Kagabi ay halos magkaiyakan kami ni Riz.
Sobrang tuwa niya nang makita ako. Agad niyang inilahad ang kanyang mga braso kaya niyakap ko siya.
"Salamat, Red! Salamat..maraming salamat at narito ka."
Iniwan kami ng mga magulang ni Riz. Bibili lang daw sila ng pagkain. Kaya, nakapag-usap kami. Sinimulan ko na siyang usisain tungkol sa nangyari. Kaya lang, sa sobrang pag-iyak niya ay hindi ko na iyon maunawaan. Ginagap ko ang palad niya. Ayaw ko na muna siyang pagsalitain.
"Riz, kaya mo 'to. Matatag ka. Alam ko. Tutulungan kita. Mahirap man, pero sisikapin ko. Sabihin mo lang kung paano."
Sa pagitan ng mga paghikbi ni Riz, nasabi niya ang gusto niyang gawin ko. "Dito ka lang sa tabi ko, Red. Natatakot na ako. Papatayin niya ako, Red. Papatayin niya ako!" Lalo pang humagulhol si Riz. Nag-iba rin ang ekspresyon ng mukha niya. Sobrang takot niya.
"Riz, Riz.. Wag kang matakot." Napakalma ko siya sa kabila ng panginginig niya.
Naabutan kami ng mga magulang ni Riz na magkayakap. Alam nila na natatakot ang anak nila kaya naunawaan nila ang bagay na iyon.
"Sige na, iho. Kain ka na muna. Ako na ang bahala kay Riz." ang sabi ng ina.
Ayaw na magsalita ni Riz. Tahimik at nakatitig lang siya sa kisame. Kahit nang matapos akong kumain, ayaw na rin niyang makipag-usap. Marahil ay hindi pa siya handa na marinig ng mga magulang niya.
Kahit kanina, tahimik na tahimik ang loob ng room. Sumubok na kausapin ng mga magulang si Riz, pero lumuha lang siya.
Alas-tres, wala ang tatay niya. Nakaidlip naman ang nanay niya. Bumulong si Riz. "Sana..ikaw na lang ang pinili ko."
"Riz?" Pinisil ko ang palad niya.
"Sana ako na lang..ang pinili mo. Sana, Red." Humagulhol siya. "Huli na ang lahat. Sira na ang buhay ko. Sira na ang pangarap ko. Wala ng halaga ang pagkatao ko!" Tuluyang bumuhos ang mga luha niya.
"Wag ang magsalita ng ganyan, Riz. Pagsubok lamang ito ng Diyos!"
"Hindi! Parusa ito! Parusa!"
Nagising ang kanyang ina at agad na lumapit kay Riz. "Anak, anak..mahal na mahal ka ng Diyos. Anak.. Kaya natin 'to! Magpakatatag ka.. Riz, Riz.." Bumuhos na rin ang mga luha ng mapagmahal na ina.
Umupo ako. Nanlumo. Nakakalungkot. Bumabalik na naman ang pag-uusig. Kasalanan ko talaga.
No comments:
Post a Comment