"Cheers!" deklara ni Mayor Bulokoy sa harap ng kanyang mga kapartido. Itinaas niya ang kanyang wine glass na may alak. Nagsunuran ang mga mga tanod, mga konsehales, mga kapitan, mga empleyado sa municipal hall at mga pinuno ng iba't ibang asosasyon. "Tiyak na ang aking panalo..." Tumawa muna siya na parang si Satanas. "dahil wala na naman akong makakalaban."
"Mabuhay si Mayor! Mabuhay!" sigaw ng isang matabang kapitan.
"Mabuhay!" anang lahat ng mga naroon. Itinaas pa nila ang kanilang mga kamao.
Sumenyas ang alkalde na sandaling ihinto ang pag-cheer.
"Dahil d'yan... lahat kayong mga narito..." Sinuyod niya muna ng tingin ang lahat ng mga naroon. "lahat kayong mga nangarito... ay patuloy na makikinabang habang ako ay nasa puwesto!"
Nagpalakpakan ang mga supporters at kaalyado ng mayor, habang parang aso ang ngiti nito.
"Sige, kain lang kayo d'yan!"
"Boss..." bulong ng kapitana. "may ilang oras pa para makapaghain ng COC..."
Nginitian ni Mayor Bulokoy ang kapitana. "Huwag kang mag-alala, Kap! Ang takot lang nilang kalabanin ako. Hindi ba, Sarge?" Tinapik pa niya ang tinutukoy.
Tumango lang si Sarge. Tapos, nagtawanan lang sila ni Kapitana.
"Mayor, phone call po from Atty. Makatalo..." iniabot ng sekretarya niya ang wireless na telepono.
"Hello, Attorney? Good afternoon!" masayang bati ng alkalde.
"Hello, Mayor! Sorry, I'm not able to join your party."
"It's alright! May victory party pa naman tayong gaganapin after election. That time, hindi ka na siguro busy."
"Yeah. But... but.."
"Ano'ng problema, Attorney?"
"Your... your daughter."
Nag-iba ang ekspresiyon ng mukha ni Mayor Bulokoy. "Sinong daughter ko?"
"Si Karla. She's back with a vengeance!"
"What do you mean? Tapatin mo ako, Attorney!"
Bumuntong-hininga muna ang abogado. "Siya ang makakalaban mo! Naghain siya ng COC..."
"Ano? Hindi puwedeng mangyari 'yan, Attorney! Lalabas ang mga baho ko... Gawan mo ng paraan, Attorney! Gawan mo ng paraan!"
"No, Mayor! I can't! Ayokong makialam sa family problems niyo..."
"Attorney... pakius..." Sumikip ang dibdib ni Mayor at bumagsak ito sa sahig.
No comments:
Post a Comment