Dati naglalagay ako ng dalawang panyo sa bulsa ng pantalon ko. Tig-isa ang magkabila. Isa sa kanan. Isa sa kaliwa.
Dati 'yun! Ngayon, hindi na.
Napanuod ko lang kasi sa pelikula. Ang mga binata kasi noon ay nagpapahiram ng puting panyo sa dalagang umiiyak. Hindi magtatagal, mahuhulog ang loob nila sa isa't isa. Magiging masaya na uli ang dalaga. Mapupuno naman ng ligaya amg buhay ng binata dahil sa panyo.
Sa pelikula ko rin napanuod kung paano akitin ng dalaga ang tipo niyang binata. Naghuhulog siya ng panyo sa tapat ng lalaki. 'Pag pinulot ng binata, didiskarte pa uli ang dalaga hanggang sa magkapalitan sila ng pangalan. At hindi matatapos ang pelikula nang hindi sila magiging magkasintahan.
Ang pelikula nga naman! Ang laki ng impluwensiya sa akin.
Ginaya ko tuloy. Nang magpahiram ako ng panyo sa isang malungkot na dalaga ay naging epektibo naman. Nahulog ako sa kanya. Nahulog rin siya sa akin. In short, naging magka-MU kami.
Kaya lang, dumating ang asungot. Umiiyak. Nalulungkot daw siya. Gusto niyang maging masaya sa piling ng iniibig ko.
Nagpahiram naman ng idyomatikong panyo itong mahal ko hanggang nagkagustuhan sila.
Buwisit na panyo na 'yan! Iniwan ako ng mahal ko!
Simula noon, isang panyo na lang ang inilalagay ko sa bulsa ko. Natuto na kasi akong maging makasarili. Ayoko na ring manghiram ng panyo ng iba. Iiyak ako kung gusto ko. Luluha akong mag-isa kung gusto, gamit ang sarili kong panyo.
No comments:
Post a Comment