Siyam na oras na binayo ng supertyphoon Loring ang baryo Mapolot. Siyam na oras ding nakipag-amok ang pamilyang Salome sa mga mababalasik na hangin at matatalim na ulan sa ilalim ng chapel na kanilang nilikasan.
Pagtahan at pagkapipi ng unos, masayang bumangon si Mang Pedring. Pinagmasdan niya ang kanyang mag-iina na nakahimlay pa sa ilalim ng mga pinagdikit-dikit na upuang kahoy. Nahalina siya sa pagngiti ng araw at sa paghuni ng mga ibon kaya lumabas siya sa chapel. Buong-buo ang loob niyang maiaahong muli niya ang kanilang kabuhayan. Positibo naman lagi ang pananaw niya sa buhay. Mataas ang pananampalataya niya sa Panginoon. Maraming beses na rin silang pinahirapan ng mga bagyo. Noong nakaraang dalawang taon, binawi sa kanya ang isa sa apat niyang anak. Ngunit ang lahat ng mga ito ay nalampasan niya.
Pinagmasdan niya ang paligid. Wasak na wasak. Nagbagsakan ang mga puno at halaman. Natatanaw din niya ang mga kabahayang nawalan ng bubong. Ang iba ay nagiba.
Humayo pa si Mang Pedring. Nais niyang makita ang kanilang dampa.
Nabigo siya sa kanyang nakita. Wala na roon sa dating kinatitirikan ang kanilang kubo. Kung saan man ito napadpad ay hindi na niya nais malaman. Ang mahalaga ay magkakasama silang magpapamilya.
Tumakbo siya pabalik sa nagibang chapel. Doon ay nakahandusay pa rin sa ilalim ng mga upuan ang kanyang asawa, ang kanyang tatlong anak at ang kanyang sarili. Sinubukan niyang tanggalin ang mga tipak ng semento na nakadagan sa kanilang mga katawan ngunit nabigo lamang siya.
Napaluhod siya. "Panginoon... Panginoon, salamat po!"
No comments:
Post a Comment