Followers

Friday, January 10, 2014

ANG TISA NI MAESTRO 5

          Hindi ko alam kong paano ko nagpagkasya ang apat na libong piso sa pangangailangan namin. Dalawa ang aking anak. Although parehong hindi pa nag-aaral, ay malaki ang ginugugol ko sa pagkain, gatas, gamit, damit, at diapers nila. Idagdag pa ang gamot dahil madalas may sakit ang magkapatid. Hindi ko alam kung paano nagkasya ang kakarampot na kita sa sandamakmak na gastusin. Mahusay lang siguro ako mag-budget. Sabagay, todo tipid ang ginawa ko noon. Nakikihati ako sa pagbili ng ulam. Kung thirty ang isang order, tig-kinse kami. Dadamihan ko na lang ang kanin at tubig para mabusog. Suwerte nang maituturing kapag may birthday sa school. May kainan. Makatitipid ako ng isang meal. Hindi na rin ako madalas umuwi sa Antipolo para iwas-gastos. Nagpapadala na lang ako.           

         Mahal na mahal ko ang mga anak ko kaya nagtiis ako sa ganoong sitwasyon. Ilang buwan iyon, bago ko naramdamang hindi na pala okey ang relasyon naming mag-asawa. Oo, maasikaso siya tuwing umuuwi ako sa bahay nila. Ramdam ko ang tiwala, pang-unawa, at pag-aruga niya at ng kaniyang pamilya. Nguni ramdam ko rin ang lamig ng pagmamahal sa akin ng ina ang aking mga anak. Naramdaman ko kung paano siya magtago tuwing magri-ring ang kanyang telepono. Alam kong may ngiti ang labi niya kapag may nagte-text sa kaniyang iba. Alam kong may textmate siyang lalaki...           

          Sadyang napakatahimik ko nga talaga. Hindi ako nag-react. Hindi ako nag-iba ng pakita. Umuuwi pa rin ako at nagbibigay nang ayon sa aking kinikita. Iniintindi ko ang mga panganagilangan ng aming mga anak. Magkatabi pa rin kaming matulog kapag naroon ako sa tahanan ng aking mga biyenan. Inaasikaso pa rin niya ako. Subalit hindi na kami nagkukuwentuhan gaya ng dati. Hindi na siya interesado sa mga nangyayari sa buhay-guro ko. Mas abala siya sa pakikipag-text sa hindi ko kilalang nilalang sa mundo.           

          Oo, hindi siya pabayang ina, pero madalas na may lagnat ang mga bata, kundiman ay ubo't sipon. Ang katiting na sahod ko ay mauuwi lamang sa bulsa ng mga doktor at sa kaha ng mga drugstores. Ang pagkakasakit ng mga bata ay parusa dahil sa sikreto niya.           

          Tahimik pa rin ako. Noong nasugod sa doktor ang dalawang bata, umuwi ako at nag-cash advance. Wala siyang narinig na anomang paninisi mula sa akin. Naniniwala rin kasi ako na ang gingawa niya ay hanggang doon lamang. Hindi niya maaaring iwanan ang mga bata upang siya ay umalis at makipagkita sa lalaking kinalolokohan sa text. Sabi ko, magbabago rin siya.           

         Pagkatapos niyon, siya naman ang nagkasakit. Inisip ko na karma na iyon. Pero hindi ako nagpakita ng pagkatuwa. Ayaw kong may sakit siya dahil malamang mapababayaaan niya ang mga bata. Siya lamang ang nag-aasikaso sa dalawa. Kaya dumalangin pa rin ako sa Diyos na sana gumaling na siya. Hindi ako pinakinggan ni Hesus. Lumala kasi ang lagnat niya. Nagsusuka na raw. Dahil dito, walang mag-aalaga sa mga bata. Kaya kahit ayokong umuwi, napilitan ako. May dala rin akong kaunting pera. Sinamahan ko siya sa doktor. Pinasuri namin ang ihi niya. Napag-alaman naming may severe UTI siya.

Hindi ganoon kalaki ang nagastos ko ng araw na iyon. Pambayad lamang ng pamasahe at urinalysis ang nagastos ko pero nagsisi ako kung bakit pa ako umuwi. Oo, umuwi ako hindi dahil may sakit siya, umuwi ako dahil sabi ng biyenan kong babae ay walang mag-aalaga sa mga anak ko. Naawa akong isipin na mapababayaan sila.       

         Sana hindi na lamang ako umuwi. Hindi ko sana nabasa ang mga kaharutang ginawa niya sa text.       

        Sapat na siguro ang mga nabasa ko para magdesisyon akong itigil ko na ang pagmamahal ko sa kaniya. Pinalaya ko na siya pero hindi ako tigigil ng pagmamahal ko sa aking mga supling. Uuwi pa rin ako sa bahay nila ngunit magbubulag-bulagan ako sa katotohanan.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...