Followers

Friday, November 28, 2014

Si Haring Kingking

Isang araw sa kaharian ng Yoropya ay nagulantang ang lahat sa pagkawala ni Haring Kingking.

"O, Diyos ko!" maiyak-iyak na turan ni Reyna Rinahan. "Kanina lang ay bumangon ako upang painumin siya ng gamot para sa kanyang karamdaman. Pero, paggising ko ay wala na siya sa aking tabi. Hanapin niyo ang hari, mga kawal! Ikaw, bilang pinuno.." Itinuro niya si Patrocinio. "..ay tumungo kayo sa Bundok Pasakit. HIndi kayo babalik sa kahariang ito hangga't hindi niyo naibabalik ang aking mahal na hari!" Makapangyarihang utos ng reyna. Tumalikod na siya nang nakangisi.

"Mahal na reyna maaari ba akong sumama sa kanila? Nais kong tumulong sa paghahanap sa aking ama." paluhod na pagsusumamo ni Prinsesa Pokwita.

Bumalik ang reyna. Inikutan niya ang prinsesa habang nakataas ang mga kilay at nakahalukipkip ang mga braso. "Yaman din lamang na wala ka namang silbi sa kahariang ito, sige, humayo ka! Sumama ka sa mga tamad na kawal! Hanapin mo ang iyong butihing ama. Magsama kayo!"

"Hindi maaari! Hindi siya pwedeng sumama sa kanila. Mapanganib sa Bundok Pasakit!" tutol ng matandang babae na matagal nang katiwala ni Haring Kingking.

"Lumayas ka sa harapan ko, lapastangang gurang. Lumayas kayong lahat!" Umupo siya sa trono ng hari. 

Nagulat ang lahat nang ginawa ito ng reyna. Kabilin-bilinan ng hari na bawal itong upuan ng kung sino hanggang hindi niya sinasabi at nahahanap ang papalit sa kanya bilang hari.

Maya-maya ay bumuhos ang malakas na ulan, kasunod ang kulog at kidlat. 

Sa gitna ng pag-aalburuto ng langit, walang nagawa ang mga kawal kundi isama si Prinsesa Pokwita sa kanilang paghahanap sa nawawalang hari.

Ilang buwan ang lumipas, nagbago ang buhay ng mga tao sa kaharian. Ang dating masaya at masaganang buhay nila ay napalitan ng lungkot at paghihirap sa kamay ni Reyna Rinahan. Pinahirapan niya ang mga ito at ginutom. Maraming bata ang nagkasakit at binawian ng buhay.

"Mahabag ka sa anak ko, Reyna Rinahan! Kailangan niya ng gamot.." Tangan-tangan ng aliping ina ang kanyang nagdedeliryong anak. 

"Wala nang gamot. Nasa Bundok Pasakit ang lahat ng kawal. Walang maaaring lumuwas para bumili. Kung gusto mo, lumuwas ka sa liwasan at ikaw mismo ang bumili."

"Imposible ang sinasabi ninyo, Reyna! Sabi ni Tandang Cora.."

"Si Tandang Cora? Hindi pa rin pala siya lumisan sa aking kareynahan?"

"Hindi po..Matagal na po.."

"Mga matitipuno kong bantay.." malambing niyang sabi sa dalawang guwapong lalaki na nasa kanyang magkabilang tagiliran. Hinawakan niya pa ang dibdib ng isa. "..hanapin niyo si Tandang Cora.." Biglang humarap ang reyna sa nagmamakaawang ina. ".. at patayin!"

Sa takot ng ina, agad siyang tumayo at lumayo sa mabalasik na reyna. 

Kinahapunan, hapong-hapo na dumating si Kawal Patrocinio. Payat na payat siya. Gula-gulanit na rin ang kanyang uniporme. Wala na ang kanyang sandata.

"Mahal na Reyna, ikinalulungkot ko po..hindi ko po nahanap ang mahal na hari. Ang malubha pa, hindi ko po nagawang iligtas sa mga kapahamakan ang aking mga kawal at si..si Prinsesa Pokwita." Lumuhod siya at humagulhol. "Handa po akong tanggapin ang inyong kaparusahan. 

Pumalakpak ang reyna. "Magaling! Magaling! At dahil sa iyong tapang at dedikasyon, ikaw ay mananatili sa Yoropya ko." Humalakhak ang reyna. Nagbulungan naman ang mga alipin habang nakatalikod siya.

"Bruhilda, ipatawag ang lahat!" utos niya sa bagong katiwala. "Ilabas na itong payat na kawal. Pakain siya."

"Opo, mahal na reyna."

Tumugtog ang banda. Hudyat ito ng isang piging. 

"Ngayong gabi ay nangagtipon tayo para sa pagpuputong ng korona sa bago nating hari!" lahad ng reyna.

Tumugtog ang mga tambol.

"Ipasok ang litsong baka na mula pa sa kabilang kaharian." 

Ipinasok naman ng mga bagong kawal ang litson at ipinatong sa gitna ng malaking dulang na punong-puno na rin ng masasarap na pagkain.

"Ipinakikilala..ang bagong hari ng Yoropya..si Haring Tolome!" masayang pagpapakilala ng reyna.

Nagulat ang lahat ng mga masusugid na tauhan ni Haring Kingking na ang kanang kamay ni Reyna Rinahan pala ang bago nilang hari. Matipuno at batang-batang. 

Agad na ipinutong ng reyna ang korona sa bagong hari. Hinalikan niya pa ito sa labi pagkatapos.

Agad na nagsialisan ang ibang mga tauhan. Pagkatapos ay kumain na sina Reyna Rinahan, Haring Tolome at ang kanilang mga alipores. Hinayaan nilang natatakam ang mga alipin.

Nang mabundat ay bumalik sa trono ang bagong hari. Umupo naman ang reyna sa kanyang trono dahil nakakaramdam siya ng hilo.

Hindi niya makumpirma kung si Haring Kingking nga ang nakatayo sa kanilang harapan. Kung hindi ito nagsalita ay hindi niya makikilala.

"Haring KingKing? Buhay ka?" Tila tinakasan ng dugo ang reyna.

"Oo! Buhay na buhay. Muntik mo na akong mapatay sa lason." wika ng totoong hari. 

"O, hindi! Paano kang nakaligtas?!"

"Salamat kay Tandang Cora at kay Patrocinio, ang mga masusugid kong mga tauhan."

Lumabas ang dalawa. Kasunod nila si Prinsesa Pokwita at ang mga magigiting na kawal.

"Tapos na ang pagrereyna-reynahan mo, Rinahan! Isa kang taksil!" Sa kumpas ng hari, agad na nilapitan ng mga kawal ang mga alagad ni Rinahan, na noon ay nangaghandusay na. 

"Masarap ba ang litsong baka na may lason? Natikman mo rin ang lasong inihahalo mo sa pagkain ko."

Hindi na nakasagot ang traydor na reyna. Kaya, kinaladkad na siya ng mga kawal. Inihulog siya sa kulungan ng mga tigre, kasama ng mga traydor niyang tauhan at kalaguyo.

Noon din ay isinalin ni Haring Kingking  ang kanyang korona kay Patrocinio. Ipinutong naman niya ang dating korona ni Rinahan kay Prinsesa Pokwita.

Simula noon, naging masaya, payapa at masagana nang muli ang kaharian ng Yoropya sa ilalim ng paghahari at pagrereyna nina Haring Patrocionio at Reyna Pokwita at sa paggabay ng dating Haring Kingking, na binibigyan naman ng  kalakasan ng apong si Prinsipe Zolo.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...