Antok na antok na si Perry nang sumakay sa PUB. Palibhasa, kakatapos niya lang mananghalian sa paborito niyang fast food chain.
Sa loob ng sinakyang bus, nadaanan ni Perry ang lalaking Mangyan na bumabati ng 'Merry Christmas' habang inaabot sa bawat pasahero ang sobre. Nabuwisit siya. Halos araw-araw na lang kasi siyang nakaka-engkuwentro ng ganito.
Hindi pa siya nakakakapagbayad sa konduktor ay nasa harap na niya ang Mangyan. "Merry Christmas!" anito, sabay abot ng sobre.
Hindi na ito tiningnan o binasa man lang ni Perry. Ibinalik niya ito kasabay ang kanyang pamasko ngunit sarkastikong pagbati.
"Pagpalain kayo ng Diyos!" sabi pa ng Mangyan.
Sa pandinig ni Perry, tila isinumpa siya ng Mangyan. Napahiya siya sa kanyang karamutan. Hindi niya nagawang tingnan sa mata ang lalaking humihingi ng maagang pamasko.
Pagkatapos niyang magbayad sa konduktor, sinikap niyang pumikit. Ilang minuto rin siyang nakaidlip kung hindi nga lang nag-excuse ang matandang lalaki upang bumaba, hindi siya magigising.
Nang umusog siya patungo sa dating kinauupuan ng matanda, tumambad sa kanya ang sobre ng Mangyan. Takang-taka niya itong dinampot. "Sir/Mam, Ako ay namamasko. Salamat po." ang nakasulat sa sobre. Gumapang sa buo niyang katawan ang takot, lalo na nang buksan niya ito. Tumambad sa kanya ang malutong na isandaang libong piso.
No comments:
Post a Comment