Followers

Tuesday, December 29, 2015

Biktima

Sa loob ng sasakyan, tinanaw ni Carmina ang nakaunipormeng pulis sa kabilang kalsada at bumalik ang kanyang pokus sa dalagang nagwi-withdraw sa ATM, walong hakbang ang layo mula sa kanya. 

Nang matapos ang babae, naghanda na siya upang isagawa ang kanyang modus. 

Tumawid ang babae at pumasok sa isang fast food chain. Hindi agad nakasunod si Carmina dahil hindi niya akalaing kakain muna ang prospek. Hindi siya nakapaghanda ng plano para sa tagpong iyon. 

Dumidilim na. Kailangan na niyang isagawa ang kanyang operasyon. Kaya sa ilang sandaling pag-aalinlangan ay pumasok din siya doon. 

"Pwedeng maki-share?" tanong niya sa bibiktimahin. Tamang-tama, walang bakanteng upuan.

"Sure!" Ngitian pa siya nito.

Iniwan niya ang kanyang eleganteng bag sa babae dahil oorder siya. 

"Naku..." alinlangan ng babae.

"It's okay! Mapagkakatiwalaan ka naman, right? Besides, may CCTVs, o!" Itinuro pa niya ang isa sa mga ito.

Napangiti na lang ang dalaga.

Naging kampante ang babae kay Carmina. Dinaan niya kasi ito sa kanyang mga buladas. Nagkatawanan pa nga sila lalo na nang mapag-usapan nila ang Aldub. 

Maya-maya, naglabas na ng cellphone ang dalaga. Ipinagamit pa kay Carmina. Lihim na nagbunyi ang loob niya dahil gumana ang kanyang diskarte.

Ang bank account naman ang pinag-usapan nila. Effortless si Carmina dahil kusa nitong ibinigay sa kanya ang ATM card at passcode na parang magkakilala na sila nang lubusan. 

Nagulat si Carmina nang mag-ring ang cellphone ng babae. Ibibalik niya ito upang masagot.

Naririnig niya ang usapan. Pinauuwi na siya ng boyfriend niya. Natuwa si Carmina.

"I have to go, friend!" Tumayo na ito at dumukwang kay Carmina para bumeso. "See you again. Bye! Ingat ka."

Inulit lang ni Carmina ang huling dalawang pangungusap ng babae habang palayo na ito sa kanya.

Nang tuluyang makalayo ang babae, lumabas na rin si Carmina. Sinigurado niyang wala na ito sa lugar na iyon bago niya tinungo ang ATM.

Nakadalawang passcode error na siya nang biglang dumating ang dalawang lalaking nakajacket at may hawak na baril, kasunod ang dalagang biniktima niya.

"Itaas ang kamay!" anang isang lalaki.

"Sumuko ka na. Andami mo nang biniktima. Isa na doon ang akin ina." May galit ang pagkakasabi nito ng babae.

Tinutukan na siya ng isa pa. 

"Huli ka na ngayon!" saka namang pasok ng nakaunipormeng pulis. Ikinagulat iyon ng tatlo. "Face the wall!" Tapos, pinusasan niya si Carmina. "Salamat sa inyo. Matagal ko nang tinitiktikan ang babaeng ito." 

Tila nahipnotismo ang dalaga at dalawang lalaki. Nakatanaw lang sila sa pulis at kay Carmina habang umaandar ang patrol car.

"Sabi ko naman sa'yo, mag-iingat ka, e." sabi ng pulis sa kawatan. Hinalikan niya pa ito sa noo.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...