"Masaya ako dahil narating natin ang mahabang buhay..." Hinawakan niya ang kulu-kulubot na kamay ng asawa.
Ngumiti naman ang matandang babae na tila isang binibini. Nagkatinginan pa sila.
"Ako rin naman. Kuntento na rin ako kung ano ang meron tayo... Malawak na higaan... Ligtas na tahanan. Hindi nauubusan ng pagkain..." Umakbay pa siya sa kanyang asawa.
"Nakapagpaaral tayo ng limang anak. Nasa malayo man sila ngayon..." Nabasag ang boses ng lolo. "Kailan kaya nila tayo bibisitahin?"
Hindi na kumibo ang lola. Iniiwasan niya ang usaping iyon. Matagal na.
"Sorry... nabanggit ko na naman sila." anang matandang lalaki na napaubo naman pagkatapos.
Marahang tumayo ang lola. Hindi na niya magawang tumayo nang mabilisan dahil sa iniindang rayuma. Pagkatapos ay tahimik siyang naglatag ng karton sa sulok ng isang establisyimento kung saan sila nagpapalipas ng gabi... araw-araw.
No comments:
Post a Comment