Followers

Saturday, January 4, 2014

PAGSUBOK (Kabanata 1: Si Lola Kalakal)

          Isang araw, patungo ako sa paaralang pinapasukan ko. Maaga naman akong nakasakay, pero pagdating sa Taft Avenue, naipit ako sa matinding traffic. Nauyam ako sa tagal ng paghihintay, kaya naisipan kong bumaba na lang upang maglakad patungong Mabini.

          Sa aking paglalakad, napansin ko ang matandang babae na naghahalukay sa basurahan. Kinukuha niya ang basurang maaari pang ibenta at pakinabangan.

          Naawa ako sa kanya. Naalala ko kasi ang nanay ko sa probinsya. Ayaw kong danasin ito ng aking minamahal na ina. Nahapis ang aking maawaing puso, kaya nilapitan ko siya. "Magandang araw po!" Malambing ang boses ko. Sapat para hindi niya ikagulat o ikatakot. Tapos, isang matamis na ngiti ang pinakawalan ko, nang lumingon siya sa akin. Hindi man siya ngumiti, alam kong hindi naman siya natakot sa akin.

           "Ano ang atin, apo?" Matanda na talaga ang tono ng boses niya. Ang tantiya ko ay nasa animnapu't walo na siya. Kulu-kulubot na ang kanyang kamay. Halos, puti na ang kanyang mga buhok.
 .
          "Lola, nag-almusal na po ba kayo?" Kaswal lang ang tanong ko. Parang matagal na kaming magkakilala o talagang kami ay maglola.

          "Hindi uso ang almusal sa akin, apo." Matabang. Ipinagpatuloy niya ang pagpili ng mga basura. "Simula nang mabalo ako, dalawang beses na lang akong kumakain sa isang araw. Mas malimit pa sa eklipse ang pagkakataong ako ay nakakakain ng agahan… Kung sinuswerte sa pangangalakal..."

          Mas lalo akong nahabag kay Lola. Hindi agad ako nakaisip ng isasagot. "Ngayon po, makakapag-almusal na po uli kayo. Tamang-tama hindi pa rin po ako kumain." Pilit kong pinapasaya ang tinig ko para hindi siya mailang sa akin. Nais kong ipadama sa kanya na malinis ang hangarin ko sa pagyakag sa kanya upang kumain ng agahan. "Kain po tayo sa Jollibee. Gusto niyo po ba? Libre ko naman po."

          Lumiwanag ang mukha ni Lola. Tila bumata siya ng walong taon, nang ipasilip niya sa akin ang kanyang ngiti. Tapos, nagmadali siyang iligpit ang mga kalat niya. Inakma ko pang tulungan siya, pero sinabi niyang huwag na kasi nakapostura ako. Madudumihan pa raw ako. Maalalahanin siya. Naisip niya pa ang kasuotan ko kesa sa kumakalam niyang sikmura.

          Inalalayan ko na lang siyang tumayo. Marahan at maingat ko siyang pinatayo.

          Medyo baluktot na ang kanyang likod. Mas bumaba tuloy siyang tingnan. "Let's go, Lola!" Nginitian niya ako ng napakatamis. Sinuklian ko siya ng isa ring sakarina. Alam ko, may tiwala siya sa intensiyon ko. Naramdaman ko, na ito ang unang pagkakataong may nang-alok sa kanya ng isang agahan.

          Handa akong lumiban sa klase para lamang mapasaya si Lola. Ito ang unang pagkakataong gagawin ko ito sa aking kapwa. Wala naman akong hangaring masama o anupaman, maliban sa tumulong. Hindi ko rin balak na magpasikat sa social media.

          Hindi niya binigay sa akin ang malaking plastic bag na may lamang mga kalakal o mga recyclable materials. Medyo mabigat din iyon, ngunit ‘di niya ako pinagbigyang bitbitin ko iyon. Inulit niya ang salitang postura. Sobrang maalalahanin niya talaga.

          Tumawid kami ng kalsada, habang hawak ko ang lolang-lola niyang kamay. Ramdam ko ang hirap na pinagdaanan niya sa buhay. Naalala ko ang aking ina. Kumusta na kaya siya? Naalagaan pa kaya siya ng dalaga kong anak? Tumigil na kaya siya sa paghahalaman at pagbubungkal ng lupa?

           "Huwag na tayong sumakay, apo." sabi niya nang akma akong papara ng dyip.

           "Bakit po? Doon po tayo sa Pedro Gil, malayo-layo rin po iyon."

           "Malapit lang ‘yun. Nilalakad ko nga lang ang Sta. Ana." Binitiwan niya ang kamay ko at nagsimula siyang maglakad. Bago ako sumunod, napansin ko muna ang paika-ika niyang paglalakad. Nakapaa rin siya. Ang talampakan niya ay kay itim at nagbibitak-bitak na. Lalo akong naawa sa kanya.

          Naisip ko, nasaan kaya ang mga anak niya? O, may anak kaya siya? May kasama kaya siya sa bahay? Bago, pa nakalingon si Lola, nakahabol na ako sa kanya. Hindi ko na inabot ang kanyang kamay para alalayan sa paglakad. Para kasing nahiya na ako.

          Habang naglalakad kami, tinanong ko siya kung nasaan ang kanyang pamilya. Humangos siya bago sumagot. "Wala na akong pamilya." kaswal lang na tinuran ng matanda. Hindi ko na tuloy alam ang susunod na tanong. Ang nasabi ko lang ay mahabang ‘aah’.

           "Masalimuot ang buhay, apo.. Kailangan mong paghandaan ang buhay at bukas." Matalinghaga si Lola. Hindi ko kaagad naunawaan ang sinabi niya. "Hindi ka makakatakas sa pagsubok ng Diyos. Ngayon, mayroon ka... Bukas... maaaring mawala lahat sa'yo ang mga iyan… sa isang iglap."

          Nanghilakbot ako. Manghuhula ba dati si Lola? Grabe, advance ang kanyang isip.

          Hindi pa rin ako makapagsalita. Parang pinilipit ang dila ko. Gusto kong itanong kung bakit niya sinasabi ang mga iyon sa akin, ngunit ‘di ko maibuka ang aking bibig, hanggang sa magsalita uli siya. Pero, sa tonong garalgal. Hindi ko makita ang mga mata niya, dahil natatakpan ito ng magulo niyang buhok. Alam ko, naiiyak siya. Na-gets ko na. Marami ngang pagsubok na nadaanan ang matanda, kaya niya sinabi ang mga bagay na iyon sa akin.

          "Mayaman ang mga magulang ko dati. Ipinanganak nga raw akong may gintong kutsara sa bibig. Nakapag-aral ako sa pribadong kolehiyo. Nabibili ko lahat ng nais ko. Nakakain ko lahat ng gusto kong kainin. Hindi lang tatlong beses kami kong kumain sa isang araw. Apat. Lima... Nakahiga ako sa malambot na kutson. Nakatira sa magarang bahay. Maraming kaibigang kapwa namin mayayaman. Maraming manliligaw... Pero, bakit ganun, apo? Bakit ganito ako ngayon?" Tumigil siya sa paglakad at pinunasan ang mga luha ng nangingitim niyang mga daliri. At, muli siyang naglakad nang marahan.

          Tahimik na kami at hindi na siya nagsalita hanggang marating namin ang kalye ng Pedro Gil.

         Pinagbuksan kami ng salaming pinto ng guwardiya, ngunit hinarang niya si Lola. Bawal daw ang basurang bitbit niya. Nainis ako sa guwardiya. "Hindi po iyan basura! Pera po iyan!" Ngumisi pa ang sikyung pangit. Ang sarap sipain. "Papasukin mo ba kami, kasama ang pera ni Lola o irereport ko kayo sa..." Bago ko pa matapos ang aking sasabihin ay pinapasok na niya kami.

          Pinaupo ko muna si Lola sa upuang kutson. Sa apatan kami pumuwesto para may lugar ang kanyang kalakal, kaya lang, nagtitinginan sa amin ang mga parokyano. Parang nandidiri sila. Kaya, tinitingnan ko rin sila na tila nagtatanong ako kung ano ang problema nila. Bawal bang kumain sa food chain ang madungis? Tapos, kukunutan ko pa sila ng noo.

          Ang mahalaga, hindi iyon napansin ni Lola. Nakita ko ang kasiyahan niya sa sandaling iyon. Naramdaman ko na napakasaya niya. Hindi niya lang alam, na napakasaya ko rin sa oras na iyon. Hindi man ako nakapasok sa paaralan, nakatagpo naman ako ng tao na may inspirasyong hatid.

         Iniwan ko sa kanya ang bag ko, pagkatapos kong magpaalam na ako'y pipila lamang para makabili ng pagkain. Hindi ko na siya tinanong kung ano ang gusto niyang kainin.
         
           Nang nasa pilahan na ako, nagkatinginan kami. Nginitian niya ako. Sinuklian ko siya ng mas matamis na ngiti. Alam kong marami siyang pinagdaanang hirap sa buhay, kaya sa paraang ito ay mapawi ko man lang ang kanyang gutom.

          "Kain na po tayo, Lola!" Masaya kong nilapag ang tray ng mga pagkain. Nakita kong bumilog ang mga mata niya at kiniskis pa ang mga palad na animo'y may alcohol.

          "Apo, pasensiya ka na… madumi ang kamay ko.." Nahiya siya nang kaunti.

           "Halika po, huhugasan ko po ang mga kamay ninyo doon." Tapos, niyakag ko siya.

        Ako ang nagsabon at nagbanlaw sa mga kamay niya. Ramdam kong muli ang mga ugat at guhit ng kanyang hirap na pinagdaanan. Hindi ko maalis sa aking isipan ang aking ina, habang marahan kong hinahaplos ang bawat sulok ng daliri ni Lola. Naalala ko ang aking butihing ina, habang hirap na hirap sa paglalabada, makatapos lamang ako ng pag-aaral. Pareho sila ng mga kamay, naisaloob ko.

          "Salamat, apo! Parang hindi ako sanay ng ganito kalinis ang mga kamay ko." Tumawa si Lola nang napakasarap. Nahawa ako, kaya pinagtinginan uli kami ng mga naroon. Wala akong pakialam.

        Inabot ko na sa kanya ang hot chocolate. "Mainit po talaga siya, Lola. Ingat po." Pinagbuksan ko siya ng burger at iniabot ko sa kanya ang spaghetti.

      "Thank you." Ngumiti uli siya, bago siya humigop ng mainit na tsokolate. Hinalo na rin niya ang spaghetti. Saka lamang akong nagsimulang kumain.

        "Lola, paano po kayo naging..." Hindi ko alam kung ano ang tamang salita na hindi siya mao-offend. "Sabi niyo po kasi, mayaman kayo dati. Bakit po? Ano pong nangyari? Pwede ko po bang malaman?"

      Hindi ako nagsalita habang nagkukuwento si Lola. Sinisingit-singit niya rin ang pagsubo at paghigop. Mabagal siyang magsalita at kumain. Pero, ayos lang hindi naman ako nagmamadali. Pinakinggan ko siya, habang ako rin ay nag-aalamusal.

        Wow! Kakaiba ang istorya ng buhay niya. Hindi ko akalaing makakakilala ako ng isang katulad niya sa hindi inaasahang pagkakataon at lugar. Marami na akong nakilalang tao. Pero, siya ang kumurot ng husto sa aking puso.

        Si Lola pala ay isang guro. Sampung taong siyang nagturo sa isang pampublikong paaralan dito sa Maynila. Nakapag-asawa siya ng isang jeepney driver, na kalaunang lumimas sa kanyang minanang ari-arian. Pagkatapos niyon, namuhay siyang mag-isa. Na-depress. Nagpakalango sa alak at sa bawal na gamot. Napabayaaan niya ang pagtuturo, hanggang natanggal siya sa serbisyo. Bago pa siya, nakabangon ay huli na ang lahat. Hindi na siya matanggap sa bawat aplayan niyang paaralan.

         Wala na siyang pera. Nawalan na ng mga kaibigan. Nagpalaboy-laboy na lamang siya dahil wala siyang pang-upa. Sinubukan niyang maghanap ng ibang trabaho. Sa karinderiya. Sa palengke. Namasukan bilang katulong. Hindi rin naman siya nakabangon, bagkus lalo siyang hinila ng kapalaran pababa. Pinagsamantalahan lamang siya ng kanyang among lalaki. Kaya, umalis siya. Gustuhin man niyang magsuplong ay hindi na niya ginawa. Naisip niyang umuwi ng Davao upang makasama ang kaisa-isa niyang kapatid, pero naisip niya ang kahihiyan. Nahihiya siyang malaman ng kapatid niya ang sinapit niya.

          Hindi siya umuwi. Nagpatuloy siya sa paglaboy. Kung saan-saan siya natutulog. Nalilipasan siya ng gutom. Nagkasakit siya sa tabi ng gusali. Walang tumulong. Walang nagbigay ng awa. Gusto na niyang mamatay noon. Gusto na lamang niyang kitilin ang sariling buhay, pero ‘di niya ginawa.

          Isang lalaking nagbabasura ang nakapansin sa kanya na nagdedeliryo. Kaya, agad siya nitong isinakay sa kanyang kariton. Inalagaan siya ng lalaki, hanggang sa gumaling siya.

          Sa madaling sabi, nagsama sila. Umibig siya sa lalaking mambabasura, dahil sa utang na loob niya dito. Malaki man ang agwat ng edad nila ay hindi na niya iyon pinahalagahan. Ang mahalaga sa kanya ay ang pagmamahal at respeto sa kanya ng lalaki. Nais din naman niyang magbagong-buhay  at maranasan ito sa pinakasimpleng paraan.

      Namuhay sila nang masaya sa kabila ng payak na pamumuhay at sa kabila ng kawalan ng sariling anak. Sabay silang nangangalakal. Sabay at punung-puno ng pag-asa nilang tinutulak ang kariton, umaga't hapon. Tinatahak nila ang buong Kamaynilaan sa paghahanap ng tambak ng basura.

          Maligaya sila sa ganoong pamumuhay. Kariton ang bahay. Pinupulot ang pagkain. Kinakalkal ang pagkakaperahan.

       Limang taong taon silang nagsama sa de-gulong na tahanan, hanggang sa bawian ng buhay ang kanyang kabiyak, dahil sa pneumonia. Labis ang dalamhati niya sa pagkawala ng asawa. Halos, sisihin niya ang Diyos. Kung kelan siya namumuhay nang simple, saka naman siya pinarusahan nang husto. Naitanong niya nga, wala ba siyang karapatang lumigaya?

          Umiiyak na si Lola. Hindi na siya makakain. Malamig na ang tsokolate. Nakalahati pa lamang niya ang burger at spaghetti. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Nakaagaw na kami ng atensiyon. Kaya, inalo ko siya at pinatahan. Hindi naman agad naputol ang mga luha niya.

          Pinabalot ko ang mga tira niyang pagkain. Umorder pa ako ng fried chicken at kanin para ipabaon kay Lola.

          "Ihahatid ko na po kayo, Lola."

          "Wag na, apo. Sapat na ang kabutihang dulot mo sa akin ngayon. Maraming salamat! God bless you!" Nginitian niya ako, pero this time, medyo malungkot na ngiti. Pilit na ngiti.

         "Walang anuman po. Sana po, ingatan po ninyo ang sarili niyo. Huwag po kayong magpalipas ng gutom."

         Hindi na siya nagsalita. Tiningnan niya lang ako sa mata. Matagal siyang tumitig sa akin. Tapos, hinalungkat niya ang plastic bag. Nilabas niya ang isang pulang rosaryo. "Huwag mong kalimutang magdasal at magpasalamat sa Panginoon." Isinabit niya ito sa aking leeg at lumabas na siya ng food chain, bitbit ang kalakal.


          Tiningnan ko siya hanggang siya ay di na maabot ng aking tingin. Saka ko lang naalala, hindi ko pala naitanong ang pangalan niya. Kaya, bumalikwas ako palabas upang habulin siya, ngunit hindi ko na nakita si Lola Kalakal.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...