Followers

Sunday, May 25, 2014

Liham, Lihim #2

BUKAS NA LIHAM PARA SA AKING MGA KABABAYAN


Mahal Kong mga Kababayan,

Nakakalungkot ang mga pangyayari ngayon sa ating bansa. Lahat halos ay nahihirapan, hindi man pisikal, ay emosyonal. Alam lahat ng bawat tunay na Pilipino ang paghihirap na pinagdadaanan ngayon ng mga biktima ni Yolanda. Pisikal na sugat. Dalamhati. Pagod. Puyat. Lamig. Init. Uhaw. At gutom. Ang lahat ng mga iyan ay kanilang nararanasan. Ang masakit pa, hindi nila alam kung kailan sila makakabangon.

Nakakatuwa naman dahil halos lahat tayo ay nagtulong-tulong, hindi man pisikal, ay emosyonal at pinansiyal. Nagpaabot tayo ng mga donasyon. Nag-alay ng mga dasal. Nanghikayat ng kapwa para tumulong at magbigay. Kaya naman, dumagsa na rin ang tulong at suporta mula sa ibang bansa. Napatunayan natin na hindi nila tayo iiwan o tatalikuran sa kabila ng ating pighati.

Ngunit, nakakapanghilakbot din ang mga sumunod na pangyayari. Sari-saring isyu ang lumabas. Iba't iba ang eksenang nakita. Maraming maling gawa at korupsyon ang nalitratuhan. At ilan ding pulitiko at personalidad ang lumabas ang tunay na maitim na kulay.

Nakakahiya. Nakakahiya tayo sa ibang bansa dahil sila mismo ang nakasaksi sa mga kabulastugang ito. At ilan pa nga sa kanila ang biktima ng ating kababayang respetado sa harap ng madla o media. Nakakahiya tayo dahil tayo na nga ang tinulungan, kinalaban pa natin sila.

Nakakasuklam din ang pagpapaepal ng ibang pinuno. Nakuha pang ibandera ang kanyang pangalan, sa kalagitnaan ng kagutuman. Ang iba naman, kinupit pa ang donasyon. Pinalitan ang de-latang imported ng pabulok nang canned goods. Tapos, muntik pang ipakulong ang mga looters na biktima. Samantalang ang kapwa nilang bilyones ang ninakaw ay hindi pa rin nakasuhan.

Nakakatawa rin dahil itong ama ng matuwid na daan ay naging katawa-tawa. Nawalan ng bayag. Nagkarayuma pa yata dahil ang bagal umaksyon. O dili kaya, nag-make up pa, kaya natagalan. Kakatwa! Nagawa pang manibak, gayong siya ang nararapat na ibagsak. Ni hindi nga yata nagbigay ng pera niya na galing mismo sa kanyang bulsa. Hay, grabe, andami kong tawa sa kanya.

Nakakaiyak din naman kasi tuwing ating mamasdan ang mga pinsalang dulot nitong Bagyong Yolanda. At mas nakakaiyak kapag ang mga biktima ay tumatangis na. Sigurado akong, bawat isa sa atin ay nabibiyak ang puso dahil sa awa. Dahil nga sa awang ito, kumilos tayo at gumawa, munting bagay man ngunit ang kabuluhan ay di kayang tumbasan ng bilyones na PDAF at DAP. Ang konting tulong nating mahihirap na Pilipino ay ating pinagsama-sama, upang gutom, uhaw at iba pang pangangailangan ng mga nasalanta ay malunasan kahit panandalian.

Nakaka-proud dahil ang mga Pilipino ay nagbayanihan. Lahat tayo ay tumulong sa pinakasimpleng paraan. May nagsakripisyo ng kasiyahan. May nagbenta ng kasuotan. May nangalap ng barya. May sumali sa repacking. May nagbigay ng pagkain, pera at damit. May tumulong sa pag-rescue. Sadyang, nakakataas ng balahibo!

Naniniwala ako kayang-kaya natin itong lampasan dahil tayo ay sadyang matatag. Hindi sumusuko sa anumang laban, sapagkat Pilipino tayo, Pilipinas ang ating bayan.

Salamat sa inyong lahat, mga Kababayan! Hindi kayo nang-iiwan. Hayaan na natin silang walang pakialam at mga gahaman. May oras din sila. Ang karma naman ay nariyan lang---nakaabang.

P.S.
Magdasal lagi tayo na agad tayong makabangon..

Nagmamahal,
Makata O.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...