Followers

Sunday, February 1, 2015

Ang Aking Journal -- Pebrero, 2015

Pebrero 1, 2015 Alas-nuwebe na nang magdesisyon ako na pumunta sa QC Circle. Wala kasing signal ang net ko. Saka, gusto kong makita ang exhibit ng mga landscape at makita ang inihanda ng inabangan kong Hortikultura Extravaganza. Nag-yehey si Emily. Hehe Ten-thirty ay nasa Circle na kami. Naglibot muna kami sa mga booth ng mga plants for sale. Ang gaganda! Kaya lang ang mamahal. Then, pumasok na kami sa exhibit ng mga landscape. Sobrang ganda! Nakakabighani ang mga halaman, na noon ko lang nakita. Alas-tres, nakinig kami ng lecture sa pagbo-bonsai. Pero, bago iyon, nakaupo kami sa lecture ng flower arrangement. Nanalo pa kami ni Emily ng tatlong halaman at isang paso na may floral foam at anahaw leaves. Suwerte! Suwerte rin sana ako sa raffle sa bonsai. Ako kasi ang unang nabunot. Tapos ang ibinigay ay ang punla ng sili. Bumunot uli para ibigay na ang bonsai. Ayaw kasi nila iyong mga punla. Akin sana iyon. Okay lang.. Marami naman akong natutunan at naiuwing halaman. Idagdag pa ang pictures namin. Natapos ang lecture, pasado alas-sais. Pasado, alas-otso naman kami nakauwi. Wala na si Epr. Alam ko na kasi nag-PM siya sa FB ko. Pebrero 2, 2015 Unang araw ito ng pang-umagang pasok namin. Alas-4:30 ako nagising. Ang lamig! Ang hirap bumangon. Pero, kailangan. Alas-sais kasi ang simula ng klase, simula ngayon hanggang huling araw ng Pebrero. Ito ay dahil tutulong kami sa NAT review ng Grade 6. Hapon kami mag-re-review. Marami-rami naman ang pumasok na mga estudyante ko. Kaya nakapagturo ako ng 'congruent polygons'. Nagpalitan din kami kaya even ang lesson ko. Kaya lang, after recess ay wala ng palitan. Nagpasaway na ang mga estudyante ko. Gayunpaman ay nakapag-garden ako. Nakagawa ako ng dish garden. Nag-sermon din ako. Ang iingay kasi. Gusto ko sanang mag-discuss sa EPP. Ayaw naman makinig. Ang ginagawa ko, pinasagot ko sila ng mga katanungan tungkol sa lesson ko sana. Hindi pa ako nakuntento, pati sa Character Ed ay ganun din ang ginawa ko. Pinasulat ko pa sila ng sanaysay tungkol sa "Kahalagahan ng Edukasyon" gamit ang mga pangatnig at pang-ukol. Yun! Natahimik sila. Ang hirap, e. Inspired kang magturo pero ayaw nila. E, di pagmalupitan sila. Mas natuto pa nga yata sila ng self-study kaysa sa sppon-feeding. Hindi nga nila natapos. Pina-assignment ko na lang. Sabi ko, di makakapasok ang walang gawa. Sana, gawin nila, lalo na ang sanaysay. Gusto ko lang naman na mas gustuhin nila ang pagsusulat kaysa sa pagdadaldal. Past 1PM ay nagsimula na kami sa review. Sa Section 5 ako na-assign. Okay naman sila. Magagaling sila sa Math. Nagulat ako sa mga dati kong pupils. Nahasa sila ng husto kay Mr. Alberto. Hindi ako nahirapan. Mabilis silang natuto sa tatlong objectives. Kaya lang pasaway na pagkatapos namin o habang naghihintay ng uwian. Pero okay lang. Tolerable naman. For the first time, umuwi ako ng maaga. Past 3 ay nasa boarding house na ako. Kakarating lang din ni Emily. Malungkot lamang siya kasi may tama daw ang baga niya. Kaya, kailangan pa niyang uminom ng gamot. Matatagalan pa tuloy ang pag-alis niya. Gabi, pinakiusapan ko siya na dalawin si Mama sa Bautista. Kailangan ko kasing padalhan ng pera dahil alam ko walang ibibigay si Jano. Sa akin kasi nangungutang ng P3000 para pantubos sa nahatak na kuntador ng kuryente. Nakakaawa si Mama kapag walang pagkain. Tapos, kailangan pa ng gamot. Mabuti pumayag si Emily. Maaga daw siyang pupunta doon. Pebrero 3, 2015 Sa pagmamadali kong pumasok, naiwan ko ang susi sa bahay. Mabuti ay hindi pa nakaalis si Emily papuntang Antipolo., kaya natawagan ko siya na dalhin sa school. Tama rin naman na pinapila ko muna ang mga bata ko sa labas dahil wala pala halos silang assignment. Nang dumating ang susi, pinapasok ko lang ang mga bag nila, saka ko pinagawa ng kanilang mga takdang-aralin sa labas, kung saan malamig ang sahig. Naawa ako pero kailangang gawin iyon. Para din naman sa kanila ang ginawa ko. Isa itong paghahanda para sa kanilang pagpasok sa Grade 6. Maya-maya ay nagpalabas din sina Mam Rose at Mam Diane. Andami nga pala talagang iresponsable. Hindi ko alam kong dahil sa pabaya ang mga magulang o ang mga estudyante mismo. Gayunpaman, nagkasundo kaming gawin itong araw-araw o tuwing may takdang aralin. Kailangang masanay ang mga mag-aaral na naghahanda o nag-aaral sa bahay. Sana ay maging epektibo. Kaya, bago ako nagturo sa ibang section, binigyan ko pa sila ng assignment. Bale apat. Isa sa EPP. Isa sa Math. Isa sa Character Education. Isa rin sa Filipino. Ewan ko lang kong di pa sila madala. Naisipan ko ring padalhin sila ng Sulating Pangwakas. Gusto ko ng ibalik ang theme writing. Napansin kong mababa ang kalidad o ang kakayahan ng mga estudyante sa pagsusulat. Ang papangit din ng kanilang penmanship. Idagdag pa ang kakulangan ng kaalaman nila sa margining at paragraphing. At nang uwian, hindi kaagad nakauwi ang iba. Mayroon talagang sadyang matigas ang ulo. Andaming hindi nakagawa. May pinauwi na lang ako dahil maganda naman ang mga dahilan. Pero si Reyman, ibang klase talaga! Gayundin si Angeline. Kaya pinatawag ko ang tatay. Pumunta naman agad, pagkalipas ng ilang minuto. Ayos naman. Sana rin ay magbago na ang anak niya. Supprotive naman kasi siyang ama. Alas-tres y medya na ako umuwi Umidlip pa kasi ako sa classroom ko. Maya-maya lang ay dumating na si Emily. Marami siyang kuwento na mula doon. Ayos! At least, panatag na ang loob ko. Grabe! Ang sakit sa ulo.. Kapos sa pagpapahalaga sa edukasyon. Pebrero 4, 2015 Naisipan kong ibahin ang ayos ng buhok ko. Sinuklay koi to pababa, bagoa ko pumasok sa eskuwalahan. Nakakatawa! Andaming nakapansin nito. Sabi ng guard, "Sir, para kang Koreano!" Nginitian ko lang siya. Tapos, tanong ng mga estudyante "Nagpagupit ka, Sir?" Umiling lang ako at ngumiti. At si Mam Julie, hindi ako nakilala. Sabi pa ng iba, bagay daw sa akin. Natuwa ako pero nainis din kinalaunan. Ayoko kasi ng masyadong napapansin. Naging busy ako buong umaga. Nagturo ako ng similar fractions sa tatlong section. Tapos, nagpagawa ako ng Sulating pangwakas. First time ko itong ginawa sa Grade 5 ngayon. Nahirapan ako, gayundin sila. Pero, may mangilan-ngilang nakagawa ng magandang sulatin. Nahihirapan lang sila sa sulat-kamay, indention at margining. Gayunpaman, handa akong itama ang mga alam nilang mali. Gusto ko silang unatin at turuan ng tamang pagsusulat. Nagutuman nga ako kanina dahil sa kahihintay ng mga estudyanteng hindi agad nakapagsulat. Second time ng NAT review. Hekasi ang itinuro ko sa Grade 6-Section 4 dahil walang reviewer na iniwan si Sir Alberto. Mabuti na lang mayroong Hekasi. Ayos naman ang review namin. Mahuhusay ang mga bata. Oral review kami. Nakuha ko ang kanilang mga atensyon. Past three ay nasa boarding house na ako. Nag-try akong umidlip pero nabigo ako. Kaya, gumawa na lang ako ng something productive para sa V-Mars ko. Pebrero 5, 2015 Pinalabas ko ang mga upuan sa mga estudyante ko kanina, pagkatapos ng flag ceremony. Kahapon kasi ay iniwan nilang makalat ang classroom. Kaya, naisipan kong sa labas sila magklase. Tapos, hindi ako nagturo. Nagpasulat lang ako sa sulating pangwakas. Paisa-isa ko silang pinapasok. Ang may takdang aralin ay agad na nakapasok. Pagpasok naman nila ay may gawain din sila ---pagsulat ng sanaysay tungkol sa disiplina. Ang hirap palang mag-check ng sulating pangwakas time-consuming. Pero, na-e-enjoy ko. Lubos kong nakikilala ang mga bata. Nalalaman ko ang kanilang kahinaan. Nakakagalit nga lang ng husto dahil sobra ang kanilang kawalang-alam sa pagsulat. Ang papangit talaga ng kanilang dikit-dikit. Naisipan ko tuloy padalhin sila ng writing notebook. Babalik kami sa writing class bukas. Pagkatapos ng klase, pumunta ako sa hideout. Nagpalit lang ako ng damit. Nag-text kasi si Papang. Need na daw niya ang narrative report na pinagawa niya sa akin. Hindi ko pa nagawa. Nang nasa hideout na ako, hindi ko naman iyon nagawa. Hindi kasi sapat ang impormasyon na ibinigay sa akin ni Sir. Kailangan ko pa siyang matanong. Sa halip na gawin iyon, ginawa ko na lang ang 'something for my V-Mars' na sinimulan ko noong isang gabi. Marami akong natapos, habang nakikipagkuwentuhan kay Mamu. Naikuwento ko tuloy sa kanya ang ginawang iskandalo ni Emily sa kaklase ko na akala niya ay babae ko. Bumilib ako kay Amy. Nasagot-sagot na rin kasi ang mga pang-aalimura ni Emily sa kanya. Nagawang niyang mapa-sorry ang judgmental kong asawa. Grabe talaga! Hindi muna nagtanong o kinilala si Amy. Napahiya tuloy siya. Sana tumigil na siya sa pagseselos. Lalo lang kasi akong naiinis sa ugali niya. Hindi na tama ang pagseselos niya. Lahat na lang halos ng babae na mapalapit sa akin ay pag-iisipan niya ng masama. Pebrero 6, 2015 Biyernes na. Ang bilis ng araw. Huling araw ng klase, kaya naisipan naming hindi magpalitan. Nagligpit ako ng ilang abubot kong kapapelan, habang nagpapasulat sa writing notebook ng mga bata. Tinuruan ko muna sila siyempre ng mga strokes ng alphabet. Nag-Math din muna kami bago iyon. Nagturo ako ng "finding the perimeter of a polygon". Madali lang. Nakuha agad nila. Tapos, nagpasulat ako ng tula base sa lesson namin sa Character Education--- tungkol sa idolo. After class, hindi muna ako umuwi. Umidlip ako sa classroom. Ansakit kasi ng ulo ko. Medyo nawala nang nakatulog ako ng ilang minuto. Umuwi na ako pagkabangon ko kasi nagtext si Emily. Hindi pa daw siya kumakain. Nagpapabili ng ulam. Hindi ko siya masyadong kinibo. Naiinis pa rin kasi ako sa mga pagseselos niya. Hindi niya alam na seryoso ako sa propesyon ko at sa misyon ko sa mga bata. Pebrero 7, 2016 Nagmamadali akong pumasok sa pag-aakalang maagang papasok si Dr. Yan. Iyon pala, isang oras siyang late. Di bale, nakapagsulat naman ako at nakapagpost sa Wattapad at FB ng mga quotes at essays. Second period, naka-chat ko sa FB si Mam Loida. Binalitaan niya ako tungkol sa Search for Outstanding Campus Journalists at Young Writers, na kasalukuyang ginaganap sa Kalayaan Elementary school. Nakita niya kasi ang post ni Sir Ivan. Nakita ko na rin iyon pero di ko lang pinansin. Naging daan lang siya para ma-relaize ko ang kawalang-suporta ng punungguro namin sa gaya kong may potential. Inis na inis ako. Dapat talaga ay naroon ako. Naniniwala si Mam Loida sa aking abilidad kaya sinabi niya sa akin. Antagal naming nag-chat. Pinag-usapan namin ang kamaliang ito. Isang kawalan para sa aming lahat ang hindi namin pagsali. Hindi ko lang alam kong totoong walang memo na nakarating sa GES kaya di namin alam lahat. Tiyempo naman na may recitation kami sa Educational Leadership. Kailangang magsalita ako dahil may grade pala iyon. Kaya nagsalita ako at naglabas ng sentiments. Naramdaman nila ako. Agree sila. My anecdotes are enough para maniwala sila sa kuwento ko. Biniro ko pa si Roselyn na suportahan ako sa pagkukuwento. And, she did. Kaya naman, nagpatulong pa si Dr. Llamas na tulungan ko siya na maghanap ng objectives, mission and vision para sa kanilang Writers' Guild. Tinanggap ko naman iyon agad. It's my pleasure. Nagatuloy ang chat naming ni Mam Loida. Isa rin kasi siya sa naiinis sa ugali at pambabalewala niya sa amin. EPP/HE lang ang focus niya. Para sa akin, manggamit siya, kasi kapag kailangan niya lang ako, saka lang ako mabango sa kanya. Hindi niya alam, isa ako sa mga guro ng GES na talagang maaasahan. Kaya, naisip kong never na akong magpapagamit sa kanya. Mabuti nalang ay hindi ako apektado masyado. Hindi pa ako gurang na gaya niya kaya I have still more rooms for growth. Marami pang principal na darating sa GES. Malay ko, isa sa kanila ang makakatulong sa akin. Ready na sana akong mag-report. Kaso, matagal natapos ang Group 5. Tapos, na pala ang Group 4. May klase pala sila noong huling ikalawang sabado. May hinatid lang pala si Dr. Pen. Bumalik din. Sayang! Sana nakapag-report na ako. Pebrero 8, 2015 Binalak ko sa kagabi na pumunta sa school para maglinis, kaya lang, masakit ang yag-balls ko. Nakakaramdam na naman ako ng sintomas ng UTI. Masakit. Hindi ako masyadong makakilos. Kaya, ginawa ko na lang ang report ko sa Educational Leadership—ang powerpoint at hand-out. Natapos ko ito bandang gabi. Nag-research pa kasi ako Nagbasa. Nag-wattpad. Nag-FB at pinagbigyan ko si Emily na mag-online rin. Dahil sa report kong ito, na-inspire akong gumawa ng action plan o thesis, kaya tungkol sa charismatic teaching. I hope masimulan ko agad ito. Medyo, nagngingitian na kami ni Emily. Nag-PM pa nga siya sa akin. Sabi niya: "Galit ka ba? Na-trauma ako sa'yo." Hindi lang ako nag-reply. Sana maunawaan niya na lang. Kasalanan naman niya. Pebrero 9, 2015 Lunes na naman. Hirap bumangon. Hirap maligo. Pero, dapat pumasok. Nagturo ako ng EPP sa simula pa lang ng klase. Tapos, nagturo ako sa Section ng Bahagi ng Aklat. Pagkatapos, wala ng palitan. Nagpasulat ako sa sulating pangwakas. Tungkol sa araw ng mga puso ang topic. Waley! Disappointed ako. Wala akong mapili. Di bale na, basta mahalin nila ang pagsusulat. NAT Review. Sa Section ako na-assign. Tuwang-tuwa sila. Wala akong baong teaching material. Dala ko lang ay kuwento. Namiss nila ang mga kuwento ko. Pero, ginawa ko iyon after kong sagutin ang mga kinahihirapan nilang lesson sa Math. Nagbigay din ako ng board works. Dumating si Mamah kaya natagalan ako sa pag-uwi. Pero ayos lang. Nangangamba ako sa mga bills ko. Umabot na ng 15k ang babayaran ko. Kainis! Di kasi sumunod sa usapan si Ate Ning. Pebrero 10, 2015 Muntik na akong ma-late kanina. Alas-singko y medya na kasi ako nagising. Mabuti umaabot ako. Sukat ba namang alas-3 ng madaling araw ay dilat ako at nag-iisip ng paraan para mabayaran ang mga bills ko. Si Mam Vi ang naisip ko. Ililipat ko ang sinanla ni Ate Ning. Sana pumayag. Nagpasulat uli ako ng sanaysay sa sulating pangwakas. Hindi na naman ako nakalipat dahil may sumingit na trabaho kay Mamu. Apektado ang time ko. Ayos lang naman. Nakafocus naman ako sa mga bata ko. Nakapagtawanan pa kami. Di na ako masyadong stress sa kanila. Sadya lang talaga silang pasaway pero kayang-kaya. After class, tinawag ako ni Mah sa may bundee clock, habang nagta-timeout ako. Nagpaliwanag siya tungkol sa hindi ko pagka-inform sa Search for Outstanding Campus Journalist. Hindi pa rin ako naniniwala. Dumiretso ako sa HP at nagbayad ng bill sa wifi. Tumigil na kasi kagabi pa ang connection. Hindi pwedeng wala akong internet. Andami kong mami-miss na gawain. Malakas na ang loob ko na magbayad kahit isang libo na lang ang matitira sa budget namin sa pagkain kasi papahiramin ako ni Mareng Lorie ng P5K. Pumirma na ako ng kontrata ng bahay ko sa Cavite. Tinawagan ako ng agent ko. Kakauwi ko lang nun from HP. Natuwa ako dahil patuloy na sa paglinaw ang transaksyon. Pebrero 11, 2015 Maaga akong nakarating sa school. Kaya, lumapit sa akin ang apat na Grade 6-Section 1. Naglabas sila ng sama ng loob tungkol sa kanilang Math teacher. Hindi ako nagbigay ng negatibong komento. Sabi ko lang sa kanila na pagtiyagaan na lang nila dahil ilang lingo na lang naman ang pasok nila. Natutuwa ako dahil nire-regard nila ako as hinangahan ng loob. Nagturo ako ng Math sa dalawang sections. Sa advisory class ko ay nagpasulat ako ng sulating pangwakas. Siyempre, nag-CBA din kami. Nag-e-enjoy na sila sa ginagawa nila. Sabi nila nang nagtanong ako. Natutuwa ako at nasisiyahan sila. Lalo na't hinahaluan ko pa ng pagbibigay ng inspirasyon. Madalas din akong magpatawa. NAT review. Naghiyawan ang Section 2 nang makita ako. Sayang, konti lang sila. Hindi tuloy ako nakita ng iba. Pero, gayunpaman, nagpicture-picture kami, pagkatapos ng pagtuturo ko. Ang saya nila! Masaya din ako't nakasalamuha ko uli sila. May nagkuwento pa nga ng kanilang malaki at magandang pagbabago. Natutuwa talaga ako. Nag-stay pa ako sa school dahil nag-post ako sa Wattpad. Tapos, nakipagkuwentuhan pa sa akin si Mam Vi. Kinuha niya kasi ang opinion ko kung pwede ba si Mam Diane maging SPG adviser dahil gusto na niya itong isalin. Sinabi ko na may planong lumipat si Mam sa Pangasinan kay maaaring di niya tanggapin. Antagal naming nag-usap at nagpalitan ng kuro-kuro tungkol sa mga maling practice ng mga faculty. Nagplano kami. Sana magawa namin sa susunod na INSET. Alas-4 pasado na ako nakauwi. Hinarap ko agad ang mga project at schoolworks ko, habang nakikipagkuwentuhan kay Emily. Pebrero 12, 2015 Gaya ng mga naunang araw, nagturo ako dahil nagpalitan kami. Nagalit at nagsermon din sa mga pasaway na estudyante. Kung ire-record ko nga ang mga sinabi ko, para akong sirang plaka. Nasabi ko na kasi ang mga iyon dati pa. Sadya kasing matitigas ang ulo ng mga bata. Gayunpaman, panay din ang patawa ko sa advisory class namin. Tawa sila ng tawa sa mga antics ko. Tapos, piniktyuran ko rin ng pang-ID ang iba. Ang iba ay ay magpakuha ng litrato. Pagkatapos ng klase, nagkuwentuhan kami nina Mam Rose at Mam Diane habang kumakain ng chicharon at mangga. Inabot din kami ng pasado alas-dos. Tapos umidlip ako. Ewan ko kung nakatulog ako. Basta, maya-maya ay dumating ang ang dalawa kong pupils na sina Reyman at Lenard para tulungan ako magkabit ng letter cuttings na "Happy Valentines Day" sa stage. Dumating din sina Angeline at Jhonald. Alas-kuwatro na ako nakauwi. Inaantok ako pero di ako nakatulog. Pebrero 13, 2015 Masaya akong pumasok. Positive ang thinking ko, kaya nga may Grade 6 agad na kumaway at tumawag sa akin para magpapicture sa akin, na ang background ay ang ginawa ko, namin kahapon sa stage. Naglapitan na pagkatapos. May nakipagkuwentuhan. May nagbigay na ng bulaklak, hanggang sa makaipon na ako ng isang bungkos. Sa taas, dumagsa ang mga regalo. Hindi man gaya noong December, pero masaya ako dahil nakaalala sila, nag-effort pa. Habang nag-aalmulsal kaming mga teachers, pinapagawa ko naman ng cards ang pupils ko. Nagpictorial din kami. Nag-selfie. Taos, kinuhaan ko pa sila habang gumagawa. Alas-otso, bumaba na kami ---ako at ang aking advisory class. Alam ko na na may program na magaganap, kahit biglaan, kasi kinontrata na ako ni nina Mam Loida at Mam Rose na mag-emcee. Pumayag ako na mag-emcee ng biglaan. Sanay na ako. Kaya naman kam naunang bumaba ay para magpiktyuran kami. E, ang nangyari, nagsunuran na sila. Nagkaingay at nagkagulo na. Nainis ako kasi naghahabulan ang mga bata, kasama ang ilan kong estudyante. Nahigh-blood ako kaya nagsalita ako sa mic at nagwalk out sa stage. Pasaway ang mga bata dahil tinitingnan lang ng mag giro. Hindi man lang magsaway at magpakalma habang hinahanda namin ni Sir Rey ang tugtog. Si Mam Rose ang nagpasimula ng program. Si Sir Rey ang nag-pray. Kundi lang laptop ko ang gagamitin sa pagplay ng music ng sasayaw ay hindi ako lalapit sa stage. Kakainis! Walang nagawa ang init ng ulo ko. Nag-emcee pa rin ako at naging photographer. Okay naman sana ang programa, kaya lang ina-announce pa na may make-up class bukas. Lalo akong nabuwisit kaya ng umakyat kami, tahimik ako. Pagkatapos kong magsermon sa mga bata ko, nagpasulat ako ng sanaysay tungkol sa "Bakit Nagagalit ang mga Guro sa mga Mag-aaral?" Tapos, nag-garden ako para matanggal ang galit ko. Kaso, sinisingil naman ako ni Mamu. Nagbigay daw sila kay Mam Deliarte ng cash. Sabi ko, " Bakit nagbigay kayo? Birthday niya? Lahat naman tayo may puso." Sumagot siya. Kaya, sabi ko, "Hindi ko obligasyon na bigyan siya. Nagbigay na kayo ng bulaklak at chocolate, ano pa? Pinaparamdam ko nga sa inyo na wala akong pera, magbibigay pa ako. May suweldo naman siya." Wala siyang nagawa. Umalis na lang. Nakakabuwisit. Wala naman siyang naitutulong sa akin, bibigyan ko pa. Andaming niyang pagkukulang sa akin, sa faculty. Panay alis. Panay pasasa.. Hay naku! Isa pang init ng ulo ang dumagdag sa akin. Ito ay nang ipatawag ako para sa group meeting. Aba, gusto pa yatang ako pa uli ang gumawa ng TQC report. Maawa naman ako sa sarili ko. Namamayat na ako sa pagod at puyat. Wala silang awa. Kaya nang magsabi sila na kailangan na ang mga ek-ek na form o report, nagsalita ako. Sinabi kong itinapon ko ang form dahil hindi naman ipinaliwanag ang dapat gawin. Tapos, hahanapin nila pag due date na. Agad-agad pa. Gusto pa yatang magtaas ng anuman ang aming kasamang MT pero napigilan niya ang sarili niya. Marahil ay nakita niya na mainit talaga ng loob at ulo ko. Hindi ako nagpakita ng interes na tumulong sa report namin. Vocal kong sinabi na hindi ko ginagawa ang isang bagay kapag di ko gusto o labag sa kalooban ko. Umuwi ako sa boarding house. Agad! Nawala ang galit ko pagkatapos kong ikuwento kay Emily. Nakatulong din ang pagbabasa ko ng mga greeting cards na ginawa ng pupils ko para sa akin. Friday the 13th nga ngayon. Malas ako sa pagiging masaya. Pero, ayos lang. Naramdaman ko naman sa mga mag-aaral ang pagmamahal nila sa akin. Sadya lang talagang kapos sila sa disiplina. Tsk tsk. Pebrero 14, 2015 Paggising ko, naghanda agad ako ng bag na gagamitin ko sa pagpasok. Sa sling bag ko, nakita ko ang greeting cards mula kay Emily. Nagulat ako. Ang sweet. Kiniss ko siya sa cheek.I'm sure, kinilig siya. Pasado alas-otso yata iyon ay pumunta ako sa school para mag-print ng hand-outs ko ng aking report sa Educational Leadership. May estudyante akong pumasok. Si Mam Rose lang ang teacher ng Grade 5 kaya naroon ang mga mag-aaral ko. Nakatanggap ako ng dalawang personalized cards from Nica Labaco at Yssbella Osit at chocolate-coated biscuit mula naman kay Anisah Sakurai. Mga estudyante ko last year. Pagkatapos ko magprint ay nagpaalam ako kay Mam Rosenda. I tried to be nice to her. Binati ko pa siya kanina ng Happy Valentines Day, pagdating ko. Then, pumunta na ako sa CUP. Napaaga ako ng punta kaya nag-FB na lang ako. Gumawa din ako ng Makata O. quotes para sa mga kinaiinisan kung tao. Binasa ko na rin ang mga greetings cards na natanggap ko ngayong araw. Natuwa ako sa card ni Emily. Naluha naman ako sa cards ng dalawang bata. Naisipan kong i-post ang mga ito sa FB. Naglagay din ako ng description, as reply sa kanilang mabubuting salita. Nang nagsimula ang klase namin kay Dr. Llamas, nagpakuwento muna siya ng tungkol sa pag-ibig. May nagpresenta ng sarili. Tapos, tinawag ako. Hindi agad ako ng kuwento ng lovelife ko. Binasa ko muna sa kanila ang card ni Emily. Nagka-interest sila sa story ko kaya medyo humaba ang kuwentuhan. Nagulat sila dahil akala nila ay binata ako. Mukha daw kasi akong 25 years old o totoy na totoy o kakagraduate lang. Ako pa rin ang usap-usapan kahit sa report. Naging aktibo din ako sa recitation dahil naglabas ako ng sentimyento tungkol sa aking punungguro na walang ginawa kundi ang magpasarap para sa kanyang sarili. Nauunawaan naman nila ako. Masasabi kong nakilala na naman nila ako ng lubos dahil sa mga ito. Sayang wala si Roselyn. Sana nakita niya kung paano nila pahalagahan ang bawat kuwento o anekdota ko. Nagtetext si sir Erwin. May gusto daw siyang sabihin sa amin. Mahalaga. Kaya, dahil naiwan ko ang hand-outs ko sa Curriculum Design, hindi na ako makakapagreport, pumunta na lang ako sa school para puntahan si Donya Ineng para sabay na kaming pumunta sa hideout. Nakita ko sa school ang mga sipsip at tamad na guro. Hindi ako namansin. Hindi rin ako pinansin ng iba. I don't care. Sa hideout, nagkuwento agad si Sir Erwin nang dumating. Tama ako. Tungkol ito sa promotion. Nakakabuwisit dahil isa na namang pandaraya at pagmamanipula ang nagaganap sa opisina. Unfair para sa mga nagkukumahog para umangat. Ang suwerte ng mga malalakas manipsip ng dugo. Galit na galit ako. Pati pala sa initiative ko na magdecorate sa stage ng Happy Valentines Day ay hindi nakalampas sa mga tsismosang bunganga. Tama lang pala ang galit na ipinakita at ipinaramdam ko kay Donya Choling kahapon. Hindi nila ako maninipula. Galit na galit din si Mamu nang itext ko sa kanya ang scenario. Tumawag pa siya nang nasa Star City na kami ni Emily. Speaking of Star City, nag-date kami ni Emily doon dahil may free ticket kami. Binigay na kasi sa akin ni Donya Ineng ang ticket niya. Grabeng tao sa Star City. Ang haba ng pila. Tagal namin sa pilahan, lalo na sa Forest Splash. Lima lang ang nasakyan namin pero enjoy naman. Bago mag-alas-onse ay nakauwi na kami. Pebrero 15, 2015 Nakatulog din ako ng mahaba-haba kanina, kahit marami akong naging panaginip. Past10 yata yun ay isinama ko si Emily sa school para magdilig ng mga halaman. Umakyat lang ako ng mangga, pagkadilig at umalis na kami. Dumiretso kami sa barber shop. Nagpagupit ako. Sunod ay magbayad ako ng RCBC bill sa SM. Past 1 na yata nang nakauwi kami at nakapag-lunch. Ramdam namin ang sobrang init. Summer na ba? Buwisit kasi ang electric fan, bumigay na agad. Wala pang pambili ng bago. Nakapag-download na ako ng sagot sa alingasngas tungkol sa promotion. Nai-post ko kaagad ito sa page naming GES teachers. Sana makarating ito sa kinauukulan. Natutuwa akong nahalungkat ko ang kabuktutan ng mga taong loser. Hindi kayang lumaban ng patas. Pebrero 16, 2015 Pagpasok ko pa lang kanina sa school, umilag na ako kay Donya Choling. Ayoko siya makasalamuha. Late siya kaya hindi kami nagpang-abot sa court, habang may flag ceremony. Alas-nuwebe na nang magkita kami. Pilit niya akong kinakausap. Alam kong ramdam niya ang panlalamig ko dahil hindi ko siya pinansin masyado nang sinabi niyang hindi nagawa ni Sir Rey ng maayos ang TQC report namin. Nakipagkuwentuhan ako kay Mareng Janelyn habang may pinagagawa ako sa V-Earth. Nakapag-almusal pa ako. Hindi rin siya makapaniwala sa sinabi ko. Binigyan ko pa siya ng guidelines ng promotion. Nagtext naman kami ni Ms. Kris. Binalitaan niya ako tungkol sa mga reaksiyon ng ilang kaguro namin. Alam kong nawindang ang lahat ng nakabasa ng post ko. Natutuwa ako. Sa klase ko naman.. nagpasaway sila. May mga nag-away. Kaya, naisipan kong itakwil sila. Sabi ko, hindi ko na sila kakausapin. Bahala na sila. Tahimik ako hanggang mag-uwian. Nagsulat pa nga ng apology letter sina Marian, Jannah at Khrizelle. Napangiti nga ako. Uuwi na sana ako, kaya lang nakipagkuwentuhan sa akin ang mga Grade 6. Tapos, nagtagal pa sina Jeff Vista at Lancelot Pascual. Naglabas sila ng hinaing laban kay sa Math teacher nila. Andami nilang sinabi. Grabe talaga! Nakakamangha. Tumaba din ang puso ko dahil sabi nila ay ako daw ang paborito nilang guro. Sabi ni Jeff, ako pa ang daw ang naging guro na nagustuhan niya. Sabi naman ni Lance, ako daw ang isa sa mga paborito niya sa Gotamco. Kinumpara nila ako at ang teaching style namin. Ang sakit ng ulo nang umuwi ako. Hindi agad ako nakapag-internet. Nang nagkape ako bandang alas-sais ay nawala ito. Ayos! Pebrero 17, 2015 Naging aloof uli ako maghapon kay Donya Choling. Tahimik din ako sa klase ko. pero, nagpalitan kami. Nakapagturo ako sa Section 1 ng circumference at nakapag-quiz at summative test sa Earth at Mars. Ramdam ko na ang tensiyon kanina tungkol sa pag-iingay ko sa Facebook naming mga guro. Nakarating na sa kinauukulan. Hindi na rin ako kinakausap ni Donya Choling. Si Sir Rey naman ay binulungan ako. Magpa-reclass daw ako. Sabi ko, bakit pabulong? Dapat sinasabi ito sa lahat. Hindi naman siya nagkomento dahil siguro ay paalis siya. Pero, masama din ang loob ko sa kanya dahil inilihim niya sa amin ni Mamu ang bagay na ito. Karapatan naming malaman, interesado man kaming ma-promote o hindi. Si Mamu ang kinakausap at tinatanong ni Donya Choling. Nagtataka ako kung bakit hindi nila ako kausapin. Anong problema nila sa akin? Natatakot sila? he he. Nakakatuwa.. Natutuwa ako dahil narinig ang boses ko. Nawindang ko sila. Nabulabog ang buong faculty. Sabi ko na nga ba't malaki ang naging impact nito sa kanilang mga liko ang gawain. Dahil diyan, lagi akong magiging alerto sa mga maling gawain nila. Hindi ko sila palalampasin at uurungan. Habang may mali, buhay ako. Magsasalita ako. Sa klase ko, katahimikan naman ang ginawa ko sa buong klase. Effective naman. Although, sadya talaga silang maiingay at madadaldal, pero alam kong natatakot sila sa pagiging tahimik ko kanina. Sinimulan ko kahapon. Itutuloy-tuloy ko na hanggang di sila nagbabago. Umuwi ako ng maaga. Wala na akong rason para mag-stay ako doon. Ayoko na rin namang magtrabaho para sa kanila. Mas mabuti pang mag-Wattpad ako at mag-encode ng mga sanaysay ng mga pupils ko para matapos ko na ang "Panitikan sa V-Mars". Pebrero 18, 2015 Hindi pa rin ako kumikibo sa mga estudyante ko. Epektibo naman ang drama ko. Tahimik silang gumagawa ng activity ko sa Filipino na tungkol sa bahagi ng pahayagan.Tapos, pinasulat ko sila ng 3-pangungusap na kuwento, base sa mga larawang ipinost ko sa pisara. Naging mailap din uli ako kay Donya Choling. Tamang-tama, wala si Sir Rey kaya wala talagang kaming pakialamanan. Tapos, nagkaroon ng misa dahil Ash Wednesday. Hindi ko naramdaman ang halaga niyon sa espiritu ko dahil ramdam ko ang tensyon. Lumalala ang alingasngas dulot ng mga dayaang nagaganap sa promotion. Okay lang. Taas-noo pa rin ako kahit nakalampag ko sila at nagre-react sila sa mga shared post nila. Nag-agree pa nga ako sa dalawang shared quotes na post ni Baleleng. Akala niya ay uurong ako o kaya affected ako. Bounce back kaya iyon sa kanila. After ng klase ay nagpatawag ng faculty meeting. Mahulaan ko na kaagad ang agenda. Sayang, may boys talk pa naman sana kami ngayon ng mga Grade 6 pupils. Hihintayin daw nila ako. Sa meeting, hindi naman agad naopen ang tungkol sa promotion. Pinaringgan muna ako ni Mah na huwag mag-post na FB dahil international ang nakakabasa. Parang sinasabing bawal akong magpasaring sa kanila. Hinayaan ko muna siyang matapos. At nang tapos na, nagsabi akong gusto kong magsalita. hiniram ko ang mic at nagsalita ako sa harapan nila. Binasa ko ang post ko. Then, tumayo din si Mareng Lorie. Nasaktan daw siya sa comment ko sa usapan namin ni Roselyn, especifically sa word na 'desperate'. Nahuli mismo ang isda sa bibig. Sabi ko, "Ako yun! Saka, may applicants pala. Bakit kayo lang? Bakit tinatago?" Wala siyang nasagot, hanggang si Mam Lolit naman ang nagsalita. Sinabi niya ang mga mapo-promote. Gamit pa daw ang ranking ni Sir Socao. Klinaro ko sa harap nilang lahat na hindi ako interesado sa promotion ngayong school year. May isang salita ako. Uminit ang usapan. Nagsalita pa si Mare. Uminit na rin ako. Nagtaasan kami ng boses. "Kaya ka nasasaktan dahil binasa mo ang hindi para sa'yo. Hindi ko nga alam na may apply-an e." Tapos, sinabi ko rin na huwag kaming mag-aim ng promotion. Mag-aim kami ng quality teaching. May sumigaw pa: "Magturo ng magturo." Nauna akong lumabas sa meeting hall. Umakyat ako para sa boys talk namin. Kaya lang ay wala na sina Jeff at Lancelot. Nag-iwan pa sila ng note sa pinto. Ang sweet. Pag-uwi ko, nagkuwento ako kay Emily. Tuwang-tuwa kasi ako dahil nasabi ko ang mga gusto kong sabihin. Nailabas pa ni Mare ang baho niya. Sa tingin ko, nasira lalo ang imahe niya. Ako naman ay umani ng mas maraming 'likes'. Hehe. Dalawa nga sa kanila ay sina Mam Loida at Mam Joan R. Sabi nila, magaling at masipag daw ako. Ipagpatuloy ko daw." Hindi iyon ang sadya nila, pero nasabi nila iyon sa classroom ko. Ang bilis nila akong nasundan sa taas. Kung totoo man ang sabi ni Mam Joan, magbabago ang image niya para sa akin. Para kasing gusto niyang sabihin na matagal na niyang gustong sabihin sa akin iyon kaya lang hindi kami masyadong close at dahil na rin sa mga kasama niya, gaya ni Mare. Sana mali lang ako ng hinuha. Nakaitext ko rin sina Mamu at Ms. Kris. Tungkol pa rin ito sa nangyari. Ang sa amin naman ni Mam Joan V ay nahaluan ng sharing of plan and ideas. Nagkasundo kami sa ilang bagay tulad ng mga ugali ng aming mga kasamahan with regards sa promotion. Nakitext ko rin si Sir Erwin. Sinabi ko ang nangyari pati ang plano kong makipagclosed-door meeting kay Mah sa Monday dahil iyon ang sabi ko kina Mamu, Donya Ineng at Ms. Kris. Pero, pinayuhan niya ako na tama na. He used good words kaya na-convince niya ako. Salamat din sa kanya. Tama naman siya. At least nakalampag ko na ang mga concern. Hindi ko lang alam kong kakausapin pa ako ni Mareng Lorie after what happened. Pero, anuman ang desisyon niya, okay lang sa akin. Wala naman akong magagawa. Isa pa, hindi naman titigil ang mundo kong wala siya sa sirkulasyon ko. Huwag na huwag lang silang magkakamali uli. Hindi sila tatantanan ng mga salita ko. Pebrero 19, 2015 Kung Hei Fat Choy! Walang pasok, kaya nakatulog ako ng mahaba-haba. Kahit inabot kami ni Emily sa pagkukuwentuhan kagabi ay mahaba pa rin ang tulog namin. Pasado alas-8 na kami nagising. Maghapon ay natapos ko ang 'Panitikan sa V-Mars'. Naipost ko na rin sa FB. Nakasulat pa ako ng sanaysay na patama sa mga bugok na pinuno. Nakapagtext din kami ni Mamu. Nag-usap daw sila ni Mam Loida kahapon. Dapat ko nga daw kausapan si Mah dahil di ko naclear ang side ko. Sabi ko naman na susundin ko na lang ang payo ni Sir. Sa katunayan, pinayuhan na naman niya ako kanina. Be nice to all daw kahit sa mga kaaway ko. Biniro ko lang muna siya. Pero, balak ko naman siyang sundin. Basta limitado na. Hindi na ako magpapauto pa sa kanila. Bago magdinner, nakatapos ako ng pitong pahina ng teacher's profile ko. Uunti-untiin ko ito para pagdating ng ranking ay may ipapasa ako. Natuwa ako kay Jeff Vista. Nagchat kami. Ibibili niya daw ako o si Zillion ng matchbox na Porsche. Pumayag na daw ang mga parents niya. Malaki talaga ang naging inspirasyon ko sa kanya. Pebrero 20, 2015 Ilang minute na lang bago mag-alas-sais, saka ako dumating sa school. Siguro ay maraming umuwi kaya kokonti ang estudyante ko. Pero, okay lang. Wala naman ako sa wisyo ngayon magturo. Wala pa rin akong imik sa klase ko. Pero, may pinagawa ako sa kanila, habang nagpi-print naman ako ng 'Panitikan sa V-Mars'. Gusto ko sanang bigyan silang lahat, kaso, paubos na ang ink ng printer. Ang kulay pula ay naging pink na. Nakapag-print lang ako ng kulang-kulang 20 copies. Konti lang tuloy ang nabigyan ko. Gusto ko rin sanang bigyan ang ibang teachers para may mabasa ang kanilang mga pupils. Nakisuyo si Sir Rey sa akin na gawin ang pag-print ng pictures na kinuha niya sa amin kanina. Magagawa rin pala niya. Although, tahimik pa rin ako, maganda naman ang pakiramdam kong tumulong. Nagpasalamat naman siya. Ang isa lang talaga ang di lumapit sa amin. Umuwi ako agad pagkatapos ng klase. Umidlip ako. At alas-kuwatro ay hinarap ko ang profile ko. Sinimulan ko na ring maghanap ng related literature ng gagawin kong action research sa Filipino. Pebrero 21, 2015 Alas-siyete pasado na ako nakarating sa CUP. Akala ko ay late na ako. Ako pa pala ang pinakanaunang dumating. Tapos, alas-otso y medya pa kami pinasimulang mag-exam ng midterm. Essay ang type ng test. Limang questions ang binigay ni Dr. Yan. Wala namang hirap. Nakapag-research ako sa net. Open notes kasi. Kay Dr. Llamas, pangalawang reporter ako. Nagawa kong maging kakaiba, nakakatuwa at interesting ang report ko. Sinalihan ko ito ng mga true to life anecdotes at stories ko tungkol sa teaching life ko. Interested sila sa bawat kuwento. Sana hindi ako naging mayabang sa pandinig nila. It's about charisma kaya dapat lang na mag-example ako tungkol sa aking pagtuturo. Wala naman akong alam na charismatic teachers sa kasamahan ko. Sa last subject, nabigyan ako ng chance na mag-report kahit ilang minuto na lang. Wala na akong kaba nang nag-report ako kaya naging maayos ang report ko. Nagustuhan ni Dr. Pen. Nakahinga na ako ng maluwag. Tapos na lahat ang report ko. Pasok-pasok na lang. After magmeryenda sa boarding house with Emily, nagdilig ako ng mga halaman sa hardin ko sa GES. Hindi ko pwedeng pabayaan ang mga stress reliever ko. Pebrero 22, 2015 Maaga akong nagising. Ang sakit na naman kasi ng yag-balls ko. May UTI na naman ako. Kaya, pagising-gisng na naman ako para lang umihi. Past 8, nagyaya si Emily mag-Luneta. Tamang-tama. Gusto ko ring mag-unwind. Kaya, ten o'clock ay nasa Luneta na kami. Kumain lang kami sa Kanlungan ng Sining, saka na kami naglibot-libot. Pumasok kami sa Orchidarium at nagtagal doon. Medyo wala lang matambayan kaya lumabas kami. Then, natagalan na kami sa may harap ng fountain. Marami kaming naging pictures. Na-upload ko nga rin kaagad. Past six, pumunta siya sa Sta. Isabel para kunin ang perang ipapahiram sa kanya ng kuya niya. Past seven ay nakauwi na kami. Pagod pero, enjoy naman. Pebrero 23, 2015 Lunes. Tahimik ang mundo naming Grade 5 teachers. Pero, nagpalitan kami. Nagturo ako sa Section 1 and 3 ng area of the polygons. Sa Section 2, nagpasagot lang ako. Mga 10, naglakas loob ako kay Mah na kunin ang pinagawa kong employment certificate kay Plus One. Nakuha ko naman. Pero, bago iyon ay kinausap ko si Mam Vi. Gusto kong ilipat sa kanya ang sanla ng lupa at bahay ni Ate Ning. Kaso, nakita niyang peke ang o hindi matibay ang papel na hawak ko. Nahiya naman akong ipilit. Pag-akyat ko ay tinawagan ko si Ate Ning. Sinabi ko ang tungkol sa sanla at sa mga dokumentong hawak ko. Pinayuhan ko siya, gaya ng payo sa akin ni Mam Vi. Alam naman daw niya iyon. Hindi nga lang siya makagalaw dahil wala pa siyang pera. Namumblema tuloy ako s amga utang ko. Nagbayad na nga si Mareng Lorie ng bayad niya sa plane tickets niya at cellphone, charged sa RCBC ko. Kaso,ibinayad ko naman ang 5k sa kanya as payemnet sa pinahiram niya noong nakaraang linggo. Kaya nang nagbayad ako ng RCBC, P14k lang ang naibigay ko. May tira na lang akong 2k s awallet ko. Hay buhay! Ang cool kausap nina Jeff at Lancelot kanina. Sumama sila sa HP kanina sa akin. Naglakad lang kami. Nag-selfie pa kami. Ipinakita pa sa akin ni Jeff ang toy car na bibilhin niya para kay Zillion. Vocal din niyang sinasabi na mabait daw ako kaya sumasama siya sa akin. Nagkita kami ni Sir Erwin sa may Sanitarium. Naglabas siya ng sama ng loob kay Mamu. Pumiyok daw at itinuro siya na siyang nagsabi sa akin. Hindi ako naninwala kaya agad akong pumunta sa hideout pagkatapos naming mag-usap ni Sir. Napatunayan kong hindi siya nagkuwento kay Donya Choling kaya nagtext ako kay Papang. Hindi lang siya nag-reply at hindi rin namin siya matawagan. Pinapunta din namin si Plus One. Napatunayan naming sinisira talaga ng mga traydor ang aming samahan. Hindi ako papayag na magtagumpay sila. Kaya ginusto kong magkabati silang dalawa. Bago mag-alas-otso ay nag-reply na si Sir Erwin. Naunawaan na daw niya. Tinawagan rin siya ni Mamu. Nag-usap sila. Okay na.Nakauwi na ako. At least, hindi nasira ang aming samahan. Pebrero 24, 2015 Nakipagpalitan ako ng klase. Nagturo ako ng bahagi ng pahayagan sa Section 3 at 1. Nagpasagot naman ako ng area of trapezoid sa Section 2. Pagkatapos ng palitan ay nagpasulat ako ng sanaysay sa advisory class ko na may pamagat na "Talino Mo: Gamitin Mo." habang nagme-meeting kaming Grade V teachers. Grabe ang feeling na may hinanakit ka sa kapwa habang magkakaharap kayo. Sa meeting ay naramdaman ko ang mga kagustuhan nila. May nais silang sabihin. Hindi na lang ako nagsalita. Nagsalita lang ako nang bandang magpaplano na kami tungkol sa Recognition Day, dahil kami nga ang in-charge. After ng klase, kasama ko na sana si Mamu sa hideout para hintayin doon si Sir Erwin, kaso kailangan ko na palang kunin ang appointment paper ko sa Division Office. Sumaglit ako doon. Nakuha ko naman kaagad. Pinababalik nga lang ako para sa oath-taking sa March 4, bandang alas-11 o 3 ng hapon. Tumuloy na ako sa hideout. Nagkuwentuhan kami ni Mamu habang gumagawa ako ng profile ko. Pasado alas-kuwatro ay dumating si Sir Erwin. Sumagalit lang siya. Nagkuwentuhan lang. Nagtawanan kami at nag-share ng mga kuro-kuro. Nawindang din si Mamu sa balitang inihayag sa kanya. Napatunayan naming sinisira nga siya ni Donya Choling. Pasado alas-singko ay umalis na ako sa hideout. Wala pa si Emily. Tinawagan ko. Nasa Cubao pa daw. Alas-otso na dumating. Kaya, alas-otso na ako nakakain. Sobrang gutom ko na. Pebrero 25, 2015 Walang pasok. Anniversary kasi ng EDSA People Power. Naka-schedule na akong pumunta sa school para maglinis ng classroom para sa NAT Mock Test bukas. Naghahanda pa lang kami ni Emily sa pagpunta sa school nang mag-text si Mamu. May problema na naman siya. Maya-maya ay nagtext naman sa kanya si Sir Erwin. Pupunta daw sa hideout. Tapos, niyaya ko sila sa school. Past 8 ay nasa school na kami ni Emily. Nagdilig ako ng halaman. Si Emily naman ay sinimulan nang gawin ang mga Form 137. Nagwawalis at naglilinis na ako ng classroom nang dumating sina Sir at Mamu. Tinapos ko lang ang pagwawalis ko at umalis na kami. Iti-treat kami ni Sir sa Mc Do. Sa Mc Do ay isang masayang kainan, kuwentuhan at tawanan ang nangyari. Nabusog na kami sa pagkain, nabusog pa sa mga usapang pormal at impormal. Naenjoy ni Emily ang samahan naming 3some. Tapos, nagkayayaan mag-Luneta. Ayoko sana kasi mainit at sawa na ako. Kaya lang, gusto ng dalawa kaya pumayag ako. Sa Luneta, nagpicture-picture lang kami. Nagtawanan at nagkuwentuhan din. Sobrang saya. Hindi pa nakontento, nagyaya pa si Sir sa Paco Park. Hindi pa daw sila nakakarating doon o nakakapasok. Kaya, naglakad kami patungo doon. Enjoy uli. Tawanan. Walang humpay na tawanan. Nag-picture-picture uli kami. Si Emily ang photographer. Tapos, alas-tres ay nasa hideout na kami. Nagkape at nagmeryenda kami. Ipinagpatuloy namin ang tawanan at kuwentuhan. Sa wakas ay nakita at naramdaman na ni Emily ang pagha-hideout. Masarap talaga! Enjoy! Masaya.. Pasado alas-otso ay umuwi na kami. Pebrero 26, 2015 Alas-sais ay nasa school na ako. Wala akong NAT Mock Test assignment ngayon. Bukas pa. Pumasok lang ako ng maaga para buksan ang classroom ko. Isa pa, pang-umaga talaga kami. Habang nagma-mock test, ako naman ay nag-wattpad. Gumawa din ako ng script ng pagsasalin ng mga simbolismo (pluma, korona, susi, aklat at sulo) dahil ni-remind ako ni Donya Choling. Maaga pa lang ay umasta na si Baleleng. Namali daw siya ng daan. Nagpaparinig pa. Ang lakas talaga ng loob. No pansin siya sa akin. Wala akong panahong makipagplastikan. Nakipagkuwentuhan din ako kay Ms. Kris dahil nagawi siya sa aming puwesto ni Mamu. Ang mga buwaya ang topic namin. After ng mock test ay nag-stay pa kami sa taas. Dumating si Don Facade kaya nagsalang ako ng "Les Misarables" na cd. Pinahiram niya sa akin. Akala ko kasi ay hindi pa makakaalis si Diana. Tinapos ko pa rin kahit antok na antok ako. Maganda naman ang musical na pelikula. Di rin naman ako nakauwi agad. Nasabit pa ako sa GPTA meeting. Konti lang ang dumalo kaya kitang-kita ako pag um-exit agad ako. Nakalabas ako pagkatapos nila. Blessing naman para sa akin ang pagkakaupo ko sa bleacher ng covered court o paghihintay ko dahil noon ko nakita sa FB account ng PSICOM Publishing, Inc. na tumatanggap sila ng submission para i-publish. Nagkainteres akong isali ang Red Diary. Kaya pag-uwi ko, inihanda ko kaagad ang file na dapat kong i-email. Nagawa ko naman bago mag-alas-7. Nagawa ko rin ang entry ko para sa Saranggola Blog Awards. May isang pakulo sila na dapat magsulat ng payong pag-ibig. Hindi dapat kuwento, kundi payo. Naisip kong gawin ang story na isasali ko naman sa PPV. Pinamagatan ko itong 'Stop Loving a Woman'. Nai-submit ko na agad ito. Pero, hinhintay ko na lang na i-accept ng Saranggola. I hope, na makuha ng PSICOM ang Red Diary. Matutpad na ang pangarap ko pag nangyari yun. Sana rin ay manalo ako sa Saranggola. Two-thousand pesos is a big amount.. Plus pa ang prestige. Pebrero 27, 2015 Proctor ako ngayon sa mock test ng NAT Grade Six. Nagkaroon ako ng chance na makakuwentuhan kay Mareng Janelyn. May dapat daw kasi akong sabihin sa kanya tungkol sa aking sinabing 'may niluluto'. Nagkuwento ako sa kanya. Nagulat siya nang sabihin ko na si Baleleng ang gustong magpapromote ng dalawang hakbang. Alam ko na hindi niya sisirain ang tiwala ko sa kanya. Nag-share din naman kasi siya against her. Sabi namin ay magiging defiant kami sa mga maling gawain. Ipaglalaban namin ang tama. Pinayuhan din niya ako na mag-ingat. Nalaman ko rin na hindi daw galit sa akin si Baleleng, kundi kay Pokwang/ Mamu. Nagseselos lang daw siya dahil iba na ang set of friends ko. Habang break time ng mga bata nagkuwento ako kay Mamu. Nainis siya na nagagalit sa kanya ang taong wala naman siyang ginawang masama. Ang payo ko ay hayaan niya na lang dahil hindi lang nila ako maaway dahil hindi ako mabait, kundi ako ay palaban. Nang dumating si Sir Joel, naikuwento ko tuloy ang baho ng mga kaaway namin. Agree naman siya. Ang hirap kasama ng mga taong may masamang gawain. Hindi marunong lumaban ng patas. Kaya naman, pati kami ay nagiging masama at palaban na rin. Lunch time. Dumating si Mamah. Muntik na siyang maubusan ng ulam at kanin. Di kasi namin alam na darating siya. Pagkatapos ay nagyaya siyang maghalo-halo sa parent ng pupil namin last school year. Umuwi ako agad pagkatapos. Hapon, tumawag si Roselyn. Tapos kinausap ako ni Mam Amy. Binigyan ako ng assignment sa NAT sa March 12. Naiinis akong tumanggi. Sabi ko ayaw ko. Wala siyang nagawa. Unfair naman kasi. Nagbantay na ako sa mock test, pagbabantayin pa ako sa actual. Samantalang ang iba, wala o hindi pa nagbantay. Pebrero 28, 2015 Alas-otso na yata iyon nang dumating ako sa CUP. Konti lang kami pero naging okay naman ang report. Marami akong natutunan. Gayundin sa pangalawang subject. Naging active uli ako. Kahit kasi ayaw akong magsalita ay tinatawag ako ng reporter at ni Dr. Llamas. Nagpasalamat nga pala sa akin si Dr. Llamas nang magkita kami sa canteen bago ako umakyat sa unang klase ko. Nag-research kasi at mag-print ako ng mission, vision at by-laws ng writers' guild para ma-adapt nila sa itatatag nilang guild. Welcome po, ang sagot. Antagal naming naghintay kay Dr. Penalosa. Kaya after waiting, nag-attendance lang kami ni Donya at umalis na kami. Tumuloy ako sa GES para magdilig ng mga halaman ko. Sa boarding house ay nanuod kami ng movie sa youtube.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...