"Kapag bumalik ako sa January..." Maiyak-iyak si Lally nang nagpapaalam siya sa kanyang katrabahong lalaki. "...ibig sabihin, wala na tayong dapat ipangamba." Pagkatapos, tahimik siyang sumakay sa taxi.
Naiwan si Fortunato--- mabigat ang puso. Hindi niya gustong mangyari ang bagay na iyon. Hindi niya ninais na gumawa sila ng isa pang bagay para lamang masolusyunan ang pagkakamali nila, subalit wala siyang magagawa. Parehong masisira ang trabaho nila kung paninindigan nila ang alam nilang tama.
Naging tahimik si Fortunato buong linggo hanggang Pasko. Hindi naman ito nahalata ng kanyang asawa. Magtatatlong buwan na rin kasi nang malaman nila ni Lally na may problema sila. Ang tangi lang paraan ay umuwi siya sa probinsiya upang doon ay magawan ng paraan.
Enero. Balik na sila sa trabaho. Naisip ni Fortunato ay hindi nasolusyunan ni Lally ang problema nila. Absent kasi siya sa unang araw. Nalungkot siya. Ang isipin pa lamang niya na nagkaroon ng bunga ang minsang pagniniig nila ay nakakapagpakabog na siya sa kanyang dibdib, lalo na kapag naiisip niya ang konsenkuwensiya nito. Nai-imagine niya ang mas matinding problemang kakaharapin nila.
Paano niya sasabihin sa asawa niya na nabuntis niya ang katrabaho niya? Paano niya hahatiin ang kakarampot na sahod para sa mga anak niya?
Lumipas pa ang dalawang araw, hindi pa rin bumabalik si Lally sa trabaho.
Lugmok na lugmok si Fortunato buong maghapon sa trabaho. Marami na rin ang nagtatanong sa kanya kung bakit hindi na bumalik si Lally pagkatapos ng Pasko at Bagong Taon. Wala siyang maisagot.
Sa bahay, madalas siyang tahimik na nakatitig sa kanyang asawa at dalawang anak. Gusto na niyang aminin sa asawa kaya lang inabot siya ng takot at hiya. Nakahinga lang siya nang maluwag nang mapagtanto niyang hindi niya kailangang mangamba dahil nasabi sa kanya ni Lally na hindi niya guguluhin ang pamilya na nabuo ni Fortunato. Haharapin niyang mag-isa ang resulta ng pagkakamali niya.
Hindi niya napigilan ang pagtulo ng mga luha niya bago siya natulog. Nagdasal siya. Humingi siya ng kapatawaran sa Diyos.
Sabado ng umaga, tumawag si Lally kay Fortunato.
"Di ba uminom naman ako ng oregano, isang buwan pa lang akong delayed?" tanong nito. Umoo lang si Fortunato. "Tapos, pinilit kong uminom ng nilagang baging na binili natin sa Quiapo. Ang pait-pait nu'n. Sobra!"
Pinakinggan niya lang si Lally. Hindi niya alam kung may maganda itong ibabalita sa kanya.
"Kanina..." patuloy na kuwento ni Lally. "nagtanong ako sa kapitbahay namin. Pinayuhan niya akong uminom ng katas ng dahong talbos ng sitaw. Uminom ako. Sana... sana umepekto. Gusto kong magtrabaho..."
"Sana..." Ang tanging nasambit ni Fortunato bago. Gusto pa niyang sabihing uminom na lang siya ng Cytotec ngunit hindi niya nasabi. Mas nananaig ang kagustuhan niyang magkaroon ng anak na lalaki. Mali man o malaki mang problema at kahihiyan, tatanggapin niya dahil may takot siya sa Diyos.
Lumipas ang anim na buwan, saka lamang nakausap ni Fortunato si Lally.
"Hindi epektibo ang mga ininom ko. Ang oregano ay pamparegla man pero hindi nito natanggal ang bata sa sinapupunan ko. Ang mapait na baging ay hindi ko naman yata nalunok dahil isinuka ko lang lahat. Ang dahon ng sitaw ay ginugulay sa ibang lugar... Lahat ng naimon ko ay herbal..." litanya ni Lally.
"May naririnig akong uha ng bata... Tama ba ang naiisip ko, Lally?" Naluluha na si Fortunato.
Huminga muna si Lally. "Oo, Fortunato. Baby natin siya. Siya si Junior... Salamat! Salamat dahil nabigyan mo ako ng bagong buhay at pag-asa. Salamat..."
Umagos ang mga luha ni Fortunato. Walang mapagsidlan ang ligaya niya.
"Fortunato... mapalad ka sa iyong pamilya ngayon. Huwag mo silang iiwanan. Okay lang kami ni Junior. Huwag mo na kaming alalahanin. Balang araw, makikilala mo rin siya. Salamat!"
Hindi iyon matanggap ni Fortunato kaya kinontak niya ito, ngunit bigo siya. Hindi na niya matawagan si Lally.
Followers
Tuesday, December 22, 2015
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment