Followers

Tuesday, December 22, 2015

Tahanan

Tulog na ang kuya niya at ang bunso nilang kapatid na babae nang dumating si Dominador galing sa trabaho. Nag-grocery na rin siya kaya ginabi siya nang husto.

Marahan niyang binuksan ang pinto ng ref at biglang nag-init ang ulo niya nang makita ang mga nagyeyelong karne, isda at processed food.

"Hindi na naman kayo nagluto?! Ang tatamad naman ninyong kumain! Ang tagal-tagal na ng mga ito sa freezer. Heto nga't namili na naman ako. Saan ko pa ito ipaglalagay?" galit na litanya ni Dominador.

Dahil hindi siya nagbukas ng ilaw, tanging ilaw sa ref lang ang tumatanglaw sa kanilang kubo. Hindi niya nararamdaman ang presensiya ng kanyang mga kapatid pero alam niyang naroon sila.

"Sige... kung ayaw niyo, iuuwi ko na lang ang mga ito sa bahay." Mabilis na tinanggal ni Dominador ang lahat ng mga nagyeyelong ulam sa freezer at isa-isa niyang inilagay ang mga pinamiling pagkain. Pagkatapos, tahimik siyang lumabas sa bahay ng kanyang dalawang kapatid.

Napapaligiran iyon ng mga puno ng niyog. Hindi na halos masilip ang mga bituin dahil sa mga puno. Kaya, binabalot ng kadiliman ang paligid niyon.

Tatlong hakbang palang ang ginawa niya patungo sa kanyang konkretong tahanan, natanaw niya ang makapal na apoy sa direksiyon na kanyang tutunguhin. Kinabahan siya habang abot-abot ang hininga niya dahil sa pagtakbo.

Nang makalapit na siya, kumpirmado ni Dominador na natupok na nga ang kusina niya. Muling dumilim ang paligid. Tanging ang mga maliliit na baga na lang ang tumatanglaw sa palibot ng kabahayan.

Gusto niyang umiyak. Buong buhay niya kasi ay nagtrabaho siya upang makapagpatayo ng isang tahanan para sa kanyang pamilya.

Hindi pa siya lubusang nakakalapit ay naaninag niya ang anino ng kanyang kuya. Nagsisindi ito ng mga inipong tuyong dahon ng langka. Nagliyab ang puso niya sa nakita. Ang kanyang kuya pala ang nagsunog ng bahay niya.

"Demonyo ka! Demonyo ka!" hiyaw niya sa kuya.

Walang lumabas na salita sa bibig ng nakatatandang kapatid ni Dominador habang palapit ito sa kanya at galit na hinahampas siya ng kahoy.

Napilitang bumangon si Dominador. Sumilip siya sa labas ng kanyang trapal na tahanan. Natanaw niya ang mga kapwa niya biktima ng sunog. Nahabag siya sa sinapit ng kanilang kabarangay. Kung maaari niya lang aminin na siya ang dahilan ng sunog, ginawa na niya.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...