Followers

Wednesday, February 11, 2015

Redondo: Luha

“Sinong may gawa sa’yo nito, anak?” si Mommy habang nasa loob kami ng hospital na ito. Mangiyak-ngiyak siya.

Tiningnan ko lang siya. Halos, hindi ko nga siya maaninag dahil sa magang-magang mata ko. Napansin ko rin si Daddy sa tabi niya. Tahimik.

Naririnig ko rin si Dindee na iyak ng iyak sa may uluhan ko.

Hindi ako nagsalita. Nangingilid ang mga luha ko. Tinitibayan ko lang ang loob ko.

Hinding-hindi ko makakalimutan ang araw na ito: Pebrero 11, 2015, ang araw na ako ay inatake ng apat na malalaking tao. Hindi sila teenager. Hindi ko sila kilala. Hindi ko sila namukhaan.

Ginawa nila akong punching bag. Sobrang sakit. Halos, mabali ang mga buto ko at malasog ang mga laman ko. Grabe! Akala ko ay hindi na ako mabubuhay pa.

“Red, may nakaaway ka ba sa school? Please, sabihin mo. Kailangan nilang magbayad sa ginawa sa’yo..’’ Hindi na napigilan ni Dindee ang sarili. Ginagap niya pa ang palad ko at lumuhod para makalapit siya sa mukha ko. “Red..”

“Anak.. huwag kang matakot..” si Daddy.

Tiningnan ko siya. Malabo nga lang ang tingin ko sa kanya, gaya ng tingin ko kina Mommy at Dindee. Siguro ay dahil sa mga luhang umaagos na sa aking mga mata.

Maya-maya ay naramdaman ko na may nagpunas ng mga luha ko sa mata. Parang si Mommy. Siya kasi ang muling nagsalita.

“Sige na, anak. Sabihin mo sa amin. Pamilya mo kami..”

Umiling-iling ako. Gustuhin ko mang magsalita, hindi ko maibuka ang bibig ko. Ang sakit ng mga labi at gilid ng bibig ko. Pakiramdam ko ay pumutok ito at lumubo.

Sinara ko ang mga mata ko at muling lumabas ang huling gabutil na luha. Yumugyog ang mga balikat ko.

Hindi ko alam. Hindi ko sila masagot.


No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...