Followers

Saturday, February 28, 2015

Redondo: Sirang Pangarap

Kagabi ay halos magkaiyakan kami ni Riz.

Sobrang tuwa niya nang makita ako. Agad niyang inilahad ang kanyang mga braso kaya niyakap ko siya. 

"Salamat, Red! Salamat..maraming salamat at narito ka." 

Iniwan kami ng mga magulang ni Riz. Bibili lang daw sila ng pagkain. Kaya, nakapag-usap kami. Sinimulan ko na siyang usisain tungkol sa nangyari. Kaya lang, sa sobrang pag-iyak niya ay hindi ko na iyon maunawaan. Ginagap ko ang palad niya. Ayaw ko na muna siyang pagsalitain.

"Riz, kaya mo 'to. Matatag ka. Alam ko. Tutulungan kita. Mahirap man, pero sisikapin ko. Sabihin mo lang kung paano."

Sa pagitan ng mga paghikbi ni Riz, nasabi niya ang gusto niyang gawin ko. "Dito ka lang sa tabi ko, Red. Natatakot na ako. Papatayin niya ako, Red. Papatayin niya ako!" Lalo pang humagulhol si Riz. Nag-iba rin ang ekspresyon ng mukha niya. Sobrang takot niya. 

"Riz, Riz.. Wag kang matakot." Napakalma ko siya sa kabila ng panginginig niya. 

Naabutan kami ng mga magulang ni Riz na magkayakap. Alam nila na natatakot ang anak nila kaya naunawaan nila ang bagay na iyon. 

"Sige na, iho. Kain ka na muna. Ako na ang bahala kay Riz." ang sabi ng ina. 

Ayaw na magsalita ni Riz. Tahimik at nakatitig lang siya sa kisame. Kahit nang matapos akong kumain, ayaw na rin niyang makipag-usap. Marahil ay hindi pa siya handa na marinig ng mga magulang niya. 

Kahit kanina, tahimik na tahimik ang loob ng room. Sumubok na kausapin ng mga magulang si Riz, pero lumuha lang siya. 

Alas-tres, wala ang tatay niya. Nakaidlip naman ang nanay niya. Bumulong si Riz. "Sana..ikaw na lang ang pinili ko."

"Riz?" Pinisil ko ang palad niya.

"Sana ako na lang..ang pinili mo. Sana, Red." Humagulhol siya. "Huli na ang lahat. Sira na ang buhay ko. Sira na ang pangarap ko. Wala ng halaga ang pagkatao ko!" Tuluyang bumuhos ang mga luha niya.

"Wag ang magsalita ng ganyan, Riz. Pagsubok lamang ito ng Diyos!"

"Hindi! Parusa ito! Parusa!"

Nagising ang kanyang ina at agad na lumapit kay Riz. "Anak, anak..mahal na mahal ka ng Diyos. Anak.. Kaya natin 'to! Magpakatatag ka.. Riz, Riz.." Bumuhos na rin ang mga luha ng mapagmahal na ina.

Umupo ako. Nanlumo. Nakakalungkot. Bumabalik na naman ang pag-uusig. Kasalanan ko talaga. 




The Great Dress Debate of 2015

Tingnan mo nga naman ang mga netizens! Dahil lang sa kulay ay nagkakagulo na ang mundo.

Noong ika-26 ng Pebrero taong 2015, nag-upload ang nagngangalang “Swiked’ sa Tumblr, isang microblogging platform at social networking website na binuo ni David Karp at pag-aari ng Yahoo! Inc., na naging dahilan para maging mainit at katawa-tawa ang debate kung ang picture ng dress na in-upload niya ay kulay ‘white and gold’ o blue and black’.

Tila nahati ang mundo. Dati ay kulay puti at itim lang ang nagtatalo kung sino ang tunay na may-ari ng isang lupain o teritoryo, ngunit ngayon, tila nagbago na ang pinag-dedebatehan.

Nakakatawa na nakakainis ang reaksiyon ng mga netizens. Sa dami ng social and economic issues sa mundo, (kahit sa Pilipinas na lang) ang mga tao ay nadawit pa sa isyung ito.
.

Sino ba naman kasi ang hindi magkaka-interes? Ang color blind siguro.

Ilang araw lang ang lumipas, samu’t saring meme, opinions, criticisms, etc, ang lumabas sa internet. Nagmahal na rin ang dress. Sa sobrang sikat na ng dress na iyon ay pumalo na milyong-milyong piso na ang halaga nito sa merkado. Ganun lang kabilis?! Sinong kaya ang bibili?

Hindi ko bibilhin, kahit ako’y mayaman. Boboto lang ako.


Namili nga ako. Sabi ko’y “white and gold”.

Tama naman ako ayon sa isang poll. Pero, ayon sa isang scientific explanation, blue and black daw ito. May nagsabi pa na nakaapekto ang lighting sa kulay ng damit. Pero, ang tanging makakasagot lamang nito ay ang gumawa o ang may-ari niyon. Siya ang may pakana nito. Alam na alam niya ang kulay ng dress na iyon.  At kung anuman ang intensyon ng uploader nito, hindi natin siya masisisi. Hindi natin siya pwedeng kutyain.


Ang Great Dress Debate of 2015 ay nagdulot lamang ng pagkalito sa mga tao. Anumang kulay ng dress na iyon ay hindi mahalaga. 

Hijo de Puta: Noventa y dos

Gulat na gulat ang mga pinsan, tiyo, tiya at lolo't lola ko sa pagdating ko. Sabi ko'y magbabakasyon lang ako ng ilang araw. Sabi naman ng lola ko, bakit di ko na lang daw gawing isang buwan.

"Hindi po pwede, Lola. Iyon lang po ang paalam ko sa boss ko."

"Anong bang trabaho mo dun sa Maynila, apo?" tanong ng 63 years old na lola.

"A.. call center agent po."

"Ano ba 'yun, Hector?'' Si Lolo naman ang nagtanong.

Ipinaliwanag ko ng husto at pauli-ulit. Di kasi agad nila maintindihan. 

Kinagabihan. Isang masaya at maingay na inuman ang nangyari. Ang tindi ng mga pinsan at mga kababata ko sa inuman. Hindi malasing-lasing. Pasimple na nga akong sumuka sa dilim, sila ay buhay pa. Tindi!

Kinabukasan, hang-over ang nangyari. Masuka-suka pa rin ako. Naghanap ng malamig ang sikmura ko. Wala namang ref sina Lola kaya naghanap ako ng mabibilhan ng yelo. 

Sa isang sari-sari store ako nakarating.

"May yelo po kayo?" pasigaw kong tanong. Wala kasing bantay sa tindahan.

Maya-maya ay lumabas ang isang dalaga. Maganda. "Meron. Ilan?"

"Isa lang. Magkano?"

"Tres!" sabay talikod para kumuha ng yelo. Nakita ko ang maumbok at bilugan niyang puwit at ang makikinis na binti. 

Inabangan ko ang pagbalik niya. Naihanda ako na rin ang pambayad ko.

"Eto na po!" 

Tinitigan ko siya. Maganda. Morena. Makinis ang mukha. Nasilip ko pa mula sa kanyang spaghetti ang malulusog na dibdib. Mapapadalas ako sa tindahang ito, nasabi ko sa isip ko. 

Pag-uwi ko, parang nakalimutan ko ang hang over ko. Parang nawala na, nang makita ko ang magandang babae sa tindahan. Gayunpaman, uminom pa rin ako. Pagkatapos ay pumunta ako sa bahay ng pinsan kong si Buboy.

"Boy, may dalaga pala diyan sa Helen's Store. Kilala mo siya?" 

"Oo naman, Kuya! Syota yun ni Kuya, e! Type mo din?"

Natawa ako tapos nalungkot. "Hindi. Nagandahan lang ako." Sige, salamat! Asan nga pala sina Tiyo?"

"Nasa bukid na. Nag-almusal ka na, Kuya?"

"Hindi pa. Pero, ayoko muna." Nagpaalam na ako sa dise-siyete anyos kong pinsan. 

Nawalan ako ng sigla. Akala ko mai-enjoy ko ang bakasyon ko. Gusto ko sanang makalimutan si Lianne sa pamamagitan ng dalagang nasa tindahan. Hindi na pala pwede. Sayang!


Double Trouble 33

DENNIS' POV

Minsan naaasar din ako sa mga pang-aalaska sa akin ng kambal ko. Hindi ko lang pinahahalata. Hindi rin naman ako papatalo sa kaniya, lalo na pagdating sa puso ni Krishna.

Kanina sa school, inunahan ko siyang bumati at lumapit kay Krishna. Umusok ang tainga niya sa inis. Ang sarap niyang piktyuran. Wacky, e.

"Kris, ako na lang kasi ang mahalin mo. Tayo ang bagay. Hindi kung sino man d'yan na katulad mo ang kasuotan," malakas kong sabi. Sapat ito para marinig ng kapatid ko na nagkukunwaring nagsusulat. Tiningnan ko pa siya.

Blangko si Krishna.

"Kung bibigyan mo lang ako ng chance, magiging masaya ka sa piling ko," patuloy ko. Seryoso ako. Hindi ko nga alam kung bakit ang lakas ng loob ko. Hindi naman ako nakainom o kaya nakabato. Siguro ay gawa ito ng rivalry namin ni Denise.

Tiningnan lang ako ni Krishna at sumulyap siya sa kapatid kong tibo.

"Ako ang sagutin mo, huwag `yan. Malulungkot ang Diyos. Hindi kayo matatanggap ng ating mga magulang. Pero `pag tayo... swak! Maraming matutuwa! `Di ba, Denise?" Kinalabit ko pa siya. Nang `di lumingon, inulit ko. But, this time, may kasamang panggugulo sa kaniyang ginagawa. Nagkaroon ng guhit-guhit ang notebook niya.

"Tang `na naman, e!" singhal niya. "Ano'ng problema mo, ha?!" Dinuro niya ako ng ballpen niya. "Napipika na ako sa `yo, ha!"

Nakaagaw siya ng atensiyon. Kami pala.

"Whoah!" sabi ng mga kaklase namin.

"Relax! Mainit masyado ang ulo, e. `Di ka na nahiya sa crush mo." Tiningnan ko si Krishna.

"Puta! Kami na ni Krishna. Nakisawsaw ka lang."

Naghiyawan sa gulat ang lahat. Sinisigaw nila ang "Love triangle!" Paulit-ulit.

Pangisi-ngisi lang ako, habang pinakikinggan ang hiyawan. Hindi ko akalain na madaraanan kami ng principal.

Yari!


Double Trouble 32

DENISE' POV

Ako ang kinoronahang Ms. Barangay 2019, pero hindi ako masaya. Hindi ko gusto ang title ko. Hindi ko feel na nagawa kong rumampa na naka-gown at naka-swimsuit. Hindi ako sanay na luwa ang mga dibdib ko at nakalantad ang mga legs ko. Hindi ko ito ipinagmamalaki!

"Denise, bakit `di mo dinisplay ang trophy, sash, at crown mo. `Asan na?" tanong ni Mommy, habang nag-aalmusal kami.

Nakakainis! Bakit kailangan pang i-display?! E, alam naman ng tao na ako ang nanalo. "Nasa kuwarto ko po. Doon na lang po ang mga iyon," matabang kong sagot. `Tapos, nag-excuse ako para `di ko na marinig ang iba pa niyang hirit. Pagbalik ko, nakangisi ang kuya kong asungot.

Pagkatapos kumain. Ako ang naghugas ng mga pinagkainan. Si Kuya naman ay nang-aasar.

"Bakit kasi ayaw mong i-display ang mga pinagrampahan mo? Hindi ka ba proud?" Ngumisi ulit siya. Nakakabanas! Ang sarap pasakan ng sponge ang bunganga.

"Proud. Pero, mas proud ako kung ikaw ang sumali at nanalong Ms. Barangay!" Nilakasan ko at mas ginawa kong nakakaasar.

Naasar nga siya dahil kumuhit siya ng bula na ipinansasabon ko sa mga plato at ipinahid sa bibig ko.

"Shit! Bastos ka!" Hindi ko na siya nahabol. Nakatakbo na papunta sa kuwarto niya.

Hapon, natiyempuhan kong bukas ang pinto ng kuwarto ni Kuyang Beki. Nagbabasa siya ng K-Zone.

"Hoy, labas! Bawal dito ang Ms. Barangay," biro niya.

"Papasok lang. Naghahanap kasi ako ng puwesto." Cool lang akong luminga-linga.

"Puwesto? Para ano?"

Tumawa muna ako. "Para sa trophy, sash, at crown mo. Itu-turnover ko na sa `yo. Ikaw kasi ang original Ms. Barangay!" Tawa ako nang tawa habang patakbong lumayo sa kanya. Bago pa siya nakatayo, nakapasok na ako sa kuwarto ko. Hindi naman niya ako masigaw-sigawan dahil maririnig siya nina Papa at Mama. Loser siya.

Gabi. Ako uli ang naghugas ng mga plato. Timing. Nasa sala ang mga magulang namin. Malakas ang volume ng telebisyon.

"Kuya Dennis, huwag mong kalimutan ang kasunduan natin." Bait-baitan ako.

"Ano'ng kasunduan?" maang niya.

"Na lulubayan mo na si Krishna `pag ako ang nanalo."

"May usapan ba tayong gano'n?'

"Oo!"

"Paano `yan? In love na in love na sa akin si Kris?"

"Hindi puwede."

"Ano'ng hindi puwede? Gusto mo iumpog kita sa abs ko?"

Buwisit! Nilabas pa ang abs niya. Parang wala naman. Asar-talo ako lagi.


Friday, February 27, 2015

Redondo: Tatay ni Riz

Nakakalungkot. Hindi pa rin ako kinibo ni Dindee kanina nang magising kami, hanggang sa maghiwalay kami ng way. Hindi na naman niya ako nauunawaan. Akala ko ay maaawa siya sa sinapit ni Riz. Akala ko ay okay lang sa kanya. Akala ko ay matutulungan niya ako.

Kahit sa school ay hindi pa rin maalis sa akin ang malungkot. Nawala nga ako sa sarili ko, lalo na nang dumating ang ama ni Riz para kausapin si Mam Dina..at ako. 

Oo, ako..

Pinatawag ako ni Mam. Nakaharap ko ang tatay ni Riz, na mugtong-mugto ang mga mata.

"Red, alam kong mabuting bata ka. Nang nakita kita kahapon habang humihingi ng tulong sa'yo ang anak ko, naisip kong baka ikaw ang makatulong sa kanya. " sabi ng ama ni Riz.

Ramdam ko ang kanyang pighati. "Ano po ba ang maitutulong ko?"

"Tulungan mo siyang maibsan ang sakit. Samahan mo siya sa hospitaL. Please.."  Kumikislap na ang mga mata niya.

Sinabi kong depende iyon kung papayagan ako ng mga magulang ko. Naisip ko si Dindee. Pero, di ko na sinabi pa.  

Ipagpapaalam daw niya ako kina Mommy at Daddy mamaya. Kinuha niya ang address ko para puntahan niya kami mamayang gabi. In-excuse niya rin ako kay Mam.

Gusto kong tumulong pero gusto kong bukal sa loob ni Dindee ang pagpayag niya. 

Alas-sais y medya ay dumating ang tatay ni Riz sa bahay. Hindi na siya nagpaligoy-ligoy. Pumayag naman sina Mommy at Daddy, kaya ipinaghanda nila ako ng ilang personal na gamit sa aking bag. 

Lumapit ako kay Dindee. "Dee, gagawin ko ito para sa pagkakaibigan namin. Maunawaan mo sana." Hindi niya ako tiningnan. Nakatutok lang siya sa telebisyong mahina ang sound. Pinisil ko na lang ang balikat niya.

Maya-maya ay umalis na kami. Nagpasalamat ng paulit-ulit ang tatay ni Riz kina Daddy, bago kami tuluyang nakalabas ng gate. 

Masaya ako dahil alam kong makakatulong ako. Pero, sobrang nalulungkot ako dahil sa inaasal ni Dindee. Gayunpaman, handa akong mag-sorry kapag tapos na ang pagtulong ko kay Riz.

Pedicab

Nagmamadaling lumabas ng school si Edwin para sunduin si Florita sa school na pinapasukan nito. Ilang beses na kasi siyang tinext kung nasaan na siya. Hindi lang siya magkapag-reply dahil wala na siyang load. 

Pagdating sa school ay agad namang ngumiti si Florita kay Edwin. Tila nawala ang pagmamaktol ng babae lalo na nang kinuha ni Edwin ang kamay niya para alalayan sa pagsakay sa pedicab, na kanina pa nakaabang sa labas ng paaralan upang ihatid sila sa sakayan ng FX. 

"Tayo na ha?" tanong ni Florita habang naka-hook ang kanyang braso kay Edwin at habang nakasandal siya sa balikat ng kaibigan.

Nagulat si Edwin. Ngunit ayaw niyang masaktan at malagutan ng hininga ang kaibigan.

"Oo!" marahang sagot ni Edwin, sabay tingin sa pedicab driver. Nahihiya kasi siya sa akto ng matandang dalagang guro. 

Selfie Pa More!

Alam mo bang ang labis na pagse-selfie ay isang sakit pangkaisipan?

Ayon sa American Psychiarist Association (APA), selfitis ang tawag sa nakakabahalang sakit na ito. Ang taong may selfitis ay labis na nahuhumaling sa pagse-selfie at kasunod nito ang pag-post ng pictures sa social media, gaya ng Facebook. Kadalasan, ang taong may selfitis ay sapilitan ang pagnanais na magselfie. Tila masakit sa pakiramdam niya ang hindi siya makapag-selfie ng isang beses o higit pa sa isang araw upang pataasin o magkaroon siya ng pagpapahalaga sa sarili, minsan ay upang maipahayag ang sarili.

Hindi lang ito kinumpirma ng APA, inuri pa nila ang selfitis sa tatlo: borderline selfitis, acute selfitis at chronic selfitis.

Ang taong may borderline selfitis ay tatlo o mahigit na beses na nagse-selfie sa isang araw, pero hindi niya ito ipo-post sa social media.

Ang taong may acute selfitis ay tatlo o mahigit na beses ding mag-selfie sa isang araw at ipino-post niya pa sa social media.

Ang taong may chronic selfitis naman ay nagse-selfie maya-maya at nakakapag-post ng pictures na social media sa hindi bababa sa anim (6). Halos, lahat ng oras at kilos niya ay may selfie.

Ikaw, anong sakit mo? Selfie pa more!

Thursday, February 26, 2015

Redondo: Konsensiya

Kahapon, pagdating ni Dindee ay malungkot akong bumati sa kanya para iparamdam sa kanya na may problema akong dapat pag-usapan.

"O, napano ka? Anyare?" usisa ni Dinde.

Hindi ako nagkamali ng akala. Napansin niya ang kalungkutan ko. "Si Riz.."

Hindi pa ako tapos magsalita ay kumurba na agad ang mga kilay niya. "Hay, naku! Nagpapatalo ka kasi. Dapat ginagalingan mo." Tumalikod na siya at pumasok sa kuwarto niya.

Nag-isip ako kung itutuloy ko pa.

Bago siya nakalabas na muli,  may desisyon na ako. Sa dinner ko na lang iyon sasabihin. At least maririnig nina Mommy at Daddy. Iyon naman ang pangako ko sa kanila--- ang maging tapat.

Sa hapag, nagtapat ako. Inumpisahan ko sa oras na kaming tatlo nina Gio, Riz at ako ay nagmeryenda ng burger.

Walang kibo si Dindee habang pinapayuhan ako ng mga magulang ko. Alam ko sumama na naman ang loob niya.

Wala kaming kibuan hanggang sa magpatay kami ng ilaw para makatulog. Pero, hindi ako nakatulog. Dinalaw ako ng konsensiya.

Kanina, pagkatapos ng klase niyaya ko si Mam Dina na dalawin namin si Riz. Hindi siya nagdalawang-isip.

Sa ospital, agad na tumulo ang mga luha ni Riz ng makita ako. Nang lumapit ako, pinilit niya akong yakapin. Nakakahiya man ay pumayag ako.

"Red.. Red, wag mo akong iwan. Red.." Iyak siya ng iyak. Nakakaawa. "Natatakot ako, Red."

Lumapit na sa amin ang ina ni Riz at humingi ng paumanhin sa amin.

"Wala pong problema." Si Mam Dina ang sumagot. "Riz, magpakatatag. Nandito lang kami para sa'yo."

Sa akin pa rin nakatingin si Riz kahit umiiyak. Lalo tuloy akong nakonsensiya.

Kahit nang nakauwi na ako, inuusig pa rin ako ng konsensiya. Alam kong,  kasalanan ko.

Si Dindee naman ay nakikisabay pa. Hindi ako kinikibo. Malamig na ang pakikitungo niya sa akin.

Oh, God.. bakit po ganito?

Stop Loving a Woman

 Habang pinakikinggan kita, kaibigan, hindi ko lubos na maintindihan kung bakit hindi kayo nagkakilala man lang ng ama mo o hindi man lang nakita ng Mama mo ang Daddy ni Anna sa loob ng limang taon ninyong pagiging magkasintahan. To think na hindi na imposible sa panahon ngayon, dahil sa social media at teknolohiya.
             Okay lang ba na ulitin ko ang kuwento mo?
            Okay! Thank you!              
            Naging bahagi ng love story niyo ang gotohan sa university na pinapasukan ninyo ni Anna. Sweet! Pero, ordinaryong  love story kung tutuusin. Pero, parang bombang sumabog sa puso ko at utak ko nang sabihin mong ang lolo pala ng anak niyo ni Anna ay siyang ama mo, na matagal mo nang itinatanong sa iyong  ina.
             Durog na durog ang puso ko ngayon. Ramdam ko ang pag-iyak mo, bro! Kakaiba. Nakakalungkot. Magandang istorya ito. Hindi pala maganda. Masalimuot. Kung ako man ay magiging nobelista, isusulat ko ang kuwentong mo.
              Salamat sa pagtitiwala mo sa akin, Lawrence. It's my pleasure na ibahagi mo sa akin ang iyong kuwento. Hindi ko actually alam ang sasabihin ko. Nakakapangpa-speechless ang kuwento mo. Grabe! Imagine, apat na taon kayong naging mag-jowa. Sa loob ng mga panahon na iyon, hindi man lang ba naitanong ng magulang ni Anna ang background mo? Hindi man lang ba nila kinilala ang kasintahan ng anak nila? O kahit ikaw, hindi mo man lang ba naisip na kilalanin ang mga magulang nila at ikuwento sa iyong ina?
               Alam mo, may pagkakamali ka rin, bro! Nagkulang ka. Oo, sinabi mong naging busy kayo sa pag-aaral. Ikaw, ay sa pag-aabogasya. Si Anna ay sa pagiging nurse. Pero, iba kapag pumasok kayo sa isang relasyon. Hindi lang dapat ang isa't isa ang kikilalanin ninyo. Dapat ding makilala ninyo ang mga pamilya at kamag-anak ng bawat isa, dahil kahit papaano ay makakasama niyo sila.
               Tingnan mo 'yan! Nangyari ang isang relasyon na bawal. Nakabuo kayo ng isang anghel sa inyong pag-iibigan. Oo, hindi niyo alam na magkapatid kayo sa ama. Pero, I guess, maiiwasan sana ninyo kung noon pa lamang ay naging matapat kayo sa inyong mga magulang.
               Oo! Nandun na ako! Unang nagkamali ang Mama mo, dahil inilihim niya sa'yo ang pangalan at apelyido ng inyong ama. Bata ka pa lang ay parang pinatay na niya ang iyong ama. Mali naman na maghiganti ka pa sa iyong ama. Ama mo pa rin siya. Kung may sisihin ka pang iba, isama mo ang iyong ina. Pero, huwag na, bro. Huwag mo nang dagdagan pa ang bigat ng iyong pasanin.
              Sige, bro..iiyak mo 'yan. ..
             Ngayon, tell me. Anong gusto mong itanong sa akin?
            Huwag mo nang sundan! For goodness'sake, Lawrence. Si Anna na mismo ang gumawa ng paraan para layuan ka. Sabi mo nga, ipinasabi lang niya sa kaibigan mo na aalis na siya. Asawa mo siya, dapat nag-usap kayo. Pero, hindi..iniwan ka niya. Tinakas ang anak niyo.
              Oo, natural na magagalit ka sa iyong ama! Kahit ako..kung tatay ko siya, binatukan ko na. Kaso, wala na rin siya. Nasa America na silang mag-anak, kasama ang iyong anak. Masakit. Napakasakit. Pero, wala ka nang magagawa, bro. Sila mismo ang umayaw na makipag-usap sa'yo. Sinadya nila. Ilang araw ang lumipas, simula nang malaman mong siya ang tatay mo, pero gumawa ba sila ng paraan para magkausap kayo? Hindi!
                  Oo nga! Pinatay mo ang koneksyion mo para pagtuunan ang bar exam mo. No Facebook. No cellphone. Wala lahat! As in zero communication. Kaya, may mali ka rin doon, kaibigan... Mali ka. Maling-mali na pinatay mo lahat ang posibilidad.
                  Well, it's too late.. Kahit nga ang Mama mo ay walang aksiyong ginawa. After ng incident na magkita-kita kayo noong magba-bar exam ka, anyare? Wala, di ba? Ni hindi kayo nag-usap ng Mama mo. Nagpokus ka sa exam mo. Makasarili ka rin, e. Kung sana'y pumunta ka bahay ng mga biyenan mo, disin sana'y hindi sa'yo nawala ang pinakamamahal mong anak.
                 There's no point, Lawrence, na habulin mo pa ang anak mo. Hayaan mo na siya. Magiging mabuti ang buhay niya dun sa States.
                 Hindi! Huwag mong isipin na sinadya mo. Magkaiba kayo ng tatay mo. Oo, naulit ang pangyayari sa'yo at sa anak mo. Maramot ang nanay mo at si Anna. Ayaw nilang makilala nila ang tunay na ama ng mga anak nila.
                 Oo, natural nakakatakot. There's a possibility na mangyari uli sa anak niyo ni Anna ang nangyari sa inyong ni Anna. Na-gets mo ba?
                 Let's put it this way. Ang anak mo na tinakas ni Anna ay hindi ka na makikilala. Posible iyon. Dahil ngayon pa lang ay ipinaramdam na iyon ni Anna at ng kanyang pamilya. So, malaya ka. Malaya ka naman talaga dahil hindi naman kayo kasal ni Anna. Be thankful for that.  Hindi naman talaga pwede, kasi. But! Kapag na-in-love ka uli sa isang babae, chances are magkaanak kayo. Pwedeng babae ang maging anak niyo. Who knows, magtagpo ang anak niyo ni Anna. Ano ngang name niya?
                    Ah... Jorge! Nice name!
                    Darating ang araw ay magbibinata si Jorge. Hindi sa hinihingi ko, pero posible. Posibleng ang magiging anak mo sa mamahalin mong babae ay magtatagpo at magkakaibigan, not knowing that their father is you. Wow! Napakasalimuot ng buhay! Tragical..
                    Hindi kita masasaklawan, kaibigan. I just listened to you. It so happened na na-inclined ako kaya nag-re-react ako ng ganito.
                    Okay!? You want to hear my side... Huwag ka ng mag-asawa, kung ako, ikaw..                
                    Sorry, bro, pero iyon ang nakikitang tamang desisyon. Maiisip o kasi lagi na baka ang babaeng minamahal mo ay kapatid mo pala. Maiisip mo rin na baka maulit ang history. So, to stop the curse... Sorry, for the word. It's not actually a curse. It's God's trial. So, para matigil na ang paulit-ulit na pangyayari.. you better stop loving a woman. You focus on your career. Sabi mo nga, mas priority mo noon ang pagiging lawyer kaya hindi mo kaagad naisip na kausapin ang iyong ama. Sige, be a career man na lang para makalimutan mo ang pangyayaring ito. Isipin mo na lang na walang suspect o dapat i-prosecute. Lahat kayo ay biktima. Pinakakawawa lang talaga si Jorge. But God is good all the time.
                    Tutal. Lawyer ka na ngayon.. You know what is right and wrong. Ikaw pa rin ang may hawak ng desisyon. Sorry lang dahil.. lalo yatang gumulo ang isip mo.
                 Salamat kung ganun. Sayang kulang ang oras natin. Salamat! Salamat sa pagtitiwala.  Ipagdarasal kita..
         

Wednesday, February 25, 2015

Sikolohikal na Kahulugan ng mga Kulay

       Ang mga kulay ay may kanya-kanyang kahulugan, depende sa kultura at kalagayan.

          Sa sikolohiya, ang bawat kulay ay sumisimbolo sa isang katangian ng tao. Ginagamit ito ng mga sikolohista upang maunawaan ang pagkatao, kagustuhan, pangangailangan, pag-uugali at damdamin ng isang pasyente.
 
          Ang kulay ay kasangkapan ng tao sa pagpapahayag ng kanyang damdamin. Ngunit ang kahulugan ay nag-iiba-iba. Halimbawa, sa pagsusuot ng damit. Ang isang tao na mas pinili ang kulay-pulang damit kaysa sa itim na damit ay masaya. Pwede rin namang ipakahulugan na siya ay galit.

          Samakatuwid, ang bawat kulay ay nagtataglay ng kahulugan. Narito ang ilan:
         1.  Red – kulay ng kasiglahan, pag-ibig, kilos, ambisyon at determinasyon.
         2. Orange--  kulay ng sosyal na pakikitungo, pag-asa at maaaring kawalang-loob at kababawan
         3. Yellow -- kulay ng kaisipan, katalinuhan, pagiging positibo at masiyahin, pagkamainipin, kritisismo at karuwagan.
         4. Greeen -- kulay ng katarungan , pag-unlad, pagiging positibo at mapag-angkin
         5. Blue -- kulay ng kapayapaan, tiwala, katapatan, karangalan, pagkakonserbatibo at panlalamig
         6. Indigo --  kulay ng salagimsim (intuwisyon), idealism, kayarian, seremonya at adiksyon
         7. Purple -- kulay ng imahinasyon at pagkamalikhain; kahilawan at pagiging di maparaan
         8. Turquoise  --  kulay ng komunikasyon at kalinawan ng isip; pagiging di maparaan at idealistiko
         9. Pink -- kulay ng walang pasubaling pag-ibig at pag-aaruga, kahilawan, kahangalan at pambabae
        10. Magenta  -- kulay ng pangkalahatang kaayusan at patas na emosyon, pagiging isprituwal at praktikal, sentido kumon at pagkaroon ng pag-asa sa buhay
        11. Brown  -- kulay ng pagiging palakaibigan at seryoso, kababang-loob
        12. Gray -- kulay ng kompromiso, pagdadalawang-isip at pagiging salawahan
        13. Silver -- kulay ng pambabaeng lakas at sigla; pagiging emosyonal, sensitibo at misteryoso.
        14. Gold -- kulay ng tagumpay, kasikatan at panalo; kaalwahan, kaginhawaan, kalidad, luho, katanyagan, reputasyon, kabutihang-asal, kahalagahan, kakisigan, kasaganahan, kayamanan at karangyaan
        15. White -- kulay ng pagiging kompleto, puro at perpekto; kalinisan, kainosentehan, kabuuan
        16. Black -- kulay ng pagiging masekreto at malihim; kawalan;  misteryoso

       Araw-araw o ilang beses sa isang araw ay nagpaplit tayo ng damit, kasabay niyon ay ang pagpalit o pag-iiba ng ating damdamin at emosyon. Ang kulay ay sadyang makahulugan sa ating sikolohikal aspeto ng ating buhay.

Pagsasalin ng mga Simbolismo


SULO
Tagasalin: “Kaibigan, iyong hawakan ang sulong ito. Panatilihin mo sanang maningas at maliwanag ang daan tungo sa magandang kinabukasan. Tanglawan mo ng mabuting kaasalan at malawak na kaalaman ang bawat mag-aaral upang matamo ang kalidad na edukasyong pinakaaasam.

Tatanggap: “Salamat sa sulong ito. Hayaan mo’t tutuparin kong lahat ang iyong mga tagubilin. Ito ay magsisilbing liwanag tungo sa aming paglalakbay. Gagamitin ko ito upang ang banaag nito ay siyang gagabay sa aming pag-abot ng aming mga mithiin sa buhay.

PLUMA
Tagasalin: “Katoto, iyong tanggapin ang plumang ito. Mahalagang malaman mo na ang panulat na ito ay ang inyong sandata laban sa kamangmangan. Gamitin ninyo ito upang itala ang mga makabuluhang kaalaman. Panatilihin ninyong malinaw at klaro ang halaga ng edukasyon sa lahat ng kabataan.”

Tatanggap: “Malugod kong tinatanggap ang plumang ipagkakatiwala mo sa akin. Pangako, magagamit ito sa mga makabuluhang bagay upang tumimo sa aming mga isipan ang mga mahahalagang aralin at aral sa buhay. Maraming salamat.”

AKLAT
Tagasalin: “Aking kaibigan, iyong kamtin ang aklat na ito. Iyong punan ng karunungan ang iyong paaralan at pamayanan. Pagyamanin mo ang kaisipan ng bawat mag-aaral upang ang kalidad na edukasyon ay manatiling nakaangat, na siya namang magpapatibay sa ating bayan. Tuloy, magdagdag kayo ng kasaysayan, na maaaring ipagmalaki sa ibang bayan.”

Tatanggap: “Opo, katoto! Buong puso kong tinatanggap ang iyong kaloob. Kasama nito ay ang aking marubdob na pagnanais, na gawin ang iyong mga payo. Hindi kita bibiguin sa iyong hangaring ipagpatuloy ko ang pagpapalaganap ng edukasyon. Salamat!”

KORONA
Tagasalin: “O, aking lingkod, itong korona ay isasalin ko na sa iyo. Katumbas nito ang dangal ng isang pinuno. Pagharian mo ang Gotamco. Dalhin mo sila sa maligaya, mapayapa at matalinong pag-aaral. Ang isang matapat na pamumuno ay nararapat mong isagawa bilang bagong pinuno. Tulungan mo silang lumago.”

Tatanggap: “Tama ka, aking idolo! Salamat sa tiwala at sa karangalang ito. Bilang bagong pinuno, ako ay nakatakdang pamunuan ang paaralang ito, ayon sa iyong mga simulain. Ipagpapatuloy ko ito at paghaharian ang paaralang Gotamco ng may katalinuhan at may puso.”

SUSI
Tagasalin: “Ikinalulugod kong isalin sa’yo ang susi ng responsibilidad. Kaibigan, iyong ipagpatuloy ang pagbukas sa mga magagandang kalinangan at pagpinid sa mga masasamang gawi ng mga mag-aaral upang ang edukasyon sa ating bayan ay mas higit na maging kalugod-lugod. Ingatan mo itong susi, upang ang kayamanan ng ating bayan ay nasa iyong pag-iingat.”


Tatanggap: “Salamat, aking kaibigan! Ang susing ito ay aking iingatan tulad ng pag-iingat ko sa aking sarili. Ang resposibilidad na iyong inatang ay aking isasagawa, pagkat itong susi ay instrumento para sa malayang edukasyon. Magsasara ako ng mga di kanais-nais na gawaing pampaaralan. Bubuksan ko naman ang mga mabubuting oportunidad para sa lahat ng kabataan.” 

Hindi Man Ako Opthalmologist

Hindi ako ophthalmologist, pero gusto kong talakayin ang kahalagahan at ang paraan ng pag-ingat  ng ating mga mata.

Naalala ko kasi ang madalas na payo sa akin ng aking ina noong ako’y bata pa lamang. “Ingatan mo ang mga mata mo.” Madalas kasi akong magbasa noon sa gabi, gamit lamang ang gasera. At, palibhasa Grade Six pa lamang siya noon ay nabulag na ang kanyang kanang mata. Kaya ganoon na lamang ang kagustuhan niyang lumaki ako o kaming magkakapatid na may kompleto at malinaw na mga mata.

Napakahalaga ng ating paningin. Isipin mo na lang ang buhay ng isang bulag. Paano kaya siya namumuhay?

Bilang makabagong mamamayan, exposed na tayo sa radiation mula sa cellphone, tablet, ipad, laptop o computer. Ang ating mga mata ang lubos na apektado. Kawawa ang mga call center agents, na siyang matagal at madalas ang kaharap ay computer.

Kahit ang mga estudyante, kailangang malaman ang tamang pag-iingat ng mga mata. Dumarami na rin kasi ang mga mag-aaral na nakasalamin. Bata pa lamang ay mag sakit na sa mata. Nahihirapan na tuloy magbasa at mag-aral. Bata pa lang kasi ay nagpakasasa na sa malapitang panunuod ng telebisyon. Naadik na rin sa paggamit ng mga electronic gadgets.

Ang paglabo o pagkasira ng mga mata ay walang edad, walang kasarian. Lahat ay pwedeng maging biktima. Kaya mahalagang malaman ang mga paraan.

Gaya ng sinabi ko, hindi ako ophthalmologist o doktor sa mata. Pero, sana makatulong ang mga paraang ito para mapanatiling malusog ang mga mata:
1. Laging ipahinga ang mata kapag gumagamit ng kompyuter o gadget. Parang recess lang ‘yan.
2. Isagawa ang 20-20-20. Tuwing ika-20 minutes ay itingin sa malayo ang mga mata sa layo na 20 feet sa loob ng 20 seconds.
3. Ang monitor ng computer o iba pang gadget ay dapat hindi masyadong maliwanag o hindi naman mas madilim kaysa sa ilaw sa kabahayan o opisina.
4. Gumamit ng anti-glare screen filters para mabawasan ang radiation.
5. Kumurap ng madalas. Makakatulong ito para mapanatiling basa ang mga mata.

Iyan ang ilang mga paraan upang makaiwas sa pagkasira ng ating mga mata. Hindi man natin maiiwasan ang paggamit ng teknolohiya dahil sa pangangailangan sa kasalukuyang panahon, maiwasan naman natin ang mga salik sa paglabo ng ating mga paningin.

Hindi na natin kailangan pang maging opthalmologist para malaman ang mga ito. 

Redondo: Tulala

Umuwi ako ng maaga. Wala pa ngayon si Dindee. Sobrang nababagabag kasi ngayon ang kalooban ko. Nakokonsensiya ako. Kasalanan ko yata. Ako yata ang dahilan kaya nasundan ni Leandro si Riz. 

Gago! Ang gago ko talaga. Bakit ko hinayaang maglakad si Riz kahapon patungo sa ibang direksiyon? Shit! Kasalanan ko! Kasalanan ko kung bakit siya nagahasa ni Leandro.

Paano na 'to? Paano ko ito ipapaliwanag? Nagi-guilty ako..

Napakahayop talaga ng Leandrong iyon! Hindi talaga tumigil hanggang di niya nakukuha ang gusto niya. Pinabugbog na nga ako, ninakaw pa niya ang puri ng babaeng pinahalagahan ko dati. 

Nasa hospital ngayon si Riz. Tulala. Walang gustong makausap. Kahit ang pamilya niya. Hindi niya pa sinasabi kung sino ang may gawa nito sa kanya. Pero, may idea na ang lahat. Pina-blotter na ng mga magulang ni Riz ang nangyari. 

Ramdam ko ang sakit na dulot nito sa kanyang pamilya at kay Riz. Grabe! Awang-awa ako kay Riz. Hindi ko alam na kahapon pala ay isang pangitain ng masamang pangyayari. Kung alam ko lang... 

Paano ko ito sasabihin kay Dindee? Siguro naman ay hindi siya magagalit kung magkuwento ako tungkol sa huling araw na kami ay magkasama ni Riz. Sana... Wala naman kasi akong ginawang panloloko sa kanya. 

Nagtext na si Dindee. Pauwi na siya. Nakahanda na akong ipagtapat kay Dindee ang lahat. Sana maunawaan niya ako. Sana mahabag siya kay Riz. 

Tuesday, February 24, 2015

Imagine the World Without Color.

Ang hirap isiping walang kulay ang mundo. Ang sakit sa utak. Ang sakit sa mata. 

Imagine. Sa banyo, maliligo ka, Itim ang sabon mo. Ang shampoo mo ay itim. Ang toothpaste mo ay itim. Tapos, magpupulbos ka ng itim ding powder. Para kang sasali sa Ati-Atihan Festival. 

Tapos, magbibihis ka ng itim na damit, itim na pantalon at  itim na sapatos. Ano, may patay kayo? 

Imagine. 

Kakain ka pa. Ang kanin mo ay puti. Ang ulam mo ay puti. Ang juice ay puti. Ang prutas din ay puti. Siguro, iisipin mo na lang mag-diet. Kaya nga pati ang kwek-kwek o itlog ay binabalot sa orange na harina para maengganyong bumili at kumain ang mga tao. Tapos, mai-imagine mong walang kulay ang kakainin mo.. 

Imagine. 

United Nations. May parada. Ang lahat ay nakaitim na costumes. Ang flag nila ay itim at puti lang ang combination. Whoah! Ang saya siguro... Parang united talaga ang nations. Nagkaisa ang kulay.

Imagine the world without color. It's boring.

Makulay ang Buhay

Imagine the world without colors, sabi nga.

Hindi lang sa alagad ng sining mahalaga ang kulay, kundi sa ating lahat. Sa buhay, hindi natin pwedeng balewalain ang halaga ng kulay. Sa bawat pagdilat kasi natin ay kulay ang ating nakikita.

Isipin mo: Paggising mo ay itim at puti lang ang nakikita mo. Puti ang dingding. Itim ang pinto. Puti ang sahig. Itim ang bahay ng kapitbahay mo. Pagtingin mo sa kapatid mo, itim din ang suot at ang balat niya. Nakakatawa na, boring pa.

See?

Kailangan natin ng kulay sa buhay.

Kaya nga ang kulay ay dapat nating pag-aralan. Sa Kinder palang ay ipinakikilala na ito sa mga bata ng kanilang teacher. Magsisimula sa red, blue, yellow, green, orange, violet, pink, brown, black at white.

Pagdating sa higher grade, itinuturo na ang color wheel upang malaman pa ang iba pang kulay kapag ipinaghalo-halo. Hindi lang naman kasi ang mga pintor ang dapat nakakaalam ng mga kulay. Mahalagang alam ng bawat isa ang tawag, kahalagahan at symbolism ng mga kulay.

Ang primary colors na pula, dilaw at asul ay ginamit sa ating watawat.  Ang pula ay simbolo ng katapangan ng mga Pilipino. Ang asul ay kapayapaan.

Bawat bansa ay gumagamit ng simbolismo sa kulay. Kahit ang mga pulitiko, kulay ang palatandaan ng kanilang pangalan. Kapag nakakita ng yellow ribbon, Aquino ‘yan. Orange naman ang ginagamit ng mga Estrada. Noong panahon ni Bayani Fernando as MMDA Chairman, kinulayan niya ang Metro Manila ng kulay rosas (pink).

Kulay! Kulay!

Maganda sa mata ang kulay. Imagine, na-traffic ka, tapos wala kang ibang makita kundi kulay puti at itim na bagay. Itim na nga ang usok, itim pa rin ba pati ang mga billborads at signages? Boring! Para kang nasa ibang dimensiyon!

Imagine, traffic lights are only white, gray and black.

Hehe.

Makulay talaga dapat ang mundo. Isipin mo na lang ang Star City o ang Enchanted Kingdom ay hindi gumamit ng mga makukulay na pintura sa kanilang mga rides at amenities. Mamamasyal ka pa ba? Magbabayad ka ba ng mahal para makakita lang ng itim at puti?

Totoong makulay ang mundo, sapat para lumigaya tayo.


Redondo: Sana


"Red.." tawag sa akin ni Riz, mula sa likod ko. Palabas na ako nun, kanina para mag-CR.

"O, Riz?" Bumalik ako para harapin siya.

"Free ka ba mamaya? Pag-uwian? Treat sana kita ng burger."

Napakamot ako sa ulo. "Ha? A..e, baka hanapin ako ni Dindee."

"Ganun ba?" Nalungkot siya. Papasok na sana sa classroom.

Naisip ko namang pagbigyan siya kahit kalahati o isang oras. "Riz!? Sige, free ako."

Siyempre kasama namin si Gio. Package deal kami ng best friend ko. Hindi pwedeng hindi siya kasama. Mabuti, pumayag si Riz. Saka sabi ko, kahit ako na lang ang magbayad.

Sa Minute Burger lang kami. Okay na iyon. Cool naman ang lugar. Ang gusto lang naman ni Riz ay makakakuwentuhan ako. 

"Doon tayo, Red!" Tinuro ni Riz ang isang kalye na bihirang daanan ng tao at sasakyan. May gutter pa kaya pwede kaming umupo.

Na-sense ko na ang pakay ni Riz, kaya pinahiram ko kay Gio ang cellphone ko at hinayaan ko siyang mag-games.

Kami naman ni Riz ay nagkuwentuhan.

"Red, thank you at pinagbigyan mo ako."

"Ayos lang. One hour lang naman. Hindi na ito malalaman ni Dindee."

Bumuntong-hininga muna siya. "Red.. sorry sa nangyari sa'yo. Alam kong si Leandro ang may gawa niyan sa'yo.."

"Wag mong isipin 'yan. Hindi ka dapat nagso-sorry sa akin." Hindi ko namalayan na naabot ko ang kamay niya. Hindi naman siya tumanggi. "Sorry." Bahagya kong ibinaba ang kamay niya. Naphiya kami pareho. 

Dumaan ang mga anghel.

Maya-maya, sumigaw si Gio. Na-overwhelm sa nilalaro niya. Nagtawanan tuloy kami ni Riz.

"Red, sana..." Tumingin siya sa akin. Tapos, napipi siya. "Sana.."

"Sana ano?"

"Sana, maging matagal pa kitang makasama. Alam ko kasi na magkaiba tayo ng course na kukunin sa college. Sana, extended ang school year. Sana..di muna tayo grumadweyt...para makasama pa kita ng matagal."

Wala akong nasabi. Hindi ko maaaring tanggapin ang kanyang mga pangarap. Si Dindee ang laman ng puso ko. 

Matagal kaming naging tahimik pagkatapos niyang sambitin ang kanyang mga nais. Hanggang sa magyaya na siyang umuwi. Hindi na siya nagpahatid. Naglakad siya, palayo sa amin. Alam ko, hindi pa siya uuwi sa bahay nila.


Nalulungkot akong sundan siya ng tingin habang papalayo siya sa amin. Alam ko nasaktan ko na naman siya. pero, tama lang ang ginawa ko. Hindi ko siya dapat na binigyan ng pag-asang mahalin ako.

Tibok ng Puso (Dula)

  Tibok ng Puso     Mga Tauhan:     *Lydia     *Brad   Tagpuan:     * Sa isang pamantasan   Eksena 1: Labas. Sa mapunong...