"Miss, ano pong hinahanap mo d'yan?" tanong ng service crew sa babae na aligagang sinungkit ng plastik na tinidor ang drainage ng lababo.
Kagyat na tumingin ang babae at nagpatuloy ito sa ginagawa. "Nahulog dito ang engagement ring ko."
"Alam kong mahalaga iyon sa'yo, pero hindi ko maipapangakong maibabalik namin ito sa'yo ngayong araw," anang binata.
Tumigil na ang dalaga. Tinitigan niya ang sinserong lalaki. "Tulungan mo akong makuha iyon, please."
May tila diyamanteng kumislap sa mata ng binata. "Oo, Miss..." Nakatitig pa rin siya sa magandang babae. Nanaig ang puso niyang matulungin.
Nagpalitan sila ng numero, pagkalipas ng ilang sandali ng pakiramdaman at titigan. Nangako ang binata na ibabalik niya ang singsing sa lalong madaling panahon.
Dalawang araw ang lumipas, nakuha na niya ang engagement ring. Tinawagan na ng binata ang dalaga, subalit iyak at hikbi lamang ang narinig niya sa kabilang linya. Nag-iwan na lang siya ng mensahe. Magkikita na lang sila sa isang lugar na kanyang itinakda upang maibalik niya ang singsing na may tampok na diyamante.
Sa isang hindi mataong restaurant, naghihintay si Dominic. Nasa harap niya ang singsing na nakabalot sa tissue. Muli niya itong tiningnan. "Napakapalad ni Trisha..." sambit niya sa kanyang isip.
"Hello! Sorry, I'm late." Ikinagulat nang bahagya ni Dominic ang bati ni Trisha.
Gayunpaman, mabilis siyang nakatayo upang alalayan ang dalaga sa pag-upo.
"Salamat!" ani Trisha. Ngumiti pa ito. Noon lamang napansin ni Dominic ang mapupungay nitong mata at matangos nitong ilong na lalong nagpapaganda sa kanya.
Natutunaw si Dominic sa titig ni Trisha kaya ibinigay na niya ang singsing.
"Hindi ko na kailangan 'yan, Dominic." Pilit na pinasasaya ni Trisha ang boses. Inilapit niya uli sa binata ang singsing. "Ibigay mo na lang sa iyong kapatid na babae."
"Pero, bakit? Hindi ba't engagement ring niyo ng boyfriend mo?"
"Oo." Yumuko siya't saglit na natahimik. "Nang malaman niyang nawala ko 'yan..." Garalgal na ang boses ni Trisha. "...nawala na rin ang pagmamahal niya sa akin."
"Ganun lang?!" Tumaas ang tono ni Dominic. "Hindi makatarungan ang ginawa niya. Materyal na bagay lang 'yan."
"Oo, Dominic... pero para sa kanya..." Hindi na niya kinaya. Yumugyog na ang kanyang mga balikat.
Nahihiya man, nilapitan pa rin ni Dominic si Trisha at inalay niya ang kanyang balikat.
"Salamat, Dominic!" bulong ng dalaga. "Sana, hindi ko na lang siya nakilala."
Pinagtitinginan na sila ng mga waiters kaya umupo na sila. Umorder na rin si Dominic ng pagkain. At habang hinihintay nila ito, nilabas niya ang pulang ring box. Wala itong laman. Doon niya inilagay ang diamond engagement ring nina Trisha at boyfriend niya.
"Salamat... dahil nakilala. Itatago ko ang singsing na ito baka sakaling magbago ang isip niyong dalawa."
Nakatitig lamang si Trisha sa kanya. Nais niyang magsalita.
"Salamat!" Itinago na niya ang box sa kanyang bulsa. "Pareho lang tayong nabigo." Inilabas niya ang gintong singsing mula sa bulsa ng kanyang polo. "Tinanggihan akong pakasalan ng girlfriend ko pagkatapos ng limang taon ng aming relasyon."
Pareho na silang puspos ng mga luha.
Kinuha niya ang kanang kamay ni Trisha. "Gusto kong tanggapin mo ito. Wala mang namagitan sa atin, alam kong pinagtagpo tayo ng tadhana." Isinuot niya ang singsing sa palasingsinginan ng dalaga.
"Salamat, Dominic! Salamat... dahil dumating ka sa buhay ko." Mangiyak-ngiyak na si Trisha.
Naghawak-kamay sila habang nangungusap ang kanilang mga mata.
Followers
Tuesday, December 22, 2015
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment