Followers

Thursday, December 17, 2015

Spirit of the Glass

Mula sa malayong bayan ng Bulacan, isinama ni Adrian ang asawang si Luisa sa pagbisita sa mga kaibigan sa Sampaloc, Manila. Maghapon din silang nagbahay-bahay upang kumustahin ang mga dating kaklase.

Sa bahay ng isang kabarkada ni Adrian, iniwan niya sandali si Luisa. Pupuntahan lamang niya ang mga kaibigan upang mag-spirit of the glass. Nais kasi nilang makausap ang espiritu ng namayapang kaibigan nila.

Dahil na rin siguro sa antok at pagod ay nagpaiwan si Luisa. Wala siyang nagawa. Sa kabila ng mga kaluskos at ingay, hindi na nga niya namalayang may mga dumating na lalaki.

Walang ideya si Luisa kung paano ginagawa ang spirit of the glass kaya pinilit niyang ibuka ang mga mata at tahimik siyang nagmatyag sa anim na maiingay na lalaki na nakapaligid sa gasera. Hindi niya kilala ang iba. Tanging ang may-ari ng bahay ang namukhaan niya.

Unti-unting tumaas ang mga balahibo niya sa kamay nang makita ni Luisa ang mapuputing usok na umapaimbulog mula sa umpukan. Tila sinasapian ang mga lalaki tuwing naglalaho ang mga espiritung puti. Hindi niya maintindihan ang nangyayari. Akala niya’y nais nilang kausapin ang kaluluwa ng kanilang kaibigan ngunit ang nakikita niya ay isang ritwal. Ang mga kaluluwang nagmula sa dinarang na bagay ay pumapasok sa kanilang mga katawan. Sinasapian sila ng mga ito.

Nanlumo si Luisa. Gusto niyang magtalukbong ng kumot ngunit ayaw niyang malaman ng mga lalaki na siya ay gising. Mas lalong ayaw niyang sumanib sa kanya ang isa sa mga espiritu. Gumuhit sa kanyang katawan ang matinding takot at pangamba. Nasaan na ba si Adrian, naisaloob niya.

Ipinikit na lamang niya ang kanyang mga mata. Nakiramdam siya habang pinipigil ang paghangos.

“Solb!”

Nabuhay ng dugo si Luisa nang marinig niya ang boses ng asawa. Dumilat siya at nakita niya si Adrian. Isa pala siya sa anim na nag-spirit of the glass.

Isa-isa nang naglabasan ang mga lalaki habang nililigpit ng may-ari ng bahay ang mga paraphernalia na ginamit nila sa ritwal. Nanlilisik naman ang mga matang nilipatan ni Adrian si Luisa.


No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...