Followers

Friday, May 23, 2014

Huwag Kang Magagalit



  Ito'y isang puna ko lamang, wag sanang loob ay sumama
  Kung ika'y nasapul, patawad, pagkat ito'y sayo'y tumama
  Di ko hangad na ika'y saktan, bagkus, mga bagay ay itama
  Upang samahan nati'y maluwat, sa tagumpay, magkakasama.

  Hoy, aking kaguro! Wala kang pitagan kung managot
  Sino ka ba sa akala mo? Hindi ka naman siguro engot
  Upang di mo malamang mali ka, ika'w binabangungot.
  Gumising ka nga! Ayusin mo ang ginawa mong gusot!

  Ang tingin ng marami sa'yo, isang kang maingay na bangaw
  Ang taas ng lipad, palalo, nakaapak lang naman sa kalabaw
  Lumagay ka sa tama mong kalagyan, huwag kang mananapaw
  Huwag kang sumandal sa iba, baka kayo'y sabay na magunaw!

  Tandaan mong kung ano ang ginawa mo sa kapwa mo
  Pagdating ng takdang panahon, ay siya ring daranasin mo
  Mga pangarap mo'y tuparin ng walang sinasagaang kaguro
  Tagumpay ay mainam kung nakamit  ito sa tamang proseso.

  Kaya, lintang guro, tama na ang paninipsip ng dugo
  Humayo ka't gamitin ang kakayahan at talino mong totoo
  Itigil mo iyang pandaraya at pangangapit na parang tuko
  Kung ika'y tunay na mahusay, sa amin ay patunayan mo ito!

  Tama na! Sa ganyang gawaing wala ka namang mapapala
  Umangat ka nga sa lupa, nabasag at lumagapak naman ang iba
  Katulad ka ng pesteng anay, maliit ngunit sadyang mapamuksa
  Maninira ng pundasyon, palibhasa walang alam, walang hiya!

  Hindi kita hinihiya, hindi ako nanghuhusga ng aking kapwa
  Payo ko lamang na itigil mo na, panlalamang sa iyong kasama
  Guro ka, guro din sila, kaya, kayo'y magkaisa, ika'y makiisa
  Pagiging hambog, may hangganan iyan, may katapusan pa.

  Puna lamang ito, kaibigan, kung nasagi ko ang puso mo
  Mabuti nga iyon upang ikaw ay tuluyang magbago
  Ngunit kung hindi mo plano, Pwes! Ako na ang kalaban mo
  Payo lang din katotong guro, pananalita mo ay dapat wasto.


No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...