Followers
Wednesday, December 30, 2015
Magbago na Tayo
Ngayong bago na ang taon, sana magbago na rin tayo. Palitan natin ng mabubuti ang mga masasamang ugali, asal at gawain. Laging nating iisipin ang ikabubuti ng ating kapwa. Huwag lang ang ating sarili.
Balewala ang mga New Year's resolution kung patuloy nating tatangkilikin ang masama.
Huwag na nating hayaang sabihan pa na tayo ng "Mabuti pa ang taon, nagbabago, pero ikaw, hindi!"
Magbago na tayo.
Hijo de Puta: Ciento bente-dos
Hindi ko maipinta ang mukha ni Lianne. Hindi ko alam kung nandidiri siya sa akin o naiinis.
"Hindi ko maintindihan... Bakit kayong mga lalaki..." Nasapo niya ang kanyang noo bago siya tumalikod sa akin.
"Trabaho, Lianne... trabaho."
"Trabaho?" pasigaw niyang tanong. Humarap siyang muli sa akin na may nagbabadyang mga luha. "Sa dinami-dami ng puwedeng pasuking trabaho... shit! Ang pagpuputa pa ang pinili mo. Oo, ako rin... Napasok ko rin 'yan pero hindi ko ginusto. Hindi ko kinarer, Hector."
Hindi na ako nagsalita pa. Ayaw kong mag-away uli kami. Alam kong nagmamalasakit lang siya sa akin. Thankful na ako roon.
Natahimik kaming sandali bago pumasok ang isang nurse. Magiliw siyang bumati at ngumiti sa amin saka siya nagbigay ng mga gamot sa akin.
"Nurse... maaari ko bang malaman kung sino ang nagdala sa akin dito?" tanong ko.
"Sige po, Sir. Aalamin ko po sa information."
"Salamat!"
Palabas na sana ng pinto ang nurse nang maalala kong itanong ang bill ko.
"Isabay ko na rin po mamaya..."
Animo'y registered nurse na lumapit sa akin si Lianne, ilang sandali paglabas ng totoong nurse. Sabagay, nag-iintern naman talaga siya.
Inayos niya ang higa ko. Sinipat-sipat niya ang dextrose. At tahimik niyang tiningnan ang bendahe ko. Ramdam ko ang tibok ng puso niya habang nalulunod ako sa masamyo niyang amoy. Tumambad din sa akin ang malulusog niyang dibdib na patay-malisya kong sinulyapan.
"Ano'ng plano mo, paglabas mo rito?" tanong niya.
Nakatulala ako ngunit agad kong nabawi. "Uuwi muna ako sa probinsya..."
"Then?"
Wala akong maisip na isasagot. Hindi ko masasabing babalik uli ako sa bar. "A... e, bahala na. Mahalagang lumakas muna ako."
"Ganyan ka ba talaga, Hector?"
"What do you mean?"
"My God, Hector!" bulalas ni Lianne. Seryoso pala siya. "Walang direksiyon ang buhay mo! Sinong babae ba ang magmamahal sa'yo kung ganyan ka?!
Napipi na naman ako.
"Hindi ko nga alam kung bakit ako nandito, e. Bakit ba ako magmamalasakit sa'yo kung ang sarili mo nga ay hindi mo kayang mahalin... irespeto?"
Natahimik kaming pareho. Hindi magkasalubong ang mga paningin namin pero parang magkadugtong ang aming mga puso--- nangungusap.
Mapalad nga ako't nakilala ko siya. Siya na nga marahil ang tuluyang magbibigay sa akin ng direksiyon sa buhay.
Tuesday, December 29, 2015
Biktima
Sunday, December 27, 2015
Regalo
"Wow! Andami nating pera!" Nanlaki ang mga mata ni Tonton habang palapit sa ama. "Magiging masaya na po ang Bagong Taon natin!"
"Opo, anak. Hindi na tayo matutulog pagsapit ng alas-dose gaya noong Pasko..."
Kumunot ang noo ng anak. "E, bakit po andami niyong pera? Saan po galing 'yan? Ano naman po ang mga 'yan?"
"Regalo, anak. Regalo..." Biglang nataranta ang ama. Sinamsam niya ang mga pera. "Sige na! Balik na sa higaan mo. Bukas... ibibili ko kayo ng damit. Sige na. Matulog ka na uli."
Nang makitang nahiga na ang anak. Ang mga tirang paputok naman ang binilang ni Mang Jude. Naisip niyang bukas ay maibebenta niyang lahat ang mga natira at kapag nagkagayon, magiging maligaya ang pagsalubong nila sa Bagong Taon.
Hindi nga siya nagkamali. Maaga pa'y naubos na ang paninda niya kaya nakadaan pa siya sa palengke upang bumili ng mga regalo para sa kanyang tatlong anak.
Masayang umuwi si Mam Jude habang pinaplano niya ang pamimiling muli ng mga ibebentang paputok.
"Mang Jude! Mang Jude..!" hangos na salubong ng kalaro ni Totoy na si Marlo. "...s-si Totoy po nasa ospital!"
"Bakit?"
"Nagpaputok po siya. Putol ang kanang kamay!"
Nabitawan niya ang mga regalo at sumambulat sa dibdib niya ang tuwang naramdaman niya kanina lamang.
Utang na Loob
"Tara na... Hindi ka pa niya napapatawad." ani Jester. Kapagdaka'y malungkot na niyakag ang misis na nasa ikalimang buwang pagdadalantao. Naisip niyang may kasalanan din siya kahit paano. Maaga silang nag-asawa.
"Hindi na niya ako mapapatawad." Halos maiyak ang misis habang papalayo sila sa dati niyang tahanan. "Kasalanan ko naman ito. Ni hindi ko nasuklian ang pagpapaaral niya sa akin... Hindi na nga siya nakapag-asawa... Wala akong utang na loob..." Tuluyan nang bumuhos ang mga luha ni Melia.
Pinisil lang ni Jester ang kamay ni Melia. Kung alam ng misis niya na nasaktan nang husto ang tita niya dahil mas pinili niya ang pamangkin kaysa sa kanya.
Demokrasya
Tiningnan muna ng ama ang kanilang dalawang taong gulang na anak, kasunod ang pagsulyap niya sa kanyang armalite. Mahal na mahal niya ang kanyang mag-ina ngunit hindi maaaring isantabi ang ipinaglalabang demokrasya.
Kumahol ang kanilang aso bago nakapagsalita si Homer. Hindi na siya tumayo sapagkat mas pipiliin niyang maging ama kaysa maging rebelde.
Saturday, December 26, 2015
Hiling
kailan mo ito matatamo?
O, kay sakit ng iyong puso
pagkat laging nagdurugo.
Ramdam ko ang pighati mo
at ang bawat kirot nito.
Nawa'y iyong makatagpo
ang tunay na pagsuyo.
Ang pag-ibig na totoo
ay siyang nararapat sa'yo.
Liham, Lihim #23
Patawad kung ginagawa ko ito ngayon sa'yo.
Hindi sa pinapahiya ko ang angkan ninyo pero kayo ang nakakahiya sa lugar ng tatay ko. 'Yung sinasabi niyong baliw ako, saan ba ako nabaliw? Di ba sa lugar ng angkan mo? Inalila nila ako du'n. Kinawawa at ni-rape ako ni Kerwin, na abogado na raw ngayon.
Patawad, pero para malinis ang pagkatao ko sa angkan ninyo, ako ang biktima dahil nilayo mo ako sa tatay ko.. Kayo ang 'di naging mabuting ina sa'ming magkakapatid. Porke't mahirap ang angkan ng tatay ko minata, ninyo ng pamilya mo. Hindi magulo ang pamilya ng tatay ko dito. Maayos kaming magpipinsan dito. Hindi man kami masyado nilalapitan ng mga kapitbahay dahil iyon sa ugali mo.
Patawad pero kung gusto mong matanggap ko pa kayo bilang ina ko, kayo ang tumanggap ng kamalian mo sa pamilya. Ang pangungusinti mo sa kapatid ko kaya naparirawa ang buhay niya. Kaya kayo ang dapat magpagamot sa psychiatrist. Iyon nga ang pinag-aralan sa RTU. Ang mag aral ng utak ng tao pero bakit mo ako hinusgahan? Wala nga sa angkan ng ama ko ang baliw kundi nasa sa inyo. Kaya tayo pinagtatawanan sa lugar natin dahil kayo ang mali sa pamilya. Alam ng tao ang ginagawa mo sa'ming anak mo.
Tatay ko ang pinatay mo! Kayo ang 'di naging mabuting asawa. Napakabuti ng aking ama. Wala siyang naagrabyadong tao. Nagsikap siyang mabuhay sa matinong paraan. Hindi magnanakaw ang angkan niya. Matalino kami. At kahit 'di ko natapos ang pag aaral ko Bibliya ang tinuro sa akin ni Tatay para matuto. Pinagmamalaki mo ang angkan mong matatalino. Nasaan ang respeto ninyo?
Patawad, 'Nay, pero inaayos ko lang talaga ang kamalian mo. Matuwid kaming mga anak mo.
Nay, ngayon si Weng ay may sakit. Inaasikaso mo ba? Dapat dinadala niyo sa ospital. Pero, hindi! Kasi gusto mong mawalan ako ng kakampi sa bahay, dahil gusto mong palayasin ako sa bahay ng tatay ko. Hindi ba mayaman kayo sa probinsiya? E, 'di umuwi kayo doon, kung talagang tanggap nila kayo...
PATAWAD... Merry Christmas!
Nagmamahal,
Lovelyn
COC
"Mabuhay si Mayor! Mabuhay!" sigaw ng isang matabang kapitan.
"Mabuhay!" anang lahat ng mga naroon. Itinaas pa nila ang kanilang mga kamao.
Sumenyas ang alkalde na sandaling ihinto ang pag-cheer.
"Dahil d'yan... lahat kayong mga narito..." Sinuyod niya muna ng tingin ang lahat ng mga naroon. "lahat kayong mga nangarito... ay patuloy na makikinabang habang ako ay nasa puwesto!"
Nagpalakpakan ang mga supporters at kaalyado ng mayor, habang parang aso ang ngiti nito.
"Sige, kain lang kayo d'yan!"
"Boss..." bulong ng kapitana. "may ilang oras pa para makapaghain ng COC..."
Nginitian ni Mayor Bulokoy ang kapitana. "Huwag kang mag-alala, Kap! Ang takot lang nilang kalabanin ako. Hindi ba, Sarge?" Tinapik pa niya ang tinutukoy.
Tumango lang si Sarge. Tapos, nagtawanan lang sila ni Kapitana.
"Mayor, phone call po from Atty. Makatalo..." iniabot ng sekretarya niya ang wireless na telepono.
"Hello, Attorney? Good afternoon!" masayang bati ng alkalde.
"Hello, Mayor! Sorry, I'm not able to join your party."
"It's alright! May victory party pa naman tayong gaganapin after election. That time, hindi ka na siguro busy."
"Yeah. But... but.."
"Ano'ng problema, Attorney?"
"Your... your daughter."
Nag-iba ang ekspresiyon ng mukha ni Mayor Bulokoy. "Sinong daughter ko?"
"Si Karla. She's back with a vengeance!"
"What do you mean? Tapatin mo ako, Attorney!"
Bumuntong-hininga muna ang abogado. "Siya ang makakalaban mo! Naghain siya ng COC..."
"Ano? Hindi puwedeng mangyari 'yan, Attorney! Lalabas ang mga baho ko... Gawan mo ng paraan, Attorney! Gawan mo ng paraan!"
"No, Mayor! I can't! Ayokong makialam sa family problems niyo..."
"Attorney... pakius..." Sumikip ang dibdib ni Mayor at bumagsak ito sa sahig.
Room for Rent
Inulit niya pa ang pagtawag bago lumabas ang isang babae na nasa trenta pataas ang edad. May kabuntot siyang bata na nasa limang taong gulang. "Ano 'yun?" tanong nito.
"Magtatanong lang po kami tungkol sa room for rent? Magkano po?"
"Two-five. One month advance. One month deposit." kaswal na sagot ng babae.
Nagtinginan ang mag-asawa.
"Ate... pwede bang one month advance lang? Iyon lang kasi ang kaya namin ngayon." Hinaplos pa ni Mrs. Leroy ang kanyang tiyan na nasa walong buwan na.
"Hindi ho!" mariing sagot ng landlady. "Iyon ang patakaran dito."
"Babayaran naman po namin kayo 'pag sumahod ang asawa ko."
"Oo, 'te. Teacher po ako d'yan sa school. Regular na po ako. Garantiya ko po sa inyo ang aking pagkaguro. Ang asawa ko po kasi ay manganganak na. Hindi na po advisable na magkalayo kami." paliwanag ni Mr. Leroy. "Kung hindi niyo na ho itatanong, nagbe-bedspace lang po, samantalang siya ay nasa magulang ko. Gusto ko sanang... sa isang tirahan na lang kami."
"Pwede po ba?" tanong uli ng asawa ko.
"Hindi po talaga puwede. Balik na lang po kayo 'pag kaya niyo na. O kaya... try niyo sa iba. Sige." Walang ano-ano ay pinagsarhan niya ang mag-asawa ng pinto.
Masama ang loob na lumayo ang mag-asawa. Ipinangako naman ni Sir Leroy na hinding-hindi siya babalik sa lugar na iyon. Tatandaan niya rin ang ginawa ng babaeng iyon sa kanilang mag-asawa.
Lumipas ang limang taon, may isang pamilyar na mukha ng babae ang tumawag kay Sir Leroy. May kasunod itong eatudyante na animo'y may problema sa pag-iisip dahil nakalikot ng mga kamay at paa nito. Nahahawig pa ito sa isang mongoloid.
"Sir, sabi po sa Guidance, sa inyo ko raw po i-enroll ang anak ko. Kayo lang raw po kasi ang makakaunawa sa kondisyon ng anak ko." nahihiyang turan ng ale.
Napagmasdan na ni Sir Leroy nang maigi ang babae habang nagsasalita. Bumalik sa kanyang alaala ang karamutang dinanas nilang mag-asawa sa kanya, limang taon na ang nakakaraan. "Bumalik ka na lang po kapag kaya mo nang maging maunawain sa kapwa. O kaya humanap po kayo ng ibang guro para unawain ka at ng iyong anak. Sige!" Tinalikuran na niya ang babae at binalikan ang pagtuturo sa klase.
Ang Mangluluya
Tatlong beses na
pinahid ng maliit na matandang babae ang luya sa noo ni Lando, kasabay ang
pagbanggit sa Trinity. Pakrus naman ang pagpahid nito sa mga bisig, sa mga paa,
sa mga palad at sa tiyan ng binata. Pagkatapos ay nag-usal ito ng dasal na
hindi niya lubos na maunawaan dahil sa wikang ginamit.
Ang tangi lang
mauunawaan ni Lando ay ipinagdadasal siya ng mangluluya.
Sunod ay pinakuyom sa
kanya ang dalawamg piraso ng luya. Siguro ay tumagal ng tatlong minuto bawat
palad.
Ipinatong ng matanda sa
puyo ni Lando ang luyang kinuyom niya. Inikot-ikot doon at inihipan nito ang
kanyang puyo. Pakiramdam niya ay lumusot ang hininga ng mangluluya, mula sa
puyo hanggang sa kanyang sikmura. Umikot-ikot doon ang hangin at tila nagbigay
iyon ng ginhawa.
Muling nag-usal ng
panalangin ang matanda habang itinatanong nito sa may-ari ng lumang bahay kung
sino-sino ang mga namatay roon. Isa-isa itong kinakausap ng matanda.
Ipinakikiusap nito si Lando na huwag pahirapan sa sakit ng tiyan.
Sa pagitan ng pag-ubo,
patuloy na nagdasal ang mangluluya. Tila napapatda pa ito kapag nababanggit nito
ang salitang 'taglugar.' Pagkatapos ay kumurot ito sa luya ay inihagis sa timog
na bahagi ng bahay. Sundan daw iyon ng mga kaluluwang kinausap nito Ginawa nito
iyon sa tatlong pang direksiyon--- sa hilaga, sa kanluran, at sa silangan.
Ang natirang luya ay
ipinatali nito sa damit ni Lando. Sa loob ng tatlong araw, lagi raw itong
nakakabit sa kanyang damit.
Guminhawa na ang
pakiramdam ni Lando nang matapos ang ritwal. Nagbigay siya ng fifty pesos.
Iyon ay ayon sa may-ari ng bahay, ngunit humingi ng barya ang mangluluya. Dapat
daw kasi ay laging may barya.
Ipinahid ng matanda ang
mga pera sa noo ni Lando at muling binanggit ang Trinity.
Hindi pa rin
makapaniwala si Lando. Dati pa naman kasi siyang nakakaranas ng ganoong
pakiramdam. Nawawala rin naman.
Hindi nawala sa
kuro-kuro niya ang pagiging bakasyunista sa lugar na iyon. Marahil ay totoo
ngang nabati siya, subalit mas matimbang sa isip niya ang pag-inom
niya ng vitamins at pagkain niya ng balut, mahigit isang oras ang
lumipas.
Wednesday, December 23, 2015
Ako'y Isang Pulubi
mabaho, marusing at madumi.
Tahanan ko ay ang kalye,
ngunit turing pa sa akin ay salbahe.
Kailangan ko pa bang magpahid ng grasa
o magsuot ng gulagulanit na damit
para lamang kayo'y aking mapaniwala
na ako'y isang pulubi at 'di nang-uumit?
Kailangan ko pa bang ibuklat itong palad;
ang balikat mo ay akin pang kalabitin;
ang sobre kong hawak, sa iyo pa ilahad;
at ang alikabok sa sapatos mo'y tanggalin?
Kailangan pa bang sa harap mo'y lumuha ako;
magmakaawa at paniwalain kang ako'y pulubi;
kumanta't tumugtog ng mga latang instrumento;
at makarinig ng mga paratang na mahapdi?
Kailangan ko pa bang magpatintero sa daan
at kalimutang ako ay may isang buhay
para lang kumatok sa iyong sasakyan
at hintayin ang barya na iyong ibibigay?
Kailangan ko pa bang sabihing ako'y nagugutom;
na ako'y walang tirahan o walang magulang;
ako'y walang edukasyon at sa solvent, nagugumon;
at katawan ko'y numinipis, sa sakit ay nadadarang?
Kailangan ko pa bang sa kalye ay mamalimos,
upang kumakalam kong sikmura'y malamnan;
upang ang buhay ko araw-araw ay mairaos
at upang ako lamang ay inyong pagmasdan?
Kailangan ko pa bang matulog sa kalsada;
maulanan-mainitan at kumain ng tira-tira
habang ikaw ay komportable sa iyong kama
at ang hapunan mo ay animo'y nasa pista?
Ako'y isang pulubi...
Hindi ko na kailangang humingi
kung ang puso mo'y para sa mga sawi
at hindi sinasamba ang salapi.
Tuesday, December 22, 2015
Positive O: Great works are performed, not by strength, but by perseverance.
Cliche Ka!
Stop Bullying Now!
Lihim siyang natuwa sa nakita habang binabagtas niya ang kanyang classroom. Tila nawala lahat ng takot at pangamba niya. Pakiramdam niya, pinoprotektahan ng paaralan ang kanyang karapatan. Hindi pa nga siya nagsusumbong sa Guidance' Office tungkol sa mga pambubully sa kanya ng kanyang kaeskuwela ay gumawa na sila ng paraan upang matigil ito.
Sa unang pagkakataon, nagpagabi siya ng uwi upang magawa niyang malibot ang paaralang apat na taon na niyang pinangilagan dahil na rin sa takot. Subalit, sa hindi inaakalang pagkakataon, nagpahuli rin pala sa pag-uwi si Marcelo-- ang nag-iisang bully sa kanilang paaralan at ang tanging taong nagbibigay sa kanya ng nginig sa tuwing lalapitan siya nito.
Habang mabilis na lumalayo si Darwin, palapit naman si Marcelo sa kanya. Alam niyang gagawin na naman siya nitong isang laruang robot. Iikot-ikutin ang ulo. Lalapirutin ang mga tenga, ilong at iba pang bahagi ng katawan. At ang pinakamatindi, duduraan siya sa mukha kapag hindi niya naibigay ang assignment na ipinagagawa sa kanya.
Nababalot ng takot at poot ang kanyang buong katawan habang patakbo siyang naghahanap ng matataguan.
Sa likod ng nakatambak na mga upuan at mesa siya nagtago. Nakikita at naririnig niya si Marcelo. Nagbabanta pa ito. Huwag daw siyang magpapakita sa kanya.
Hindi na niya gusto ang nangyayari. Ito na yata ang pinakamalupit na ipinakita ni Marcelo sa buong apat na taon. Sobrang nakakatakot na siya. Abot-abot ang kaba at takot ni Darwin ngunit handa na siyang tapusin ang bangungot na iyon.
Inilabas niya ang lubid mula sa kanyang bag at matapang siyang lumabas sa kanyang pinagtaguan.
Kinabukasan, pinagkaguluhan sa may puno ng mangga ang malamig na bangkay ni Marcelo. Nakabigti ito. Nakasabit sa leeg nito ang karatulang "Stop Bullying Now!"
Cytotec
Naiwan si Fortunato--- mabigat ang puso. Hindi niya gustong mangyari ang bagay na iyon. Hindi niya ninais na gumawa sila ng isa pang bagay para lamang masolusyunan ang pagkakamali nila, subalit wala siyang magagawa. Parehong masisira ang trabaho nila kung paninindigan nila ang alam nilang tama.
Naging tahimik si Fortunato buong linggo hanggang Pasko. Hindi naman ito nahalata ng kanyang asawa. Magtatatlong buwan na rin kasi nang malaman nila ni Lally na may problema sila. Ang tangi lang paraan ay umuwi siya sa probinsiya upang doon ay magawan ng paraan.
Enero. Balik na sila sa trabaho. Naisip ni Fortunato ay hindi nasolusyunan ni Lally ang problema nila. Absent kasi siya sa unang araw. Nalungkot siya. Ang isipin pa lamang niya na nagkaroon ng bunga ang minsang pagniniig nila ay nakakapagpakabog na siya sa kanyang dibdib, lalo na kapag naiisip niya ang konsenkuwensiya nito. Nai-imagine niya ang mas matinding problemang kakaharapin nila.
Paano niya sasabihin sa asawa niya na nabuntis niya ang katrabaho niya? Paano niya hahatiin ang kakarampot na sahod para sa mga anak niya?
Lumipas pa ang dalawang araw, hindi pa rin bumabalik si Lally sa trabaho.
Lugmok na lugmok si Fortunato buong maghapon sa trabaho. Marami na rin ang nagtatanong sa kanya kung bakit hindi na bumalik si Lally pagkatapos ng Pasko at Bagong Taon. Wala siyang maisagot.
Sa bahay, madalas siyang tahimik na nakatitig sa kanyang asawa at dalawang anak. Gusto na niyang aminin sa asawa kaya lang inabot siya ng takot at hiya. Nakahinga lang siya nang maluwag nang mapagtanto niyang hindi niya kailangang mangamba dahil nasabi sa kanya ni Lally na hindi niya guguluhin ang pamilya na nabuo ni Fortunato. Haharapin niyang mag-isa ang resulta ng pagkakamali niya.
Hindi niya napigilan ang pagtulo ng mga luha niya bago siya natulog. Nagdasal siya. Humingi siya ng kapatawaran sa Diyos.
Sabado ng umaga, tumawag si Lally kay Fortunato.
"Di ba uminom naman ako ng oregano, isang buwan pa lang akong delayed?" tanong nito. Umoo lang si Fortunato. "Tapos, pinilit kong uminom ng nilagang baging na binili natin sa Quiapo. Ang pait-pait nu'n. Sobra!"
Pinakinggan niya lang si Lally. Hindi niya alam kung may maganda itong ibabalita sa kanya.
"Kanina..." patuloy na kuwento ni Lally. "nagtanong ako sa kapitbahay namin. Pinayuhan niya akong uminom ng katas ng dahong talbos ng sitaw. Uminom ako. Sana... sana umepekto. Gusto kong magtrabaho..."
"Sana..." Ang tanging nasambit ni Fortunato bago. Gusto pa niyang sabihing uminom na lang siya ng Cytotec ngunit hindi niya nasabi. Mas nananaig ang kagustuhan niyang magkaroon ng anak na lalaki. Mali man o malaki mang problema at kahihiyan, tatanggapin niya dahil may takot siya sa Diyos.
Lumipas ang anim na buwan, saka lamang nakausap ni Fortunato si Lally.
"Hindi epektibo ang mga ininom ko. Ang oregano ay pamparegla man pero hindi nito natanggal ang bata sa sinapupunan ko. Ang mapait na baging ay hindi ko naman yata nalunok dahil isinuka ko lang lahat. Ang dahon ng sitaw ay ginugulay sa ibang lugar... Lahat ng naimon ko ay herbal..." litanya ni Lally.
"May naririnig akong uha ng bata... Tama ba ang naiisip ko, Lally?" Naluluha na si Fortunato.
Huminga muna si Lally. "Oo, Fortunato. Baby natin siya. Siya si Junior... Salamat! Salamat dahil nabigyan mo ako ng bagong buhay at pag-asa. Salamat..."
Umagos ang mga luha ni Fortunato. Walang mapagsidlan ang ligaya niya.
"Fortunato... mapalad ka sa iyong pamilya ngayon. Huwag mo silang iiwanan. Okay lang kami ni Junior. Huwag mo na kaming alalahanin. Balang araw, makikilala mo rin siya. Salamat!"
Hindi iyon matanggap ni Fortunato kaya kinontak niya ito, ngunit bigo siya. Hindi na niya matawagan si Lally.
Takot
Umapak siya sa mataas na harang. Tanaw niya doon ang nagkikislapang mga bituin. Pinagmasdan niya ang mangilan-ngilang sasakyan na dumaraan sa gilid ng hotel. Gusto niyang malula dahil sa taas ng kinatatayuan niya. Isang pagkakamali ng galaw niya ay maaari siyang mahulog. Nilabanan niya ang takot. Kailangan niyang magawa iyon bago sumilip ang araw. Sawa na siya. Pagod na siyang lokohin ang sarili. Gusto na niyang malampasan ang takot na iyon.
Hindi ang fear of heights ang nagpahirap sa kanyang kalooban, kundi ang takot sa pang-uusig ng taumbayan.
"Patawad, Pilipinas!" sigaw ni Secretary habang nakadipa.
Pumikit siya at pinatuhulog ang sarili.
Tahanan
Marahan niyang binuksan ang pinto ng ref at biglang nag-init ang ulo niya nang makita ang mga nagyeyelong karne, isda at processed food.
"Hindi na naman kayo nagluto?! Ang tatamad naman ninyong kumain! Ang tagal-tagal na ng mga ito sa freezer. Heto nga't namili na naman ako. Saan ko pa ito ipaglalagay?" galit na litanya ni Dominador.
Dahil hindi siya nagbukas ng ilaw, tanging ilaw sa ref lang ang tumatanglaw sa kanilang kubo. Hindi niya nararamdaman ang presensiya ng kanyang mga kapatid pero alam niyang naroon sila.
"Sige... kung ayaw niyo, iuuwi ko na lang ang mga ito sa bahay." Mabilis na tinanggal ni Dominador ang lahat ng mga nagyeyelong ulam sa freezer at isa-isa niyang inilagay ang mga pinamiling pagkain. Pagkatapos, tahimik siyang lumabas sa bahay ng kanyang dalawang kapatid.
Napapaligiran iyon ng mga puno ng niyog. Hindi na halos masilip ang mga bituin dahil sa mga puno. Kaya, binabalot ng kadiliman ang paligid niyon.
Tatlong hakbang palang ang ginawa niya patungo sa kanyang konkretong tahanan, natanaw niya ang makapal na apoy sa direksiyon na kanyang tutunguhin. Kinabahan siya habang abot-abot ang hininga niya dahil sa pagtakbo.
Nang makalapit na siya, kumpirmado ni Dominador na natupok na nga ang kusina niya. Muling dumilim ang paligid. Tanging ang mga maliliit na baga na lang ang tumatanglaw sa palibot ng kabahayan.
Gusto niyang umiyak. Buong buhay niya kasi ay nagtrabaho siya upang makapagpatayo ng isang tahanan para sa kanyang pamilya.
Hindi pa siya lubusang nakakalapit ay naaninag niya ang anino ng kanyang kuya. Nagsisindi ito ng mga inipong tuyong dahon ng langka. Nagliyab ang puso niya sa nakita. Ang kanyang kuya pala ang nagsunog ng bahay niya.
"Demonyo ka! Demonyo ka!" hiyaw niya sa kuya.
Walang lumabas na salita sa bibig ng nakatatandang kapatid ni Dominador habang palapit ito sa kanya at galit na hinahampas siya ng kahoy.
Napilitang bumangon si Dominador. Sumilip siya sa labas ng kanyang trapal na tahanan. Natanaw niya ang mga kapwa niya biktima ng sunog. Nahabag siya sa sinapit ng kanilang kabarangay. Kung maaari niya lang aminin na siya ang dahilan ng sunog, ginawa na niya.
Engagement Ring
Kagyat na tumingin ang babae at nagpatuloy ito sa ginagawa. "Nahulog dito ang engagement ring ko."
"Alam kong mahalaga iyon sa'yo, pero hindi ko maipapangakong maibabalik namin ito sa'yo ngayong araw," anang binata.
Tumigil na ang dalaga. Tinitigan niya ang sinserong lalaki. "Tulungan mo akong makuha iyon, please."
May tila diyamanteng kumislap sa mata ng binata. "Oo, Miss..." Nakatitig pa rin siya sa magandang babae. Nanaig ang puso niyang matulungin.
Nagpalitan sila ng numero, pagkalipas ng ilang sandali ng pakiramdaman at titigan. Nangako ang binata na ibabalik niya ang singsing sa lalong madaling panahon.
Dalawang araw ang lumipas, nakuha na niya ang engagement ring. Tinawagan na ng binata ang dalaga, subalit iyak at hikbi lamang ang narinig niya sa kabilang linya. Nag-iwan na lang siya ng mensahe. Magkikita na lang sila sa isang lugar na kanyang itinakda upang maibalik niya ang singsing na may tampok na diyamante.
Sa isang hindi mataong restaurant, naghihintay si Dominic. Nasa harap niya ang singsing na nakabalot sa tissue. Muli niya itong tiningnan. "Napakapalad ni Trisha..." sambit niya sa kanyang isip.
"Hello! Sorry, I'm late." Ikinagulat nang bahagya ni Dominic ang bati ni Trisha.
Gayunpaman, mabilis siyang nakatayo upang alalayan ang dalaga sa pag-upo.
"Salamat!" ani Trisha. Ngumiti pa ito. Noon lamang napansin ni Dominic ang mapupungay nitong mata at matangos nitong ilong na lalong nagpapaganda sa kanya.
Natutunaw si Dominic sa titig ni Trisha kaya ibinigay na niya ang singsing.
"Hindi ko na kailangan 'yan, Dominic." Pilit na pinasasaya ni Trisha ang boses. Inilapit niya uli sa binata ang singsing. "Ibigay mo na lang sa iyong kapatid na babae."
"Pero, bakit? Hindi ba't engagement ring niyo ng boyfriend mo?"
"Oo." Yumuko siya't saglit na natahimik. "Nang malaman niyang nawala ko 'yan..." Garalgal na ang boses ni Trisha. "...nawala na rin ang pagmamahal niya sa akin."
"Ganun lang?!" Tumaas ang tono ni Dominic. "Hindi makatarungan ang ginawa niya. Materyal na bagay lang 'yan."
"Oo, Dominic... pero para sa kanya..." Hindi na niya kinaya. Yumugyog na ang kanyang mga balikat.
Nahihiya man, nilapitan pa rin ni Dominic si Trisha at inalay niya ang kanyang balikat.
"Salamat, Dominic!" bulong ng dalaga. "Sana, hindi ko na lang siya nakilala."
Pinagtitinginan na sila ng mga waiters kaya umupo na sila. Umorder na rin si Dominic ng pagkain. At habang hinihintay nila ito, nilabas niya ang pulang ring box. Wala itong laman. Doon niya inilagay ang diamond engagement ring nina Trisha at boyfriend niya.
"Salamat... dahil nakilala. Itatago ko ang singsing na ito baka sakaling magbago ang isip niyong dalawa."
Nakatitig lamang si Trisha sa kanya. Nais niyang magsalita.
"Salamat!" Itinago na niya ang box sa kanyang bulsa. "Pareho lang tayong nabigo." Inilabas niya ang gintong singsing mula sa bulsa ng kanyang polo. "Tinanggihan akong pakasalan ng girlfriend ko pagkatapos ng limang taon ng aming relasyon."
Pareho na silang puspos ng mga luha.
Kinuha niya ang kanang kamay ni Trisha. "Gusto kong tanggapin mo ito. Wala mang namagitan sa atin, alam kong pinagtagpo tayo ng tadhana." Isinuot niya ang singsing sa palasingsinginan ng dalaga.
"Salamat, Dominic! Salamat... dahil dumating ka sa buhay ko." Mangiyak-ngiyak na si Trisha.
Naghawak-kamay sila habang nangungusap ang kanilang mga mata.
Thursday, December 17, 2015
Ang Pangitain ng Basag na Plato
Spirit of the Glass
One Night Stand
Wednesday, December 16, 2015
Ang Pamilyang Salome
Kiss
Ang Tatlong Kondisyon
Ang Bag ni Lorena
Tuesday, December 15, 2015
Basang-basa
Paano Na, Paano Pa
Monday, December 14, 2015
Ang Pinto
Buwaya sa Gobyerno
Guro: Ano ang gusto ninyong trabaho paglaki ninyo? Maria: Maging guro! Guro: Wow! Gusto mo ring magturo sa mga bata? Maria: Opo! Masay...
-
Sorsogon, Isang Destinasyon Ang Sorsogon ay hindi magpapahuli sa kagandahan ng tanawin, at kalinisan na mga dalampasigan, bundok at kapaligi...
-
Bakit kapag nagkakamali ng bigkas ang ating kapwa, pinagtatawanan natin? Bakit kapag mali-mali ang Ingles nila, kinukutya natin? Big deal ba...