Followers

Friday, February 27, 2015

Redondo: Tatay ni Riz

Nakakalungkot. Hindi pa rin ako kinibo ni Dindee kanina nang magising kami, hanggang sa maghiwalay kami ng way. Hindi na naman niya ako nauunawaan. Akala ko ay maaawa siya sa sinapit ni Riz. Akala ko ay okay lang sa kanya. Akala ko ay matutulungan niya ako.

Kahit sa school ay hindi pa rin maalis sa akin ang malungkot. Nawala nga ako sa sarili ko, lalo na nang dumating ang ama ni Riz para kausapin si Mam Dina..at ako. 

Oo, ako..

Pinatawag ako ni Mam. Nakaharap ko ang tatay ni Riz, na mugtong-mugto ang mga mata.

"Red, alam kong mabuting bata ka. Nang nakita kita kahapon habang humihingi ng tulong sa'yo ang anak ko, naisip kong baka ikaw ang makatulong sa kanya. " sabi ng ama ni Riz.

Ramdam ko ang kanyang pighati. "Ano po ba ang maitutulong ko?"

"Tulungan mo siyang maibsan ang sakit. Samahan mo siya sa hospitaL. Please.."  Kumikislap na ang mga mata niya.

Sinabi kong depende iyon kung papayagan ako ng mga magulang ko. Naisip ko si Dindee. Pero, di ko na sinabi pa.  

Ipagpapaalam daw niya ako kina Mommy at Daddy mamaya. Kinuha niya ang address ko para puntahan niya kami mamayang gabi. In-excuse niya rin ako kay Mam.

Gusto kong tumulong pero gusto kong bukal sa loob ni Dindee ang pagpayag niya. 

Alas-sais y medya ay dumating ang tatay ni Riz sa bahay. Hindi na siya nagpaligoy-ligoy. Pumayag naman sina Mommy at Daddy, kaya ipinaghanda nila ako ng ilang personal na gamit sa aking bag. 

Lumapit ako kay Dindee. "Dee, gagawin ko ito para sa pagkakaibigan namin. Maunawaan mo sana." Hindi niya ako tiningnan. Nakatutok lang siya sa telebisyong mahina ang sound. Pinisil ko na lang ang balikat niya.

Maya-maya ay umalis na kami. Nagpasalamat ng paulit-ulit ang tatay ni Riz kina Daddy, bago kami tuluyang nakalabas ng gate. 

Masaya ako dahil alam kong makakatulong ako. Pero, sobrang nalulungkot ako dahil sa inaasal ni Dindee. Gayunpaman, handa akong mag-sorry kapag tapos na ang pagtulong ko kay Riz.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...