Followers

Tuesday, October 21, 2014

Redondo: Amoy-pawis

Alas-nuwebe na ako nakabangon kanina. Hindi na masakit ang katawan ko. Pero, ramdam ko pa rin ang hirap na naramdaman ko kahapon habang pinipilit kong labahan ang mga malalaking labahin gaya ng kurtina at kumot. Parang ngayon ko lang naramdaman ang pagod.

Para ipakitang malakas na ako, naglaro ako ng remote control car ko, pagkatapos kong kumain ng almusal. 

"Ang weird mo talaga, Red!" sabi sa akin ni Dindee.

""Bakit? Dati pa naman akong naglalaro nito?" Ngumiti pa ako.

"Oo nga. What I mean is..kahapon naglaba ka maghapon. Ngayon ba, balak mo na namang maglaro maghapon?"

"Hindi naman. Gusto mo pasyal tayo? O kaya biking."

"Ayoko. Mainit na. Dapat kaninang mas maaga. Nuod na lang ako ng TV sa loob. Sige, enjoy mo yan."

Halos isang oras akong nasa labas at naglalaro ng kotseng may remote, nang dumating sina Rafael, Nico at Gio. Naka-basketball jersey sila. Hawak ni Gio ang basketball.

"Saan ang liga?" biro ko.

"Laro tayo sa school." yaya ni Nico.

"Bihis na." si Rafael. 

"Bakit biglaan? Kayo na lang.."  Kakamut-kamot ako sa ulo ko.

"KJ mo naman! Si Gio nga, o, napasama sa amin!" si Rafael.

Binanatan pa ako ni Nico ng kung anu-anong pang-aasar, kaya napapayag na ako. Wala akong nagawa pati sina Daddy at Dindee. Umalis agad kami pagkatapos kung magpalit ng basketball outfit.

Alas-kuwatro, nakabalik na ako sa bahay.

"Huwag kang magrereklamo dyan kapag masakit ang katawan mo! At pag nagkasakit ka..hindi na ako mag-aalaga sa'yo. Hmp!" pagalit ni Dindee. Nagagalit siya pero nakangiti ako.

"Matitiis mo ako?"

"Oo! Titiisin kita. Inaabuso mo kasi ang katawan mo!"

Niyakap ko siya para di na siya magalit. Nagpupumiglas nga lang, amoy-pawis daw kasi ako.

"Hoy, mabango naman ang pawis ko. Amoy-cologne."

Tumaas lang ang kilay ni Dindee. Tinawanan ko lang. Ang ganda pa rin niya sa paningin ko.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...