Unang kita ko palang sa'yo, sinabi ko na sa sarili ko na hinding-hindi kita papansinin. Ang angas mo kasi. Pinaupo lang ako sa tabi mo ni Teacher dahil transferee ako dinabugan mo agad ako. Ang damot mo! Ayaw mo na may katabi ka.
Oo, ang damot-damot mo. Minsan, humingi ako sa'yo ng papel dahil naiwan ko ang intermediate pad ko. Anong sabi mo? "Hindi hinihinigi ang papel! Bumili ka!" Pasigaw iyon. Halos maligo na ako sa laway mo. Pero dahil bagong lipat ako at dahil heartthrob ka raw sa campus, hindi ako kumibo. Tiningnan lang kita. Tiningnan ko lang ang mapupungay mong mga mata at mapupula mong labi, pati ang ilong mo. Gusto-gusto ko ang ilong mo kahit Pinoy na Pinoy dahil bagay naman sa mukha mo.
Christmas Party natin noon. Nagpa-parlor game si Teacher. Newspaper Dance. Ayaw mong sumali. Astig ka, e. Choosy pa. Kahit halos lahat ng kaklase nating babae ay hinihila ka na para partneran sila, ayaw mo talaga. Salamat kay Teacher dahil napilit ka niya. Kinilig ako dahil ako ang hinila niya para ipares sa'yo. Alam kong asar na asar ka pero ikinaligaya ko ang sandaling iyon. Naisaloob ko, panalo na agad ako.
Hindi mo nahalatang nagpi-flirt ako sa'yo habang umiindak tayo sa saliw ng musika. Nahihiya ka kasing sumayaw. Ikinahihiya mo akong kasayaw. Pero, pakiramdam ko noon, labis-labis ang inggit sa akin ng mga kapwa ko babaeng may crush sa'yo. Ang mga katropa mo naman, panay ang sigawan. Kinakantiyawn ka nila. "Kiss! Kiss!" ang sigaw nila. Kinilig naman ako, lalo na nang buhatin mo ako upang magkasya ang isang paa mo sa tinuping diyaryo.Hindi man tayo ang nagwagi, ako pa rin ang winner. Panalo ka sa puso ko...
Alam mo bang inaway ako ng mga kaklase nating babae sa labas ng campus pagkatapos ng party?
Ang pangit-pangit ko raw para sa'yo. Feeler. Ulikba. At kung ano-ano pang masasakit na salita. Umiyak ako nun pag-uwi ko. Isang araw akong umiyak. Pero pagkatapos nun, wala na.
Tama naman sila, e. Ilusyunada ako. Hindi ako bagay sa'yo. Kaya nang magpasukan, hindi ako tumabi sa'yo. Sa likod ako umupo. Mabuti at nakipagpalit sa akin ang may crush sa'yo. Mabuti na rin iyon dahil nakakapag-concentrate na ako sa mga aralin. Mabuti na lang, hindi pa ganun kalalim ang pagkagusto ko sa'yo. Mabuti na lang crush lang kita. Grade Six pa lang naman tayo nun. Marami pa tayong dapat unahin.
Pag-aaral. Ito ang inuna ko. Hindi na kita tinitingnan o pinapansin man lang... hanggang sa grumadweyt tayo.
Nabalitaan ko nga, hinanap mo raw ako noong graduation ball natin. Hindi ka raw nag-enjoy dahil parang may hinihintay ka. Sorry, sinadya kong hindi umattend dahil alam ko, kaiinggitan na naman nila ako.
Nakalimutan din kita. Hindi ka na nga sumagi sa isip ko sa buong apat na taon ko sa high school. Sorry, natuto lang akong pahalagahan ang sarili ko at ang edukasyon. I don't care about love! Para lang 'yan sa magaganda at mga guwapo.
Kahit noong nakasalubong kita sa mall, wala akong interes sa'yo. Kisihudang ang gwapo-gwapo mo noon sa iyong puting-puting college uniform. Kahit naamoy ko ang pabango mo na gamit mo na noon pang elementary days natin, ay hindi ako kinilig.
Nag-Hi ka. Nag-Hello ako. That's it! Pero pag-uwi ko, nasa gate ka na ng bahay namin. Ang corny mo, tsong! May rosas ka pang dala. Akala mo kinilig ako? Akala mo gusto ko ang ginawa mo? Nakita mo naman, di ba? Tinanggap ko lang ang mga bulaklak, pero sinampal kita dahil tatanungin mo agad ako kung pwede mo akong mahalin.
Sh*t!
Hindi mo lang alam... Hindi mo lang nakita... Hindi mo naramdaman...
Seryoso ka na pala. Hindi ko akalain na ang bully noon, marunong palang manligaw.
Wow! Napaniwala mo ako. Maganda na ako sa paningin mo.
Hanep! Ma-effort ka pala. Niligawan mo pati ang Mommy ko. Halos tumira ka na nga sa bahay namin. Sana kapatid na lang ang turing ko sa'yo. Ang sweet niyo pa ni Mommy, e. Botong-boto talaga siya sa'yo. Hindi ko nga alam kung anong ipinakain mo sa kanya dahil nasabi niyang mabuti kang tao. Well, deserve mo naman sana...
Muntik na kitang sagutin nun, e. Kundi lang kita nakitang may kaakbay na babae. Gosh! Palikero ka pala! Hindi lang isa. Marami.
Koleksiyon mo ba ako?
Ang sakit, tsong. Ang sakit-sakit! Kulang pa ang sampal, kurot at mura ang ibinigay ko sa'yo. Gusto kitang sakalin. Gusto kong dukutin ang puso mo.
Salawahan ka! Andami mong pinag-aalayan ng puso mo.
Ngayon, nasa harapan kita. Tinititigan mo rin ako. Namumuo ang mga luha mo sa mapupungay mong mata. Nais bumuka ng mapupula mong labi. Nagbabadya rin ang mala-tubig na sipon sa ilong mong may pagkapango. At ang gwapo mong mukha ay nagtatanong...
Magkahawak-kamay pala tayo. Saka ko lang, napansin si Father nang inulit niya ang kanyang tanong. At saka mo lang din nasagot ang kanyang tanong.
"Yes, I do!" ang sagot mo.
No comments:
Post a Comment