ANG BISITA
"Lola, sino po ba talaga ang bisita? Bakit ayaw nyo pong sabihin sa akin?" Nasa kalagitnaan na kami ng paglalakad pauwi nang nagtanong ako.
"Ayaw ipasabi e. Kaya wag ka ng mausisa. Dahan-dahan..hindi naman aalis ang bisita mo."
Tahimik na ako. Hindi naman ako excited kung sino man siya. Mas excited akong makabalik uli sa tabing-ilog para mas makilala ko si Pepita ng husto. Kahit hindi siya makapagsalita, alam kong marami siyang gustong ikuwento sa akin. Naramdaman ko kanina, habang nag-uusap kami na may malaki siyang problema. Gaya ko, wala rin siyang mapagsabihan. Hindi dahil pipi siya, kundi dahil walang taong gustong makinig sa kanya. Ako, gusto ko.
Natatanaw ko na ang gate ng bahay ni Lola. Pero, hanggang ngayon ay wala pa rin akong clue kung sino ang naghahanap sa akin. Sana naman hindi ang mga pulis na tinakasan ko sa presinto. O baka ang doktor. Baka lalagariin na ang semento ng paa ko.
Nasa sala na ako..
"Papa!" Walang mapagsidlan ang kaligayahan ko. Niyakap ko siya at hinalikan ang noo. "Kumusta po kayo?"
"Mabuti naman ang Papa mo, Roy." ang tagapag-alaga ni Papa ang sumagot. "Pero, wag muna natin siyang piliting magsalita. Nahihirapan pa rin siya. Naipaliwanag na ni Sir sa akin ang mga dapat niyang sabihin sa'yo."
Hindi ako makapaniwalang kaharap ko ngayon ang aking ama. Siguro ay labis siyang nag-alala sa nangyari sa akin. Napakasaya ko. Hindi naman pala sayang ang pagiging sutil at pagiging mapangahas ko.
Sumisenyas si Papa kay Ate Fely, ang tagapag-alaga niya.
"Sabi ng Papa mo, huwag mo na daw uulitin ang paglalayas. Labis siyang nag-aalala sa'yo." interpretasyon ni Ate Fely.
"Opo, Papa. Hindi na po mauulit." Nahihiya tuloy ako sa aking ama. Mabuti na lang ay pinilit niyang ngitian ako. Hinimas pa niya ang buhok ko kahit nahirapan siyang igalaw ang mga kamay niya. Naalala ko tuloy ang mga kabutihan sa akin ni Sir Gallego, na Papa ko na ngayon. Madalas din niyang guluhin ang buhok ko kapag nakakagawa ako ng mabuti at kapuri-puri.
"Sir Gallego.." Si Lola naman ang nagsalita. "...iwanan ko muna kayong tatlo. Maghahanda ako ng pananghalian."
Tumango-tango lang si Papa.
"Papa, matutuloy ka po ba sa America?" Lumuhod ako sa harapan ni Papa. Hinawakan ko ang kamay niya. Pinisil-pisil ko. Ang sarap sa pakiramdam na nalapit uli ako sa idolo ko.
Tiningnan ako ni Papa. Matagal siyang tumitig sa mga mata ko. Nakikita ko ang nangingilid niyang luha. Tapos, tiningnan niya si Ate Fely.
Si Ate Fely ang sumagot sa tanong ko. "Roy, isa rin sa dahilan kaya kami pumunta rito ay para magpaalam sa'yo ang Papa mo. Next week na siya aalis. Matatagalan siguro bago siya makabalik dito.."
"Huh? Bakit po? Ganun po ba katagal ang therapy?" Nalungkot akong bigla. Akala ko matagal pa siyang aalis.
"Hindi natin alam. Pero, gusto ng Papa mo na.. tumira na doon. Pag pwede na daw uli siya makapagtrabaho, sisikapin niyang mai-petition ka. Sa ngayon, pagpapagaling muna ang priority niya. "
Hinimas uli ni Papa ang buhok ko. Di na ako makatingin sa kanya kasi naiiyak na ako.
"Huwag kang malungkot, Roy. Pasasaan ba't magkakasama na kayo ni Sir."
"Sige po. Babalik naman po kayo, di ba po?" Tumango si Papa. " Maghihintay po ako."
Masaya ako buong maghapon na kasama ko ang aking ama, bagaman hindi naman kami ang nag-uusap. Makasama ko lamang siya sa bahay ay sapat na. Makita ko lamang siyang nakangiti kapag tinitingnan niya ako ay napakaligaya ko na. Tapos, magkatabi pa kami ngayon sa higaan.
"Pa, tulog ka na po ba?"
Umungot si Papa at gumalaw ng bahagya.
"Pa, okey lang po ba na magkuwento ako hanggang makatulog tayo pareho?" Nagparamdam ng pagpayag si Papa. "Salamat po! Na-miss po kasi kita, Sir. He he. Alam mo po, Pa..hindi po ako makapaniwala na anak ninyo ako. Sa una, nagtatanong ako pero na-realize ko po na dapat pa nga po akong magpasalamat dahil..dahil natagpuan na kita. Hindi niyo lang po alam kung gaano ako kasaya nang malaman ko na ang iniidolo kong guro ay ama ko rin pala.." Dinikit ko ang aking ulo sa braso ni Papa. "Isa na lang po ang aking hiling... ang mapatawad ka na ni Mama."
Nagulat ako nang kinabig ako ni Papa papalapit pa sa kanya. Niyakap niya ako kahit nakatihaya siya at nahihirapan. Ang sarap sa pakiramdam. Ngayon ko lamang ito naranasan. Hindi ko naipaliwanag ang ligayang dulot nito. Handa na akong maghintay sa paggaling niya. At pangako, lagi ko siyang ipagdarasal sa Diyos upang mapabilis ang kanyang paggaling at mapatawad na siya ni Mama.
Alas-sais na ng umaga, ang sarap ng tulog namin ni Papa. Napakasarap palang matulog na katabi ang aking ama. Tila, nawala lahat ang mga takot at pag-aalala ko.
"Magandang umaga po, Pa!" Nginitian din ako ni Papa. "Sandali po, tatawagin ko lang po si Ate Fely para tulungan kayong makaupo sa wheelchair."
Nasa hardin si Ate Fely, kasama si Lola. Magkasundo yata sila sa paghahalamanan. "Gising ka na pala, Roy. Gising na rin pa si Sir?" Si Ate Fely iyon.
"Opo. Magpapatulong sana ako sa inyo.."
"Ah.. sige ako na lang. Kaya ko na iyon. Dito ka muna. May sasabihin daw sa'yo ang lola mo."
"Ano po iyo, La?"
Nakapasok na sa bahay si Ate Fely nang magsalita si Lola. "Darating ngayon ang Mama mo.."
"Ha?! Talaga po?!" Sobrang saya ko. Ngayon na yata kami mabubuo. Pakiramdam ko ay hindi ko kailangan ang saklay. Bigla akong lumakas. Gusto kong tumalon sa galak. Kaya lang..malungkot si Lola. "E, bakit naman po kayo nalulungkot? May problema po ba?"
Tumango muna si Lola. "Ayaw kasi ng Mama mo na maabutan ang Papa mo dito sa bahay.."
Bumaligtad ang mundo ko. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko sa balitang iyon. Kanina lang ay napakasaya ko, ngunit ngayon ay mas hinihiling ko pang huwag na lang munang umuwi si Mama kung mababawasan pa ang araw na makakasama ko ang aking ama.
"Maaari bang ikaw na ang magpaliwanag sa Papa mo tungkol dito?" Nakikiusap si Lola. Tila napakahirap para sa kanya ang gawin iyon, gayong siya naman ang may-ari ng bahay. Marahil ay mahirap nga para sa kanya na ipagtabuyan ang kanyang bisita.
Hindi ako makapagsalita. Parang ayokong sundin ang nais niya. Gusto kong magkita sila ni Mama. Hindi ako papayag na paalisin si Papa. "Ayoko po, La." Nangingilid na ang luha ko. " Hayaan po natin silang magkita. Gusto ko pong mabuo ang pamilya ko.." Tinalikuran ko na siya.
Sa kuwarto ako dumiretso. Bumalik ako sa higaan at nagkumot. Nalulungkot ako. Gusto kong magrebelde. Bakit ba ang daya-daya nila? Bakit ba ayaw nila akong maging masaya?
Nag-lock ako ng pinto. Tinatawag na nga ako para mag-almusal. "Antok pa po ako. Mamaya na lang po ako kakain." Hindi nila ako mapipilit. Mabuti pang matulog na lang ako. Baka sakaling paggising ko ay narito na ang aking ina na mapagtawad. Baka sakaling, pagmulat ng mga mata ko ay kaharap ko na ang nagmamahalan kong mga magulang.
Pagdilat ng mga mata ko, si Mama at si Papa ang nakita ko. Nakaakbay si Papa kay Mama sa paanan ng aking kama. Nginitian nila ako. "Hihintayin ka namin sa dining para mag-lunch." sabi ni Mama. Tapos, lumabas na sila ng kuwarto.
Isang sigaw ang narinig ko, pagkatapos. Naalimpungatan ako. Si Mama iyon. Nandito na siya. Lalabas ako.
"Masamang tao ka! Lumayas ka sa pamamahay namin. Hindi ka kailangan ng anak ko!" Narinig kong sabi ni Mama. "Umalis ka na ngayon din...pakiusap."
Nakikita ko na si Mama gayundin si Papa. Naaawa ako sa aking ama.
"Roy?" Nakita ako ni Mama. Lalapitan ako. "Kumusta ka na, anak?" Yayakapin niya ako. "Ano ba kasi ang naisipan mo? Bakit mo ginawa iyon?"
Hindi ako kikibo. Naiinis ako sa kanya. Bakit pa kasi siya umuwi kung ang ilang araw na makakasama ko si Papa ay mawawala pa?!
"Miss you, anak.. Di bale na.. Hindi na ako babalik sa abroad. Hindi na kita iiwan.. Gusto mo yun di ba?
Titingnan ko lang si Mama. Hindi ko siya sasagutin upang malaman niya na galit ako sa ginawa at sinabi niya kay Papa. Gusto kong maramdaman niya ito.
Nakita kong lumuha si Papa. Pinipilit niyang ikubli ang kanyang mga luha.
"Marami akong pasalubong para sa'yo.. Halika, buksan natin ang bagahe ko.. "
"Hindi ko po kailangan ang anumang materyal.."
"Roy..aalis na kami ng Papa." si Ate Fely.
"Hindi po." Binitiwan ko ang pagkakahawak ng kamay ni Mama sa kamay ko. Lalapitan ko si Papa. "Hindi po. Dumito po muna kayo.."
Pinipilit magsalita ni Papa. Itinuturo niya si Mama.
Nauunawaan ko ang sinasabi niya. "Ma, kapag pinaalis mo si Papa ngayon.. sasama ako.."
"Huwag matigas ang ulo, Roy. Hayaan mong umalis 'yan. Layuan mo siya!"
"Bakit, Ma? Dahil ba masamang tao siya para sa'yo?"
"Oo! Masamang tao iyang itinuturing mong ama!" Papalapit si Mama sa akin. "Halika dito, hayaan mong umalis ang rapist na iyan! "Dinuduro pa niya ang Papa ko. "Masamang tao ang iniidolo mo!"
"Masama man siya..mas masahol pa kayo sa kanya!" Isang malutong na sampal ang dumapo sa aking pisngi. Magwo-walk out ako. Dali-dali akong lalabas para doon umiyak.
"Roy! Saan ka pupunta. Sorry, Roy.,"
Hindi ko na lilingunin si Mama. Bibilisan ko pa ang paglakad, gamit ang saklay ko. Pupunta ako sa tabing-ilog.
Followers
Friday, January 24, 2014
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment