Followers

Wednesday, December 16, 2015

Ang Bag ni Lorena

Habang mugto ang mga mata at pasinghap-singhap, inilabas ni Lorena ang laman ng kanyang bag at pinalitan niya ng mga damit, pantalon, panloob, tuwalya at gamit na panlinis sa katawan. Kapagdaka'y tahimik at nakayuko siyang umalis ng bahay. Dinaanan niya lang ang kanyang ama sa sala na animo'y kumbinsidong sa school siya didiretso.
Paglampas sa kanilang bahay. Binilisan niya ang paglakad hanggang makarating siya sa sakayan ng dyip patungo sa trabaho ng kanyang kasintahan.
Isang oras ang naging biyahe niya. Sapat na iyon upang masabi niyang desidido na siyang huminto sa pag-aaral at makisama sa nobyo. Hindi na niya kayang sundin ang mga patakaran ng kanyang mga magulang. Pakiramdam niya, nasasakal siya sa sobrang higpit nila. Gusto niyang lumaya. Gusto niyang lumayo. Gusto na niyang makasama si Arnold.
Sa working place ng boyfriend ni Lorena, pinaghintay siya ng guard sa may waiting area habang pinatatawag ito.
"Lorena?" Ikinagitla niya ang mahinang boses ng lalaki.
"Arnold!" malakas niyang sambit. Kung wala lang doon ang guard, gusto sana niyang yakapin ang kasintahan. Iyon lamang kasi ang magpapaalis ng kanyang kalungkutan. Iyon lang ang alam niyang mabilis na paraan para mabawasan ang bagabag niya.
"Anong ginagawa mo rito?"
Nagitla si Lorena sa tinuran ni Arnold lalo na't umarko ang mga kilay nito. Para siyang sinampal. Hindi siya makapaniwalang si Arnold ang kaharap niya. Nawalang bigla ang kanyang pagiging sweet at pagiging gentleman.
"G-gusto lang kitang... m-makita."
"May trabaho ako." Halos ipagtabuyan siya ni Arnold.
"Sige. Dito na ako. Bye." Agad na tumalikod at lumabas ng gate si Lorena.
Hindi siya makausad. Pakiwari niya'y may tanikala ang kanyang paa. Sumikip ding bigla ang dibdib niya.
"Lorena!" narinig niyang sigaw ni Arnold.
Napahinto siya. Gusto niyang humiyaw sa tuwa dahil sa wakas ay na-realize ng nobyo niya na kailangan niya ng balikat na masasandalan. Maya-maya pa'y nasa harap na niya si Arnold, hawak ang kanyang bag.
"Naiwan mo. Enjoy sa outing niyo!" anito, sabay takbo pabalik sa loob. 


No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...