Ikaw... ikaw ang dahilan nitong liriko,
Oo, ikaw ang nagpatibok sa puso ko
Noong naglunoy tayo sa iisang mundo
Kung saan, pangarap ko'y pangarap mo.
Oo, ikaw ang nagpatibok sa puso ko
Noong naglunoy tayo sa iisang mundo
Kung saan, pangarap ko'y pangarap mo.
Ikaw... ikaw ang awitin sa pagtulog ko,
Oo, ikaw ang himig ng aking pagsuyo.
Nang ako'y nanahan sa iyong kastilyo
Turing mo sa aki'y musikerong maginoo.
Oo, ikaw ang himig ng aking pagsuyo.
Nang ako'y nanahan sa iyong kastilyo
Turing mo sa aki'y musikerong maginoo.
Ikaw... ikaw ang bumuo sa nobela ko,
Oo, ikaw ang laman ng mga kabanata nito.
Wakas nito'y hindi ko ninais mabuo
Pagkat naniwala akong mahal mo ako.
Oo, ikaw ang laman ng mga kabanata nito.
Wakas nito'y hindi ko ninais mabuo
Pagkat naniwala akong mahal mo ako.
Ikaw... ikaw ang bugtong sa mga labi ko--
Kay sarap bigkasin iyong bulaang pangako;
Kay hirap sagutin kung bakit nagawa mo
Na ako'y ipagpalit sa mangingibig na bisyoso.
Kay sarap bigkasin iyong bulaang pangako;
Kay hirap sagutin kung bakit nagawa mo
Na ako'y ipagpalit sa mangingibig na bisyoso.
Ikaw... ikaw ang aking masalimuot na epiko,
Oo, ikaw ang tauhang tumarak sa aking puso
Iyong balaraw, iniwan akong nagdurugo
Habang ligaya mo'y nasilayan sa isang dayo.
Oo, ikaw ang tauhang tumarak sa aking puso
Iyong balaraw, iniwan akong nagdurugo
Habang ligaya mo'y nasilayan sa isang dayo.
Ikaw... ikaw ay isang maikling kuwento,
Oo, ikaw pala ay bahagi lamang ng dula ko
Ngunit itinuring kitang alamat ng pag-ibig ko
At isinama sa mga tala nitong buhay ko.
Oo, ikaw pala ay bahagi lamang ng dula ko
Ngunit itinuring kitang alamat ng pag-ibig ko
At isinama sa mga tala nitong buhay ko.
Ikaw... ikaw na ang nagwakas niring korido
Oo, ikaw ang nagsara ng telon ng entablado
Kaya't talumpati ko'y 'di naihayag nang buo
At mga salawikain ko'y 'di naipaabot sa iyo.
Oo, ikaw ang nagsara ng telon ng entablado
Kaya't talumpati ko'y 'di naihayag nang buo
At mga salawikain ko'y 'di naipaabot sa iyo.
Ikaw... ikaw ang katangi-tanging akda ko.
Oo, ikaw ang obra-maestrang iniidolo ko,
Kahit sagad sa buto ang sakit na dulot mo.
Gayunpama'y salamat sa pagiging ikaw at ako.
Oo, ikaw ang obra-maestrang iniidolo ko,
Kahit sagad sa buto ang sakit na dulot mo.
Gayunpama'y salamat sa pagiging ikaw at ako.
No comments:
Post a Comment