DENNIS' POV
Simula nang mag-iba ako ng style sa pananamit at maging astigin, napapansin na ako ni Krishna. Madalas nga ay mahuli ko siyang nakatingin sa akin. Agad niya lang na binabawi. Kaya kanina, nilapitan ko siya.
"Kris, puwede ba kitang ihatid mamaya?" lakas-loob kong tanong. Sinabayan ko na rin ng guwapong ngiti.
Hindi agad siya nakasagot, para kasing may hinahanap siya. Ayaw kong isipin na si Denise ang tinatanaw niya. Wala ang kapatid ko, nasa toilet, kaya nga nakabuwelo ako.
"Sige na," sabi ko pa.
"Tayong d-dalawa lang? Si...si?"
"Oo. Tayo lang. Ayaw kong may asungot. Puwede ba?"
"O, sure!"
Halos gusto kong lumundag sa tuwa. Ang galing ko! Napapayag ko. Yahooo!
Kaya nga nang uwian na, kinausap ko ang kapatid ko. Pinauna ko na. Sinabi ko ang totoo na ihahatid ko si Krishna. Wala siyang kibong tumalikod at umuwi sa bahay. Alam kong masama ang loob niya.
"`Ma, si Kuya, late na po umuwi `yan kanina," sumbong ni Denise kay Mama habang nasa kusina sila. Nasa sala naman ako, nanonood at nag-a-assignment.
"Bakit?" Hindi ako tiningnan ni Mama. Hindi naman galit ang tanong niya.
"Hinatid si... ang kaklase naming babae." Tiningnan naman ako ni Denise. Tila nagsasabing "Yari ka ngayon!"
Ngumiti sa akin si Mama. "Ayos `yan! Binata na kasi kaya nanliligaw na. Matutuwa ang Papa ninyo kapag nalaman `yan."
Boom panes! Walang palag ang tibo kong kapatid. Akala niya malalagot ako. Ang lakas ko kaya sa parents ko.
"Dennis, ikaw, ha, malihim ka na ngayon. Hindi mo sinasabing may nililigawan ka na pala. Sino ang masuwerteng babae? Ipakilala mo naman sa amin minsan."
Nahiya ako kay Mama, pero pinilit kong magsalita para lalong mainis ang kapatid ko. "Si Krishna po, ang bestfriend... yata, ni Denise. Hindi ba , Denise?"
"O, `di ayos! Siguradong sasagutin ka kasi kapatid mo ang bestfriend niya."
Ngumiti muna ako. "Hindi po, `Ma. Ayaw ko po ng gano'n. Gusto ko, sagutin ako dahil... dahil guwapo ako. Joke lang! Gusto ko po `yong sariling sikap ko."
Napatawa ko si Mama. "Tama, Dennis! Kaya galingan mo para makilala ko na siya. I'm sure, maganda siya."
"Nakita n'yo na po siya... Pumunta siya rito dati.."
"Ah, gano'n ba!? Sige, next time, kikilalanin ko na siya nang husto. O, ikaw, Denise, kailan sa `yo may manghaharana?"
Hindi nakaimik ang tomboy. Napangiwi pa nga ito. Taob!
Success! Ngayon pa lang ay para na akong nanalo sa puso ni Krishna. Nakita kong parang binagsakan ng pison ang mukha ni Denise.
No comments:
Post a Comment