lola. Pero mas malungkot ako sa nangyari. Ako ang nawalan. Ako ang biktima.
"Bakit po ganun si Mama?" Hininaan ko lang ang boses ko para di marinig ng aking ina. Alam ko, ni-lock din ni Lola ang pinto.
"Hindi natin masisisi ang Mama mo.. pero kung ano man ang desisyon niya, dapat nating igalang.."
Tama naman si Lola.
"Ang mahalaga, tanggap ka na ng Papa mo. Darating din ang tamang oras na mapapatawad siya ng Mama mo at magsasama kayong tatlo..'
"Sana nga po Lola.."
Ngingitian ako ni Lola. "Sabi ng Papa mo, binata ka na. Isang araw, ma-i-inlove ka rin sa isang babae.."
Tama si Papa. Ang galing niyang manghuhula! Oo, binata na ako. At, in-love na rin ----kay Lanie.
Ngingitian ko muna si Lola. Alam na niya ang mga ngiti at kislap ng mga mata ko.
"Sabi pa niya, kung magmamahal ka, dapat mahal ka rin. Hindi pwedeng isa lang ang nagmamahal."
Nauunawaan ko si Papa. Ayaw niya akong magaya sa kanya. Siya lang kasi ang nagmahal. Hindi siya mahal ni Mama kaya naisipan niyang gahasain si Mama para lang makuha niya. Kaya lang hindi naman nakatulong, kundi nakasama pa.
Hindi ko rin masasabi at maipapangako. Ako kasi pag mahal ko ay ipinaglalaban ko.
"Lola, kilala niyo po ba si Lanie?" Kinikilig ako. Nakangiti kaagad si Lola. Parang kinikilig din.
May naririnig akong tumatawag kay Lola. Narinig din ni Lola kasi tumayo na siya."Sandali lang, Roy.."
Hindi ako interesado kung sino man ang tumawag kay Lola pero naririnig ko ang usapan nila. Parang kilala ko ang boses ng babae. Si Lanie!? Anong ginagawa dito ni Lanie. Sisilip ako sa pintuan baka sakaling makita o mas marinig ko.
Nagsalita ng Waray sina Lanie at Lola. Ngunit, nauunawaan ko.
Ano? Labandera pala ni Lola ang Nanay ni Lanie. May sakit daw ngayon ang Nanay niya kaya inutusan siyang pumunta rito para makiusap kung maaaring siya na lang ang maglaba ng mga damit namin habang di pa kaya ng kanyang ina.
Nalulungkot ako. Bakit sa kamusmusan ni Lanie ay kailangan niyang makaranas ng ganitong hirap ng buhay? Naaawa ako sa kanya, pero may magagawa ba ako?
Tinatanong ni Lola kung kaya ba ni Lanie ang paglalabada at kung maayos ba siyang maglaba. Sinigurado naman ng aking iniirog na kaya niya at maayos siyang maglaba. Kaya, pumayag na si Lola. Naroon pala si Mama at medyo tutol sa desisyon ni Lola pero wala naman siyang nagawa. Damit naman namin ni Lola ang palalabhan niya.
Gusto kong lumabas para makita at makausap si Lanie, kaya lang baka mahiya siya kapag malaman niyang apo ako ng taong seserbisyuhan niya. Ayaw ko siyang maasiwa sa akin.
Pagkaabot ni Lola kay Lanie ng mga labahan ay bumalik siya sa kuwarto ko. Nakabalik na rin ako sa dati kong puwesto.
"Si Lanie ang dumating. Kilala mo na ba siya? Uuuy!"
Hindi ako kinikilig. Naawa kasi ako kay Lanie. Gusto kong sabihin kay Lola na gusto ko siya. Pero.. baka...
"Crush ko po siya, Lola." Alam ko namumula ang mga pisngi ko.
Malulutong ang tawa ni Lola. Kinikilig.
"Sino ang crush mo, anak?" makikita ko sa may pintuan si Mama. Pinipilit niyang mapaaliwalas ang kanyang mukha.
Hindi ako sasagot. Ayokong malaman niya.
"Binata na ang apo mo, Ma!" sabi ni Mama, kausap na niya ngayon si Lola.
"Oo nga, parang kelan lang.."
"Pero, sino nga ba ang crush ni Roy? Pwede ko bang malaman?" Sweet-sweet-an naman siya ngayon. Parang nakalimutan na niya yata na sinampal niya ako kanina.
Magtitinginan kami ni Lola.
"Ma? Pinagkakaisahan niyo ako, ha. Sino nga ang crush ng anak ko?" Hindi naman siya galit. Makulit lang.
"Yun!" sagot ni Lola na medyo natatakot na tumingin sa akin.
"Yung anak ng labandera?! Oh, my God!" Nanlilisik ang mga mata ni Mama. Kakaiba. Mas natakot ako sa kanya ngayon kesa kanina.
"Ano naman ang problema dun?" tanong ni Lola. "Maganda naman si Lanie. Bagay na bagay kay Roy. Pogi." Pinipilit ni Lola na mapakalma si Mama. "Puppy love lang iyan. Di ba, Roy?" kumindat pa si Lola.
"Diyos ko, Ma! Nagpapakakuba ako sa ibang bansa para mabigyan ng magandang kinabukasan si Roy. Tapos, ganyang klaseng babae lang ang pipilin niya!"
Ang sakit naman talagang magsalita ni Mama. Nakakapuno na ng salop. Gusto ko na uli siyang sagutin.
"Belinda, hindi kita pinalaki ng mapangmata. Hindi na kita kilala!" Galit na rin ang tono ni Lola. Ayos! Kahit hindi na pala ako magsalita. Yuyuko na lang ako at makikinig.
"Ma, hindi naman masama ang nais ko kay Roy. Bilang ina, iyon ang nararapat.."
"Ina rin ako.. pero never kitang hinandlangan sa mga gusto mo. Nung gusto mong mag-abroad sinuportahna kita. Nung gusto mong iwan ang lugar na ito para tumakas sa kahihiyan, sinunod kita. Sinuportahan kita na mangupahan tayo sa Manila kahit dito ay may disente naman tayong tirahan. Ngayon ba ay nakarinig ka sa akin ng pagtutol? Lahat halos ng suporta ay ginawa ko kahit madalas mali."
"Iba ang kaso ko, Ma..''
"Anong iba? Pinipilit mong maging perpekto ang buhay ng anak mo pero hindi mo naman hinaharap ang reyalidad ng buhay. Gusto mong maging mariwasa ang buhay ni Roy, pero inilalayo mo naman siya sa tatay niya. Pinipilit mo ang gusto mo para sa kanya, e magkaiba kayo. Siya si Roy. Ikaw si Belinda. Hayaan natin siyang gawin ang mga gusto niya. Narito tayo para alalayan siya para sa kanyang ikakabuti... Nakita mo na ang epekto ng ginawa mo? Ayan! Sementadong paa. Sige..dagdagan mo pa.." Magwo-walkout si Lola. Maiiwan si Mama sa kuwarto ko. Alam ko tinamaan siya at umiiyak.
Ilang segundong nakatayo si Mama sa harap ko bago siya lumabas ng kuwarto. Makakahinga na ako ng maluwag. Hoooh! Ang drama ng pamilya ko!
Tama naman si Lola. Idol ko na siya. Ngayon ko lang siya nakitang nagalit kay Mama. Dati-rati ay sunud-sunuran lang siya sa aking ina. Ha ha. Mabuti nga at natauhan na siya. Sumusobra na rin kasi si Mama. Minsan kailangan niya ring pagalitan para magising sa katotohanan.
Masaya ako sa nangyari. Masaya ako dahil hindi tutol si Lola sa pagkakagusto ko kay Lanie. Sana magbago na si Mama kasi kahit anong mangyari ay gusto ko si Lanie. Gusto ko siyang mahalin, kahit anak pa siya ng labandera o kahit mamana niya ang pagiging labandera. Hindi naman katayuan sa buhay ang batayan ng tunay na pagmamahalan kundi ang pagtanggap at respeto.
Gusto ko si Lanie, kahit maging si Pepita man siya.
No comments:
Post a Comment