Followers

Thursday, December 17, 2015

Ang Pangitain ng Basag na Plato

Ang Pangitain ng Basag na Plato
Makata O.
https://www.wattpad.com/myworks/15734521-zilyonaryo%27s-dagli

Hindi na naihatid ni Purisimo ang kanyang asawa sa terminal dahil sa masama pa ring lagay ng panahon. Hindi naman niya hinayaang malumbay si Melinda sa kanyang biyahe, kaya sa bawat sampung minuto ay tinatawagan niya ito o kaya’y tinitext upang alamin kung nasaan na ito o kung nakarating na ito sa airport.

“Mahal, nandito na ako sa Terminal 4. Kakainis lang… delayed ang flight ko. Alas-otso na raw ng gabi…” Malungkot si Melinda.

Inalo siya ng mapagmahal na asawa. “Hayaan mo na. Ang mahalaga, matutuloy pa rin ang flight mo ngayong gabi. At least, hindi ka mahuhuli bukas sa kasal ng iyong mga kaibigan…”

“Sabagay… Hindi ko naman puwedeng ipaurong ang kasalan.” Tumawa pa si Melinda.

Nang maramdaman ni Purisimo na nanumbalik na ang sigla ng asawa, nagpaalam na siya ng ilang sandali upang makapaghapunan silang mag-ama. Naghugas na rin siya ng mga pinagkainan, pagkatapos.

Sa lababo, aksidenteng dumulas mula sa kanyang kamay ang puting plato. Nabasag ito. Kagyat na naisip ni Purisimo ang pamahiin. Binayo ng takot at kaba ang dibdib niya. Ayaw niyang mangyari ang naiisip niya. Hindi niya kakayanin. Sinabi na niya kasi sa kanyang asawa na ipa-cancel na niya ang flight dahil hindi pa naman nakakalayo ang bagyo. Nagpumilit pa rin si Melinda. Hindi niya raw maaaring ma-miss ang kasal ng kanyang matalik na kaibigan. Idinahilan pa niyang hindi naman apektado ng bagyo ang pupuntahan niya.

Nagkandamali-mali na si Purisimo sa kanyang ginagawa dahil sa pagkakataranta. Nasugatan pa siya sa pagdampot sa mga basag na piraso ng plato.

Malas! Naibulalas pa niya. Magkakahalong inis at pangamba ang bumalot sa kanya, habang dinadayal niya ang numero ng asawa. Ngunit sa kasawiang-palad, naubusan na ng load ang kanyang cellphone. Lalo siyang nag-alala. Tila tinatambol na ang kanyang dibdib. Gusto na niyang tumangis at isiping may nangyari ngang masama sa kanyang asawa. Isa ngang pangitain ang pagkabasag ng plato kanina.

Sampung minuto na ang lumipas nang maalala niya ang simcard na nabili niya sa may LRT station noong nakaraang araw. Hindi pa niya iyon nagagamit. May load na rin iyon.

Natataranta niyang pinalitan ng sim ang cellphone niya at dinayal uli ang numero ng asawa. Naisip niyang pakikinggan niya lang ang boses ng asawa. Kahit hindi na niya ito makausap. Ang mahalaga, alam niyang nasa ligtas na kalagayan ito at nagkamali lang siya ng hinuha.

Nag-ring nang nag-ring lang ang kabilang linya. Naisaloob ni Purisimo na ayaw lang sagutin ni Melinda dahil bagong numero ito sa kanyang phonebook. Subalit buo ang kanyang loob na marinig lang ang boses ng asawa, kaya inulit niya ang pag-dial. Kapag may sinagot, ibig sabihin niyon ay walang kinalaman ang pagkabasag ng plato sa kamatayan ng mahal sa buhay.

“Hello, good evening! Who’s this?” masiglang bati ng nasa kabilang linya.

Tila tinarak ng bente-nuwebe ang puso ni Purisimo. Boses ng lalaki ang narinig niya.
***

Larawan: google.com

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...