Followers

Monday, December 14, 2015

Ang Pinto

Nakaempake na si Nona ng mga damit nang magpaalam siya sa asawa.
"Hindi ba't napag-usapan nating dito kayo magpa-Pasko?!" Sinara niya ang pinto. "Halos linggo-linggo ka na sa mga magulang mo, pati ba naman ang okasyong para sa ating pamilya ay ipagkakait mo pa sa akin!"
"Philip... nakiusap naman ako sa 'yo kahapon pa, na kung ayaw mong mag-isa sa Pasko, samahan mo ako kina Mommy. Doon tayo mag-celebrate." Pinilit na magpakahinahon ng maybahay.
"Ayaw ko do'n sa inyo!" singhal ni Philip. "Christmas is family time. Ako na ang pamilya mo ngayon!" Galit na galit na ang tono ng pananalita niya. "Nang pinakasalan mo ako, nangako kang susunod ka sa akin... Ngayon kung hindi mo kaya... sige!" Binuksan niya uli ang pinto. Umupo siya sa sofa at naghintay ng desisyon ni Nona.
Yumuyugyog na ang mga balikat ni Nona habang karga niya ang isang taong gulang nilang sanggol. Paulit-ulit niyang pinagmasdan ang nakayukong asawa, ang sanggol, at ang bag.
Alumpihit si Nona. Tiningnan niya ang pinto. Ilang segundo niya ring pinagmasdan ang kadiliman sa labas ng bahay bago niya ipininid ang pinto. Pagkatapos, dahan-dahan siyang lumapit sa asawa.
"Umalis ka na kung gusto mo." Nakayuko pa rin si Philip, pero sa pagkakataong iyon ay bumaba ang boses niya. Tila nakikiusap pa siya. "Kapag umalis ka, kalimutan mo na ako."
Puspos na ng luha ang mga mata ni Nona, kasabay ng pagpatak ng mga luha niya at ang palahaw na iyak ng kanilang anak.
"Philip... I'm sorry."
Tumingin si Philip sa asawa. Nangusap ang kanilang mga mata.
"I'm sorry..." Ipinatong ni Nona sa kamay ni Philip ang umiiyak na sanggol at tahimik siyang lumabas ng bahay, bitbit ang maliit na bag. 


No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...