Followers

Monday, January 6, 2014

PAHILIS 2

Kabanata 2

          Yeheey! Grade one na ako! Sa wakas, matututo pa ako ng ibang uri ng mga guhit, maliban sa pahilis. Pero, teka….

          Dahil sa pagkawala ng aming tirahan, hindi agad ako naipa-enroll ni Ermat. Okey lang! At least, tinanggap pa rin ako ng teacher ko kahit more than three days late na ako. Yun lamang, hiyang-hiya ako habang ini-introduce ako ni Ma’am Lipstick sa harap ng mga kaklase ko.  

          Ma’am Lipstick na lang ang itatawag ko sa medyo may katandaan ko ng guro dahil masyadong mabango ang lipstick niya. At saka nakalimutan ko na ang full name niya. He he!

          May memory gap na marahil ako. Akalain n’yong, isa lang ang naalala kong classmate. Siya si J. Burgos. Di ko alam kong pang-ilang J. na siya. Basta, malusog siya. Mayaman ang pamilya. I should say, isa sa mga mayayamang angkan sa bayan namin noon.  

         Hindi ko siya makakalimutan kasi pinakain niya ako ng mga lumang tinapay, galing sa bakery nila. Isang lunch break iyon. Isinama niya ako sa building, kung saan sila nakatira at kung saan naroon ang negosyo nilang panaderya. Aywan ko kung bakit sarap na sarap ako sa mga tinapay na iyon? Halos may mga amag na nga iyon. Dahil siguro, wala akong baon noon.  

          Malayo ang inuuwian kong bahay kaya pinagbabaon ako ni Mama. E, masyado akong punctual. Atat sa pag-aaral at pakikipagkaibigan. Kaya marahil naiwan ko ang baong inihanda ng aking ina. Saved by the bell naman, binusog ako ni J., habang nanonood kami ng pelikula sa Betamax.. Pero, imbes na magalit, wag ka, nawili akong kasama siya. Mga rich kids kasi ang mga kaibigan n’ya na naging kaibigan ko na rin. Wala sa akin ang salitang “ilang”. Hindi pa ako noon conscious kung mayaman man sila at ako’y pobre lamang. Ang importante sa akin ay magkaroon ng maraming ka-close. Kaya naman ang super crush ko ay naging kaibigan ko rin. Madalas kasi kaming magkakasama nina J. at iba pang di ko alam ang mga pangalan. Pumupunta kami sa house ng barkada naming napakaputi.  

          Ang gustung-gusto ko ay ang part na may kainan. Accommodating pa naman ang mother ng crush ko. Pamemeryendahin niya kami. Sarap! Pagkaing-mayaman, e.  

          Tapos, maglalaro kami sa ilalim ng room namin. Stage kasi ang harap ng aming silid-aralan kaya naka-elevate at may ilalim. Buhanginan ang ilalim niyon. Kahit madilim, ginagawang playground ng halos lahat ng pupils ng Bulan South Central School. At kahit pinamamahayan daw ng white lady, madalas kami doon-- naglalaro ng tumbling-an at iba pa. Pero ang hindi ko pinapalampas ay ang pangangapa ng mga barya sa buhanginan. Ewan ko lang kung nakakamagkano ako. Basta alam ko, ginagawa kong raket iyon. Madalas kasing wala akong baong pera.

          Kawawang pakinggan, pero hindi! Suwerte ako sa ina. Asikasong–asikaso ako. Very neat ang buhok ko kapag papasok. Puting-puti ang uniporme. Pinagbabaon na lang ako ng tira-tirang almusal like pandesal, nilagang kamote o pritong saging.  

         Hindi ako nagrereklamo. Iyon nga lang ay palihim kong kinakain ang baon ko. Iinom ng paunti-unti ng calamansi juice habang nakamasid sa mga maykaya at mayayamang kong kamag-aral. Naiinggit din ako sa kanila kahit paano. Kasi naman, kung hindi sandwiches, chitcheria ang baon nila. Kung di chocolates, mga kendi ang mga nasa bibig nila. Sari-sari. Nakakatakam. Tapos, lalabas pa sila para bumili ng mga paninda ng mga sidewalk vendors. Mga laruan. Bazooka. Cheezum. At kung anu-ano pa.  

         Oo! Naiinggit ako, pero hanggang doon lang iyon, hindi ako nagnanakaw ng baon nila. Nakikiamot siguro pero never kong pinagnakawan ang mga classmates ko. Kahit ang mga gamit nila ay hindi ko pinag-interesan.

         Nagse-self pity lang ako.  

         Wala man lang akong pencil case. Samantalang sila, pagandahan. Ako? Nilalagay ko lang sa bulsa ng knapsack bag ko ang mga lapis ko. Ang mga pambura nila, ang babango. Iba’t ibang kulay, hugis at anyo. Padamihan sila ng eraser. Samantalang ako, kuntento na sa eraser na nasa Mongol ko. Kaya pag pudpod na, laway at daliri na lang ang ginagamit ko. Minsan, rubber band o lastik ang ginagamit ko. Itatali ko lang sa dulo ng lapis ko at presto! Eraser na. Try n’yo.

          Wala akong sharpener. Samantala sila, iba’t ibang sizes. Marami lang akong lapis. Iba’t ibang sizes din. Kasi pinupulot ko ang mga tinatapon o binabasura nilang maiikling lapis. Palibhasa, mayayaman sila at may pambili, hindi nila inuubos ang coal. Pero, favorable sa akin iyon, kasi pag napuputol ang tasa ng lapis ko, may nadudukot akong lapis, kahit maikli na. Sa pag-uwi ko, saka pa lamang matatasahan ang mga napututulan ng tasa kong lapis. Pinatatasahan ko ang mga iyon sa aking ama, gamit ang kanyang matalim na itak.

         Ang Crayola ko, single lang. Samantalang sila, may mga gold at silver pa ang mga crayons nila. Nagkasya na ako sa walong kulay na pilian. Kaya nga siguro, igno ako sa ibang kulay.  

         Gayunpaman, ang karukhaan ko ay hindi hadlang sa pagkatuto. Sa halip, pinagbuti ko na lamang ang performances ko. Madalas akong nakatayo, hindi dahil pinaparusahan ako, kundi dahil nagre-recite ako. Aktibo ako sa klase. Nakuha ko ang atensiyon ni Ma’am Lipstick. Kaya, madalas akong may 100% o very good.    

          Malas lang kasi hindi na binibili ni ama ang mga one hundred ko. Nauunawaan ko rin naman ang sitwasyon.  

         Ang mas malas ay ang di ko na nagawang magpaalam sa aking guro, mga kaklase at mga kaibigan nang biglaan kaming nangibang-bayan. It was before kami nag-recognition day. Hindi ko na tuloy nakuha ang third honors ribbon ko. Nalaman lang namin na third ako. Hindi iyon sabi-sabi, a. Pangatlo talaga ako. Hindi na ako nag-complain. He he!

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...