Followers

Tuesday, January 7, 2014

ANG TISA NI MAESTRO 1

 

         Napakasuwerte ko nga raw sabi ng iba dahil nakapasa ako agad sa Licensure Examination for Teachers (LET). Kahit nga naman 30 units lang sa Education ang nakuha ko, nasungkit ko pa rin ang tagumpay, na hindi naman nakamit ng mga kaibigan at mga kasabayan kong nag-take.

         Ewan ko ba! Parang gusto kong maniwala sa tsamba! Ni hindi ako nag-enroll sa review class. Nag-self-study lang naman ako. Bumili ng sariling reviewer. Nanghiram pa. Kumopya rin ng mga info sa mga reviewers na hiniram. Nagbasa at nagsulat nang nagsulat. Higit sa lahat, nagmakaawa sa Maykapal.

         Pangalawang kurso ko na kasi ito. Nakakahiya kina Papay Benson. Sayang ang pagtitiwala nila sa akin. Sayang ang perang pinagpapaaral sa akin. Sayang din naman ang mga pagod ko sa pagbibilad ng palay at iba pang gawaing bahay at gawaing palayan, kapalit sa pagpapaaral sa akin. Nakakahiya rin kay Auntie Vangie dahil sa kaniya ako nanghiram ng pambayad sa examination fee. Andiyan din ang kahihiyan sa aking mga biyenan dahil iniwan ko sa kanila ang asawa't mga anak ko nang wala man lang suportang nanggagaling sa akin. Inunawa nila ang kakulangan at pangarap ko.            

         Ang sabi naman ng aking ina, regalo raw ito ng Diyos sa akin dahil taos-puso ko siyang sinamahan sa pagpapaopera ng kaniyang nabulag na mata. Totoo nga marahil. Totally blind siya noon nang tumungo kami sa isang eye center para humingi ng cornea. Hindi ako noon nagreklamo at nakaramdam ng pagkainis. Inalagaan ko siya hanggang sa lumakas-lakas ang kaniyang katawan.

         Paano ko ba namang hindi masasabing blessings ito ng Panginoon sa akin? Eh, pagkatapos mismo na mailipat kay Mama ang cornea ng isang hindi namin kilalang taong namatay na, ay saka ko naman natanggap ang isang text message mula sa aking kaklase. Binati niya ako. Nakapasa raw ako sa LET. Halos walang mapaglagyan ang tuwa ko sa dibdib. Doble ang suwerte namin ng mga panahong iyon. Tagumpay na ang operasyon ng aking ina. Tagumpay pa ako sa eksaminasyon sa pagkaguro.           

         Ito na ang matagal ko ng panalangin sa Diyos. Hindi Niya ako binigo. Hindi Niya ako pinahiya sa mga taong matataas ang expectation sa akin. Napatunayan ko pang kaya ko palang ipasa ang LET. Pero hindi ako nagsisisi kung bakit hindi ang kursong Edukasyon ang first choice ko. Marahil, tinuruan lang Niya akong magpakatatag at maging matiyaga.  Sulit naman ang pagpupunyagi ko dahil marami akong natutuhan sa bagay na iyon. Marami akong pagsubok na nalampasan. Marami rin namang magagandang alaala, na nabuo sa aking isipan.             

         Salamat sa lahat ng mga tumulong sa akin. Kay Papay Benson, Mama Leling, Ate Quennie, Aileen, Kuya Jape, Auntie Vangie, Mary Jane, Mama, sa aking mga naging propesor, at sa aking mga naging biyenan, ang aking pasasalamat ay walang hanggan para sa kanila. Hindi ko ito natamo kung hindi dahil sa kanila.             

        Ngayon ko na magagamit ang tisa para sa pagpapalaganap ng karunungan.


No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...