SULO
Tagasalin:
“Kaibigan, iyong hawakan ang sulong ito. Panatilihin mo sanang maningas at
maliwanag ang daan tungo sa magandang kinabukasan. Tanglawan mo ng mabuting
kaasalan at malawak na kaalaman ang bawat mag-aaral upang matamo ang kalidad na
edukasyong pinakaaasam.
Tatanggap: “Salamat
sa sulong ito. Hayaan mo’t tutuparin kong lahat ang iyong mga tagubilin. Ito ay
magsisilbing liwanag tungo sa aming paglalakbay. Gagamitin ko ito upang ang
banaag nito ay siyang gagabay sa aming pag-abot ng aming mga mithiin sa buhay.
PLUMA
Tagasalin:
“Katoto, iyong tanggapin ang plumang ito. Mahalagang malaman mo na ang panulat
na ito ay ang inyong sandata laban sa kamangmangan. Gamitin ninyo ito upang
itala ang mga makabuluhang kaalaman. Panatilihin ninyong malinaw at klaro ang
halaga ng edukasyon sa lahat ng kabataan.”
Tatanggap:
“Malugod kong tinatanggap ang plumang ipagkakatiwala mo sa akin. Pangako, magagamit
ito sa mga makabuluhang bagay upang tumimo sa aming mga isipan ang mga
mahahalagang aralin at aral sa buhay. Maraming salamat.”
AKLAT
Tagasalin:
“Aking kaibigan, iyong kamtin ang aklat na ito. Iyong punan ng karunungan ang
iyong paaralan at pamayanan. Pagyamanin mo ang kaisipan ng bawat mag-aaral upang
ang kalidad na edukasyon ay manatiling nakaangat, na siya namang magpapatibay
sa ating bayan. Tuloy, magdagdag kayo ng kasaysayan, na maaaring ipagmalaki sa
ibang bayan.”
Tatanggap:
“Opo, katoto! Buong puso kong tinatanggap ang iyong kaloob. Kasama nito ay ang
aking marubdob na pagnanais, na gawin ang iyong mga payo. Hindi kita bibiguin
sa iyong hangaring ipagpatuloy ko ang pagpapalaganap ng edukasyon. Salamat!”
KORONA
Tagasalin:
“O, aking lingkod, itong korona ay isasalin ko na sa iyo. Katumbas nito ang
dangal ng isang pinuno. Pagharian mo ang Gotamco. Dalhin mo sila sa maligaya,
mapayapa at matalinong pag-aaral. Ang isang matapat na pamumuno ay nararapat mong
isagawa bilang bagong pinuno. Tulungan mo silang lumago.”
Tatanggap:
“Tama ka, aking idolo! Salamat sa tiwala at sa karangalang ito. Bilang bagong
pinuno, ako ay nakatakdang pamunuan ang paaralang ito, ayon sa iyong mga
simulain. Ipagpapatuloy ko ito at paghaharian ang paaralang Gotamco ng may katalinuhan
at may puso.”
SUSI
Tagasalin:
“Ikinalulugod kong isalin sa’yo ang susi ng responsibilidad. Kaibigan, iyong
ipagpatuloy ang pagbukas sa mga magagandang kalinangan at pagpinid sa mga
masasamang gawi ng mga mag-aaral upang ang edukasyon sa ating bayan ay mas
higit na maging kalugod-lugod. Ingatan mo itong susi, upang ang kayamanan ng ating
bayan ay nasa iyong pag-iingat.”
Tatanggap:
“Salamat, aking kaibigan! Ang susing ito ay aking iingatan tulad ng pag-iingat
ko sa aking sarili. Ang resposibilidad na iyong inatang ay aking isasagawa,
pagkat itong susi ay instrumento para sa malayang edukasyon. Magsasara ako ng
mga di kanais-nais na gawaing pampaaralan. Bubuksan ko naman ang mga mabubuting
oportunidad para sa lahat ng kabataan.”
No comments:
Post a Comment