Followers

Sunday, December 13, 2015

Boya

Palubog pa lang ang araw ay pinaandar na ng mga kasamahan kong mangingisda ang makina ng bangka. Maliban sa mga dala naming yelo, banyera, lambat, gasolina, baterya, flashlight at pagkain, bitbit ko ang kaba at takot sa aking dibdib. Oo, napakasaya sa pakiramdam na natupad ko ang makarating sa laot at malapitan ang kulay-kahel na araw habang unti-unti itong nagtatago sa kabundukan, ngunit nakakatakot ang isiping baka hindi na ako makauwi nang buhay.
Hindi ko unang beses makakasakay sa bangka nang hapong iyon, pero iyon ang katuparan ng pangarap ko.
Habang papalayo kami sa dalampasigan, papataas naman ang tiwala ko sa Panginoon. Nag-usal ako ng dasal na hindi Niya lang kami bigyan ng maraming huli kundi ingatan Niya rin kami sa aming pangingisda at pag-uwi.
Nakita ko ang anim kong kasamahan. Hindi ko nabakas sa kanilang mukha ang takot. Naisip ko, masasanay rin ako.
Madilim na nang marating namin ang lugar daw ng mga isda. Kami lamang ang naroon. Maliit na liwanag ang nakikita ko kaya ipinalagay ko na malayo ang ibang bangka sa amin.
Pinagmasdan ko ang mga kasamahan ko habang sila ay nagpapakawala ng lambat. Tanging mga boya lamang ang aming palatandaan na maayos itong nailatag. Muli akong nag-usal ng panalangin. Humingi ako ng masaganang ani sa karagatan.
Marami akong natutunan sa ilang oras na lumipas sa pamamagitan lamang ng pagmamasid. Ang hindi ko nagustuhan ay ang hilo na nararamdaman ko dahil sa alon. Hindi ko nga nagawang ubusin ang pagkain ko. Hindi rin ako makaidlip dahil pakiramdam ko ay magigising ako sa ilalim ng dagat.
Matagal kaming naghintay. Hindi pa raw lumulubog ang mga boya, na siyangnpalatandaan na ang lamabat at dinunog na ng mga isda. Hindi ito normal, anila. Ang dalawa o mahigit pang oras ay isang kabiguan.
Lumipat kami ng puwesto pagkatapos naming hilain pabalik ang lambat na kinalapulan lamang ng mga lumot at seaweeds. May pailan-ilang isda na nakasabit pero hindi iyon sasapat sa pambayad sa mga ginastos ng aming bossing para sa pamamalakayang iyon.
Nadurog ang puso ko. Natalo nito ang hilong nagpahina sa akin ilang oras ang lumipas.
Muli akong nagdasal. Nanalig akong sa pangalawang subok ay makakamit namin ang masaganang dagsa ng mga isda. Sa mga oras na iyon, unti-unti ko nang nakakasanayan ang alon. Hindi na ako nakakaramdam ng pagkahilo at pagsusuka. Nakaidlip na rin ako kahit nanunuot ang lamig sa aking katawan.
"Batak na tayo." Nagising ako sa tawag na iyon ng aming lider.
Agad namang nagsitayuan ang lahat. Alam na nila ang gagawin nila. Ako... hindi pa. Nagdasal na lang ako. Sabi ko sana ay makakuha kami ng kahit isang banyerang isda. Ngunit hindi yata ako pinagbigyan ng Diyos dahil nangalahati na ang lambat na naiahon ay wala pa ring ni isang maliit na isda.
Laylay ang balikat kong umupo upang maglimas ng tubig palabas sa bangka habang pinapaandar nila ang makina. Nagdesisyon na ang lider na umuwi na kami.
Kahalati sa maliit na timba ang huli namin. Hindi sapat para makabuhay ng pamilya na may dalawang anak. Hindi nga rin sapat na iulam ng pitong pamilya.
Gusto kong lumuha. Gusto kong sumpain ang karagatan dahil hindi pala ito isang pangarap. Ngunit... hindi ko ginawa. Pinilit kong ngumiti. Pinilit kong unawain ang Maykapal.
Naisip ko, ang karagatan ay hindi pinapangarap dahil ito ay isang pagsubok.
"O, inihaw mo!" yaya sa akin ng kasamahan kong binatilyo . Inabot sa akin ang isang inihaw na isda. Ang bango niyon. Wari'y nalimutan ko ang kabiguan sa aking puso.
Habang kinakain ko ang malinamnam at mabangong inihaw, naunawaan ko na, na hindi lahat ng paglutang ay isang tagumpay at hindi lahat ng paglubog ay kabiguan. Katulad ng mga boya sa lambat, kapag lumubog ay nangangahulugan ng masaganang huli. 



No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...