Maghapon akong nagtext at sumubok na tawagan si Dindee, pero bigo ako. Hindi niya ni-reply-an o sinagot man lang ang tawag ko. Hindi rin ako natulungan ni Mommy at ni Karrylle. Gusto ko na ngang gumive-up.
Ang hirap ngayong suyuin ni Dindee dahil nasa malayo siya. Hindi ako makaisip ng paraan para mapatawa siya. Hindi gaya kapag magkasama lang kami sa iisang bubong. Konting ngiti lang ay mapapangiti na rin siya.
Sa sobrang kalungkutan ko, kung anu-ano na ang pumasok sa utak ko. Puntahan ko kaya siya sa Aklan? Break-an ko na lang kaya siya?
At kung anu-ano pa. Pero, naisip ko, hindi rin makakatulong.
Nag-post na lang ako sa FB ng quote na apologetic. Sana nabasa niya..
Hindi ko rin naman mapuntahan si Gio o kahit sina Nico at Rafael sa kanilang mga bahay. Nasa probinsiya sila. Sana nga ay sumama na lang ako kay Daddy kagabi. Kahit paano siguro ay nag-enjoy ako at nalimutan ko ang problema.
Alas-singko, nang duamting si Daddy. Nahalata niya ang kalungkutan ko. "Hindi pa rin ba kayo nagkabati?" tanong niya.
Umiling lang ako at pumasok uli sa kuwarto ko. Sinundan niya ako.
"Halika ka nga dito, Nak." Masuyo niya akong inakbayan habang nakaupo kami sa kama. "Alam mo.. huwag mong masyadong dibdibin ang problema sa pag-ibig.."
"Bakit po?" seryoso kong tanong. Seyoso din niya kasing sinabi ang linyang iyon.
"..kasi may likod ka pa." Pumulanghit si Daddy ng tawa. Na-gets ko naman agad.
"Si Daddy naman, e." Sinuntok ko siya sa braso. "Nalulungkot na nga ang anak niya, nang-aasar pa."
"Sorry. Gusto lang kitang patawanin."
"Hehe. Joke ba yun? Natawa po ako dun, ah."
"Sabi ko sa'yo, eh. Hala, sige.. labas na. Nagmeryenda ka na ba?"
"Hindi pa nga po, e."
"Naku! Pag-ibig lang yan. Huwag mong ipagpalit sa pagkain."
Sa kabilang banda, may point si Daddy. Kaya lang, kinulit niya ako ng kinulit habang nagmemeryenda kami.
Kinagabihan, nakakatawa na ulit ako. Nanuod kami ng comedy movies sa Youtube. Inabot kami ng alas-nuwebe ng gabi sa panunuod.
No comments:
Post a Comment