Followers

Sunday, May 25, 2014

Teacher's Enemy

"Meron akong kilala sa high school, lagi siyang nagbubulakbol. Pag kinausap mo siya ay nabobobo. Lagi siyang kaaway ng teacher, binabato siya ng eraser. Nahuli siyang nangungupit ng test paper. (Chorus:) Teacher’s enemy No.1 , lagi nalang kinagagalitan. Teacher’s enemy No. 1, taun-taon siya’y naiiwan. Tuwing papasok siya sa classroom, sinasalubong na siya ng sermon. Walang ibang dala kundi baon, eto na ang pasahan, na-mumroblema kanyang magulang. Bagsak niya’y sa Avenida na lang."

Iyan ang lyrics ng sikat na awiting Titser's Enemy No. 1 ng Juan Dela Cruz Band na nauso noon mga nakaraang dekada.

Kayganda ng mensahe ng liriko. Isa itong malinaw na paliwanag kung bakit nagagalit ang mga guro sa kanilang mag-aaral. Ang istoryang ito ay isang halimbawa ng normal na pangyayari sa silid-aralan, na hindi maitatanggi na nangyayari sa tunay na buhay.

Iba-iba man ang maaaring dahilan kung bakit ang isang estudyante ay nasesermunan ng titser, iisa lang naman ang nais nilang ginagawa ng bawat mag-aaral---ang maging responsableng bata. Hindi kailanman ninais ng guro na ang estudyante niya ay kanyang maging kaaway. Hindi niya hinangad na siya ay kainisan din o dili kaya'y ituring ding kaaway. Nais ng bawat guro na ang bawat mag-aaral ay may respeto sa kanila, habang natututo.

Teacher's Enemy No. 1. Hindi ito Honor Roll. Hindi ito academic distinction. At lalong hindi award na dapat matanggap ng isang estudyante. Gaya ng mga magulang walang guro na matutuwa kung ang estudyante nila ay mabansagang ganito.

Ang estudyanteng praning at mangmang ay nasisiyahang matawag siyang ganyan. Akala niya, astig na siya. Akala niya, bida siya sa campus. Pero, ang mag-aaral na may pitagan sa kanyang sarili ay hindi kailanman nanaising matawag na Teacher's Enemy No.1. Dahil ang isang matino at matalinong bata, ang hinahangad ay maging Top 1 sa klase. Ang maging tanyag dahil sa kanyang angking talino at galing. Ang iba nga, sa kagustuhang maging numero uno sa klase, kinakagat na ang bansag na Teacher's Pet, para lang makuha niya ang nais.

Nalimutan na ang mga salitang ito sa henerasyon ngayon. Sa tingin ko, hindi pa rin naman nawala ang mga estudyanteng ganyan. Mas lalo ngang dumami. At ang matindi, pabata ng pabata. Dati hayskul lang o kolehiyo. Ngayon, sa elementarya na nagsisimula. (Kawawang bata! Hindi man sa Avenida pupulutin, marami na ang pwedeng lugar na kanyang sasapitan. Nariyan ang Quiapo. Ang Divisoria. Ang Baclaran.)

Teacher's Enemy at Pasaway, pareho lang ang mga iyan. Kaya, bata, bago ka pa mahuli sa biyaheng Makati, titser ay sundan. Hindi sila kaaway. Sila ang iyong kakampi, katuwang at sasakyan tungo sa magandang buhay. Huwag silang pasakitan dahil kinabukasan mo ay nasa kanilang kamay.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...