Hindi nga ako nag-aksaya
ng panahon. Naghanap ako ng mapapasukan. Nagtanong-tanong ako. Pati ang pinsan
kong natanggap na sa private school sa Payatas ay nahingian ko ng
tulong. Nagpapasok ako sa kaniya, ngunit sabi niya ay wala na raw bakante. Kaya
nagbakasakali ako sa mga diyaryo. Marami naman palang vacancy. Tinawagan
ko nga ang isa sa mga naghahanap ng teacher, na siya namang
pinakamalapit sa amin -- sa Antipolo City. Hindi ko pa man nako-contact
ay may nag-text na sa akin-- si Sir Randy. Kapatid siya ng best friend
ko, si Padi Glenn. Nagtututro siya sa isang private school sa Taguig. Doon din
niya ako ipapasok dahil kailangan ng Math teacher. Dapat sa kaniyang
kapatid niya iyon inirereserba, ngunit dahil mas pinili ng huli ang trabaho sa
isang bangko, sa akin napunta ang slot. Ang laki naman ng pasasalamat ko
sa magkapatid dahil magkakatrabaho na ako.
Dumaan din ako sa written exam,
interview, at demo. Natuwa ang isa sa may-ari ng school sa essay
ko. Noon lang daw siya naka-encounter ng ganoong katumpak na sagot
sa questions nila. Ininterbyu rin niya ako, pati ng isang matandang English
teacher nila roon. Hindi naman ako nagpatalo sa inglesan, kahit graduate
lang ako ng never-heard school. ‘Tapos, nag-demo ako.
Nakakatuwa ang demo ko kasi
tinakasan ako ng dugo sa katawan ko. Putlang-putla raw ako habang nagdi-discuss.
Paano ba namang hindi mangyayari iyon? E, may dalawang pulis ang nag-observe
sa akin. Isa roon ay isa sa mga may-ari. Bale anim silang naroon upang i-evaluate
ang demo ko. At ang verdict... okey naman! Mas okey raw ako kaysa
sa ibang teacher nila.
Hired ako. Tinanggap ko ang
trabaho kahit P4000 lang ang suweldo ko. Alam kung hindi sasapat iyon para sa
pangangailangan ng dalawa kong anak. Batid ko rin na mabibigyan ako ng tutorial
para, at least, maragdagan ang income ko. Bahala na.
Gustong-gusto ko na talagang magamit ang tisa ko.
No comments:
Post a Comment