Followers

Tuesday, December 22, 2015

Stop Bullying Now!

Matagal siyang nakatayo sa harap ng puno ng mangga. Ngayon niya lang kasi napansin ang karatulang kinasusulatan ng "Stop Bullying Now!" Kahapon ay wala pa iyon.

Lihim siyang natuwa sa nakita habang binabagtas niya ang kanyang classroom. Tila nawala lahat ng takot at pangamba niya. Pakiramdam niya, pinoprotektahan ng paaralan ang kanyang karapatan. Hindi pa nga siya nagsusumbong sa Guidance' Office tungkol sa mga pambubully sa kanya ng kanyang kaeskuwela ay gumawa na sila ng paraan upang matigil ito.

Sa unang pagkakataon, nagpagabi siya ng uwi upang magawa niyang malibot ang paaralang apat na taon na niyang pinangilagan dahil na rin sa takot. Subalit, sa hindi inaakalang pagkakataon, nagpahuli rin pala sa pag-uwi si Marcelo-- ang nag-iisang bully sa kanilang paaralan at ang tanging taong nagbibigay sa kanya ng nginig sa tuwing lalapitan siya nito.

Habang mabilis na lumalayo si Darwin, palapit naman si Marcelo sa kanya. Alam niyang gagawin na naman siya nitong isang laruang robot. Iikot-ikutin ang ulo. Lalapirutin ang mga tenga, ilong at iba pang bahagi ng katawan. At ang pinakamatindi, duduraan siya sa mukha kapag hindi niya naibigay ang assignment na ipinagagawa sa kanya.

Nababalot ng takot at poot ang kanyang buong katawan habang patakbo siyang naghahanap ng matataguan.

Sa likod ng nakatambak na mga upuan at mesa siya nagtago. Nakikita at naririnig niya si Marcelo. Nagbabanta pa ito. Huwag daw siyang magpapakita sa kanya.

Hindi na niya gusto ang nangyayari. Ito na yata ang pinakamalupit na ipinakita ni Marcelo sa buong apat na taon. Sobrang nakakatakot na siya. Abot-abot ang kaba at takot ni Darwin ngunit handa na siyang tapusin ang bangungot na iyon.

Inilabas niya ang lubid mula sa kanyang bag at matapang siyang lumabas sa kanyang pinagtaguan.

Kinabukasan, pinagkaguluhan sa may puno ng mangga ang malamig na bangkay ni Marcelo. Nakabigti ito. Nakasabit sa leeg nito ang karatulang "Stop Bullying Now!"

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...