Hindi ako nakatulog kagabi dahil sa nangyari. Hindi rin naman kasi nagsalita si Dindee. Pinagtulakan na niya ako palabas para makapag-isa na siya. Hindi na ako nagpumilit. Nag-text na lang ako sa kanya ng 'Sorry' at "Good night".
Ramdam ko ang sakit na idinulot ko sa kanya. Hindi ko man sinasadya na mabalewala siya, alam kong nasaktan ko siya ng husto. Kulang nga siya sa pansin. Gusto niyang lagi ko siyang kinukulit. Ayaw niyang hindi kami nagkakausap at nagtatawanan. Hindi nga lang niya ako nauunawaan. Hindi niya alam kung gaano ko sinisikap na makasungkit ko ang pinakamataas na karangalan sa graduation at matalo ko si Riz.
Hindi na si Riz ang dahilan ng kanyang pagtatampo. Oras na ang kanyang pinagseselosan.
Mahirap pala..
Sinundo ko siya sa school nila. Kaya lang, hindi pa daw siya makakauwi dahil niyaya siya ng kanyang kaklase na si Edna na pumunta sa kanilang bahay. Gusto ko sanang sumama pero hindi ako pinayagan ng kaklase niya. Siguro ay nasenyasan siya ni Dindee.
Wala akong nagawa kundi umuwi at maghintay sa kanya. Panay din ang text ko sa kanya kong nasaan na siya at anong oras siya uuwi. Ngunit, ni isang reply ay wala akong natanggap.
Alas-otso na dumating ang nagtatampo kong girlfriend. Dumiretso na siya sa kanyang kuwarto, pagkatapos bumati kay Daddy. Nahulaan nga agad ni Daddy na may LQ na naman kami.
Nagbanyo lang siya at tuluyan nang nagkulong sa kuwarto.
Nag-iisip ako ng paraan para makapasok ako sa kuwarto niya.
"Dee, pakibukas ang pinto. Kukunin ko lang sa ilalim ng kama ang karton. Kailangan ko."
Binuksan niya.
"Gatas mo. Inumin mo muna bago ka matulog." sabi ko habang inaabot ko ang gatas sa baso.
Inabot naman niya.
"Pwede ba tayong mag-usap?"
Tiningnan niya ako. Nginitian ko siya. Sinara ko ang pinto.
"Miss na miss kita, Dee..Sorry. Sorry na."
Nilapag niya ang gatas sa ibabaw ng tokador at niyakap niya ako. "Miss na miss na miss din kita. Sorry din."
Mahigpit kaming nagyakap ni Dindee. Matagal.. Hinagkan ko ang kanyang noo, ang pisngi at ang mga labi. At, sabay kaming lumabas ng kuwarto.
Ngumisi sa amin si Daddy. "Kayo talaga.." sabi pa niya.
No comments:
Post a Comment