Hindi na bago ang pagpapakita ni Lola Esme sa
akin. Mula nang mamatay siya ay nagpaparamdam na siya sa akin at nagpakita.
Kahit nga sa panaginip ko ay andoon siya. Naisip ko lang, na sa tuwing
dadalawin niya ako ay may kasunod na trahedya.
Noong una,
nagpakita siya sa food chain, kung saan ko siya nilibre ng almusal. Pag-uwi ko
noon, may mga katok akong narinig sa pinto ng condo unit ko at paglabas ko ay
walang tao, ngunit naroon sa lapag ang pulang rosaryo na ibinigay niya sa akin,
nang una kaming nagkita. Sumunod, nakasama ko siya sa panaginip. Ginising niya
ako para kumain. Iyon pala ay iniligtas niya ako sa sunog, dahil paglabas ko ay
nasusunog na ang katabi kong unit. Pagkatapos ng sunog, naging balisa ako at
naging biktima ng holdap. Pero, bago ang holdapan, nagpakita siyang muli sa
tabi ng kalsada. Kung bumaba lang sana ako ay hindi ako napasama sa holdapang
iyon sa dyip at hindi ako nasundan ng dalawang nakatakas na holdaper. Hindi
sana ako nasaksak at muntik bawian ng buhay.
Naisip
ko. Hindi siya sumpa. Biyaya siya sa akin ng Diyos. Hindi ko nga lang
pinahalagahan.
At dahil nasaksak ako. Sumunod ang pagkaka-confine.
Nakilala ko si Lea May. Siya ang isa sa mga nurse na nag-alaga sa akin sa
hospital. Siya ang kauna-unahang babaeng nagpatibok ng puso ko. Pangalawang
babae na naging kasintahan ko. Magiging pangalawang ina ng anak ko.
Ngunit, nabalewala ko uli si Lola
Esme. Naging abala ako kay Lea May. Nakalimutan ko ang pangako kong iuuwi ko
ang kanyang mga buto sa Davao, kung saan naroon ang kanyang kaisa-isang kapatid
na babae.
Mag-iisang
taon na rin simula nang mamatay si Lola Esme. At muli, nagpakita siya sa akin
sa elevator ng hospital, kung saan ako na-confine at kung saan ko nakilala si
Nurse Lea May. Sosorpresahin ko sana siya noon, upang magyaya na
makiisang-dibdib sa akin. Ngunit, ako ang nagulat dahil aalis na pala siya para
magtrabaho sa ibang bansa. Hindi niya iyon binanggit sa akin, kaya labis akong
nasaktan. Tila, natuwa pa si Lola Esme sa pangyayari dahil nakangiti siya nang
magpakita ito sa akin sa elevator.
Uminom
ako sa isang bar, pagkatapos kong mabigo kay Lea May. Hindi niya ako mahal.
Gaya din siya ng una kong asawa. Iiwan niya lang din ako.
Nagpakalango ako sa demonyong alcohol. Panandalian
kong nalimutan ang mukha ng babaeng sinanto ko at pinaglaanan ko ng panahon,
pera at atensiyon. Nakaligtaan ko kung sino ako. Hindi ko maalala ang mga
pangarap at mithiin ko. Sa isang iglap, naglaho ako sa liwanag. Lumutang-lutang
ako sa kawalan.
Hindi ko
alam kong paano ako nakauwi sa unit ko. Nagising na lamang ako na naliligo sa
sariling bulwak ng sikmura. Kaya, agad akong tumungo sa banyo at naligo, kahit
napakabigat pa ng ulo ko.
Pagkatapos
kong maligo, niligpit ko ang suka ko. Nandiri ako sa sarili kong kabastusan,
kaya ibinasura ko na lang ang kubre-kama. Tatanggalin ko pa sana ang punda ng
unan ko para itapon na rin, nang makita ko sa ilalim niyon ang pulang rosaryong
ibinigay sa akin ni Lola Kalakal. Dinampot ko ito at muli kong isinabit sa leeg
ko. Nakapagtataka. Hindi ko ito nilagay sa ulunan ko. Matagal na itong nawala.
Suot ko ito noong masaksak ako. Ngunit, paglabas ko ng hospital ay hindi ko na
ito suot. Naalala ko si Lola Esme. Nagpapahiwatig na naman siya. Dapat akong
maging maingat sa aking mga gagawin dahil may nais siyang ipaabot sa akin.
Umupo ako
sa sahig ng aking unit at sumandal sa pader. Pinaikot ko ang mga mata ko sa
blanko kong tirahan. Mula nang masunugan ako ng mga gamit, tanging higaan at
dining set pa lamang ang naipundar ko. Kelan ko kaya maitatayong muli ang
sarili ko, ngayong lugmok na naman ako?
Nakailang
minuto ako sa ganung posisyon, nang maalala ko ang cellphone ko. Naalala ko si
Lea May. Baka tinatawagan na niya ako. Kaya, hinagilap ko ang nasukahan kong
pantalon. Kinapa kong lahat ang mga bulsa niyon. Wala akong nakitang cellphone.
Nawala rin pati ang wallet ko. Lalo akong nanlumo.
"O,
Diyos ko! Bakit po ganito?" Kinausap ko ang pulang rosaryo.
Nakakaiyak. Sa isang iglap, nalimas ang bulsa
ko. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Hindi ako makakilos. Saan ako tutungo? Ano
ang gagawin ko? Naroon lahat sa wallet ang natitira kong pera at cards. Ni
singkong duling ay wala akong naitabi. Sabado noon. Sarado ang mga banko. Hindi
ako pwedeng mag-over-the-counter.
Lumabas
ako. Bitbit ko ang panghihinayang at pagsisisi. Sangkatirbang salita ang pumasok
sa utak ko. Nadedemonyo ako.
"Si
Leah May, tumawag sa'yo. Hindi mo nasagot. Can't be reached ang cellphone mo.
Kaya, akala niya ay galit ka at nakipag-break na."
"Ang
babaeng lumapit sa'yo sa bar kagabi, siya ang kumuha ng wallet at cellphone mo.
Hanapin mo siya at patayin."
"Magbenta ka ng katawan para magkapera ka.
Mabilis mo lang maibabalik ang mga nawala sa'yo."
Sumigaw
ako sa loob ng elevator. Mabuti at wala akong kasabay. Napraning ako. Hindi ko
kayang gawin ang mga iyon. Hindi ako pinalaki ng mga magulang ko na maging
isang masamang tao. Ngunit, naisip ko. Dapat nga ba akong maging masama dahil
puro pangit ang mga nangyayari sa buhay ko at madalas ako pa ang ginagawan ng
masama?
Sa kabilang banda, naririnig ko ang mga magagandang
salita at payo mula sa aking ina at kay Lola Esme. Hindi nila gustong
mapariwara ako. Nais nilang maging matatag ako sa mga pagsubok.
Nasa kainitan
na ang araw. Masakit na sa balat ng sinag nito. Pero, hindi ko iyon ininda.
Wala akong kapera-pera sa bulsa. Kaya, isang parusa ang paglalakad ko patungo
sana sa bahay ng pinakamalapit kong kasamahang guro. Mas malapit kesa sa hospital
na pinagtratrabahuhan ni Lea May. Mapapalayo naman ako ng husto kong sa bahay
ko siya pupuntahan. Kaya, sa kalagitnaan ng aking pagpuprusisyon ay nauhaw at
nagutom ako. Wala pa akong kinain, simula pa nang naglasing ako. Isinuka ko nang
lahat.
Naglakad
uli ako. Painot-inot.
Sa daan,
naghahanap ako ng gripo. Wala akong mahagilap. Nakakainggit pa ang mga inuming
hawak ng mga nakikita ko. Natakam din ako sa mga amoy ng pagkain sa mga food
chain na nadaanan ko. Ngunit, hanggang amoy at takam na lang ako.
Gusto nang
lumawit ng dila ko. Nagproprotesta na rin ang mga alaga ko sa tiyan. Ang
malala, nawawala na ang katinuan sa utak ko.
Pumasok
ako sa isang grocery store. Patago kong binuksan ang isang supot ng hopia
monggo at sinubo ko nang buo. Nginuya ko, habang nagkukunwaring nagbabasa ng
mga label. Sumubo pa uli ako.
Nakaapat
na piraso ako nang bigla akong damputin ng security guard. "Huli ka!
Sumama ka sa akin!"
"Teka... teka!... B-bakit?" Halos ‘di ako
makapagsalita dahil ‘di pa ako tapos lumunok.
"Nanginain ka
pa, ha! Magbayad ka!" Pinagtinginan ako ng mga namimili. Nakakahiya.
"Bitiwan mo ako, Sir! Magpapaliwanag ako..."
"Sa
opisina na po kayo magpaliwanag. Nandoon po ang monitor ng CCTV. Manood ka
muna."
Sobrang kahihiyan ang inabot ko. Wala akong rason.
Hindi ko masabing "Babayaran ko naman, e." Kasi, wala naman akong
pera. Wala na rin ang relo ko. Sapatos, pantalon at damit lang ang maibibigay
kong kabayaran.
"Ayaw
namin ng sapatos mo. Ayaw din namin ng pantalon at damit mo dahil hubo't hubad
kang lalabas, kung sakaling ipambayad mo iyan sa amin," wika ng mabait,
ngunit makapangyarihang may-ari ng grocery. "Ang pulang rosaryong iyan ay
sapat na."
"Ha?"
Nagulat ako. Ano bang halaga niyon para sa kanya at iyon pa ang gusto niyang
kabayaran? "Bakit po? Bigay po kasi ito sa akin ni Lola..." Hindi ko
na itinuloy. Hindi naman niya ako mauunawaan. Hinubad ko na lang sa leeg ko.
Kinuyom ko muna sa palad ko. Pumikit ako at nag-usal ng dasal. Humingi ako ng
tawad kay Lola Esme.
"Heto
po..." Iniabot ko sa may-ari ang pulang rosaryo. "Babalik po ako.
Tutubusin ko iyan. I'm sorry po. Hindi naman po akong masamang tao. Biktima
lang din po ako. Salamat!" Tumayo na ako at payukong lumabas ng opisina at
ng grocery. Hindi ko alam kung saan ako pupunta.
Sa isang
iglap, isa na namang kamalasan at kahihiyan ang naranasan ko. Sa apat na
pirasong hopia ay naging magnanakaw ako. Kapag gutom ang umatake, nawawala ang
takot at delikadesa.
Nakalayo
na ako sa grocery store nang maisip ko na niligtas ako ni Lola Esme. Biyaya ang
pulang rosaryo.
No comments:
Post a Comment