Followers

Saturday, January 4, 2014

IDOLO 2

SI PAPA
Froilan F. Elizaga

        Nagmadali akong umuwi sa bahay para agad akong makapagpaalam kay Lola. Gustong-gusto ko ng mayakap si Sir Gallego, na akin pa lang ama. Matagal na akong naghangad na magkaroon ng isang ama. Kinainggitan ko nga ang mga kaklase kong hinahatid-sundo ng kanilang tatay.
        Ngayon, may tatay na ako. Binigay nga sa akin ng Diyos ang aking hiling, ngunit sa ganitong sitwasyon pa. Mabuti na lang ay naging mabuting guro sa akin si Sir...si Papa.
       Gayunpaman, maligayang-maligaya ako. Walang mapagsidlan ang aking kasiyahan.
       Malapit na ako sa bahay. Nakikita ko na si Lola na nagdidilig ng kanyang mga alagang orchids.
       "Lola, kilala niyo po ba noon pa si Sir Gallego?" Nagulat ang lola ko. Muntik na akong madiligan. "Bakit di po ninyo sinabing siya ang tatay ko? Bakit niyo po nilihim sa akin?" Naluluha na naman ako.
       "A..apo? Ano bang sinasabi mo? May lagnat ka ba? Sinong naghatid sa'yo? Halika, uminom ka ng gamot.."
       "Wala po akong sakit!" Oops. Tumaas yata ang timbre ng boses ko. "Sagutin niyo po ako." Nilapag ko ang bag ko sa upuang nasa tabi ng pinto at pumasok ako ng bahay. "Lola, tatay ko pa ang sir ko! Alam niyo po ba ito?"
        "Hindi ko alam yun, apo. Sino ba ang nagsabi sa'yo? Si Sir Gallego ba?" Parang hindi naman seryoso ang lola ko. Iniisip pa rin niya na nilalagnat ako at nagdedeliryo.
        Di na ako sumagot. Umakyat ako. Sinundan niya ako ng tahimik. Pagdating ko sa taas, nagsara ako ng pinto. Nagbihis ako ng pang-alis. Napakabilis kong kumilos. Nakalabas agad ako after 3 minutes.
        "San ka pupunta?" Sinipat-sipat pa ako ni Lola. "Isputing ka ah." Tapos, hinipo pa niya ang noo ko. "O, wala ka naman palang lagnat eh. Nag-cutting ka, Roy?!" Galit na si Lola.
         "Lola, nagtatanong ako, hindi niyo po sinasagot. Aalis po ako kasama ang mga guro ko. Nasa ospital si Sir Gallego." At para walang away, hindi na ako nagtaas ng boses. Nilambing ko na lang siya. "La, pahingi ng pocket money." Sabay he he.
         "Ang damuhong ire! Ispoyld!" Kung anu-ano pa ang sinabi niya. Paulit-ulit. Di ko na lang inintindi. Basta ang mahalaga, binigyan niya ako ng isandaang piso. "Tiwala ako dahil kasama mo ang mga teachers mo. Wag kang pasaway doon."
          "Oo naman po, gwapo lang po ako, pero hindi po ako pasaway."
          Ngumiwi lang si Lola. "Andami mong drama, may nalalaman ka pang tatay mo si Sir, gusto mo lang pala maglakwatsa. Hala sige, layas na. Mag-iingat lang kayo."
          Hindi na ako nagsalita. Naisip ko kasi na hindi nga siguro alam ni Lola na ang tatay ko ay ang aking guro.
          Hindi pa nakauwi ang mga kaklase ko may nasa school na ako, kaya hindi muna ako nagpakita sa kanila. Nagtago ako sa CR.
          Excited ako ng husto. Nakakainip ang bawat segundo. Kung malapit lang sana ang hospital ay nauna na ako. Isa pa, hindi ko rin alam kung saang hospital sa Quezon City.
          Alas-singko na kami nakaalis ng paaralan. Antagal kasing maglinis ang mga kaeskuwela ko. Na-traffic pa kami.
          Pasado-alas 7 na kami nakarating sa St. Luke's Medical Center. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Halu-halong emosyon. Lungkot. Saya. Kaba.
          Nahanap namin ang private room ni Papa pagkatapos naming maligaw.
          Hindi ko agad narinig ang tawag sa akin ni Sir Colima. Nakatulala ako. "Pasok na , Roy."
          Pumasok ako at tumambad sa akin ang aking ama. Tumulo kaagad ang mga luha ko. Gusto ko na siyang lapitan at yakapin. Natutulog siya, kaya hindi ko ginawa.
          Wala doon ang doktor. Wala ring nurse. Naroon lang ang babaeng kapitbahay daw ni Papa. Tinanong ni Mam Velasco ang babae kung ano ang nangyari at ano ang sabi ng doktor.
          Na-stroke ang Papa ko. Ikatlong beses na pala ito. Ang unang dalawa ay mild lang. Ngayon, si Sir Gallego ay nasa malalang kondisyon. Naiba ang anyo ng mukha. Sumaliwa ang mga labi.
           "Sabi po ng doktor, apektado po ang kanyang left brain. Nagkaroon din po siya ng dis..disteria..Basta parang ganun!" sabi ng babae.
           "Ano daw ang epekto nun kay Sir?" si Sir Colima.
           "Speech problem po."
           "Ah, dysarthria! How about his cognitive? Apektado daw ba?" Matalino talaga si Sir Colima, lalo na pagdating sa health.
           "Ano po yun?!" Inosenteng tanong ng babaeng nagmagandang loob sa aking ama. Marahil ay hindi niya talaga alam ang salitang cognitive. Narinig na iyon, pero hindi ako sigurado.
            "Iyong isip o memory, apektado daw ba?" Napa-aah ako sa isip.
             Nalungkot ang babae. "Opo, Sir!"
             Nahapis ang puso nina Sir at Mam. Tiningnan ako ni Sir Colima. Inakbayan ako palapit sa kanya. "Hintayin natin siyang magising, Roy." Tumango na lang ako.
             Halos, kalahating oras kaming walang kibuan. Tanging ingay sa telebisyon lamang ang maririnig sa tahimik at malamig na room ni Papa. Titig na titig ako sa mukha ng aking ama. Ibang-iba na ang mukha niya. Parang natatakot ako. Pero, gustong-gusto ko na siya talagang lapitan. Hindi ko lang magawa. Nahihiya akong gawin iyon.
             Pumikit ako para umidlip.
             "Roy.." isang marahang tapik pa ang ginawa sa akin ni Mam Velasco, may hawak siyang pagkain."Kain na tayo."
Hala, nakatulog pala ako. Hindi pa rin gising ang Papa ko.
             Habang kumakain kami, gumalaw ang kaliwang kamay ng ama ko. At, dumilat.
             "Sir, andito po ang nga co-teachers niyo."sabi ng bantay.
             Tiningnan niya kami isa-isa. Inakma pa niyang itaas ang kanang kamay niya sa direksyon namin, pero nabigo siya. Umungot na lang siya. Nakita ko kung paano siya nahirapang magsalita. Nalungkot ako ng sobra.
             Kinuha ni Sir Colima ang kamay ko para patayuin ako. Tapos, lumapit kami sa kama ni Papa. "Sir, nandito ang anak mo!" Masaya ang pagkasabi ni Sir. Tiningnan naman ako ni Papa. Hindi ko alam ang reaksyon ko. Ganoon pala ang pakiramdam na makaharap mo na ang iyong ama pagkatapos mong mawalay sa kanya sa mahabang panahon.
             Umiwas ng tingin si Papa. Binuka-buka niya ang kanyang bibig pero walang lumabas na salita mula dito. Inulit ni Sir Coloma ang sinabi niya. Pero, this time, inabot niya ang kamay ni Papa at kamay ko. Pinaghawak sa akin. Naramdaman ko ang kakaibang kalambutan ng kamay niya. Parang tubig ang laman. Kakaiba.
             Tila, napipi ako. Gusto kong sabihing "Papa, magpagaling na po kayo. Gusto ko na po kayong makasama." Ngunit, hindi iyon ang nasabi ko. Sabi ko lang, "Sir.."
              Lumapit na rin ang iba ko pang guro.
              "Kumusta ka na, Sir" wika ni Mam Velasco.
              Tiningnan uli sila ni Papa. Isa-isa. Tapos, kumunot ang noo niya nang dumako ang tingin niya sa akin. Nalungkot ang puso ko. Bakit ganun? Hindi ko maintindihan.
              "Si Roy po. Alam na niya na ikaw ang Papa niya." Si Sir Colima uli. Masaya pa rin ang boses niya.
               Kumibot-kibot ang mga labi ni Papa. Saka, umiling-iling. Naunawaan ko siya. Hindi niya ako anak. Bumagsak ang kasiyahang kanina lamang ay nasa rurok. Gusto kong lumabas.. umuwi..
               Inakbayan uli ako ni Sir Colima. Lumabas kami. "Wag kang malungkot, Roy! Anak ka ni Sir."
               "Nagkakamali lang po kayo, Sir. Hindi niya ako anak.." Umagos na ang mga luha ko.
               "No! Bahagi lang iyon ng epekto ng atake niya. May cognitive problem siya ngayon. Hayaan mo, makikilala din niya tayo. Unawain mo muna siya ngayon.. Anak ka ni Sir. Sigurado kami."
               Hindi na ako kumibo. Hindi pa rin ako naniniwala. Hindi niya ako anak! Nagkakamali lang sila. Kung anak niya nga ako, bakit hindi alam ni Lola? Bakit nilihim pa nila sa akin? Naalala ko pa ang pangalan ng ama ko sa birth certificate ko ay hindi si Sir Gallego. Kaya, imposible.
               Para akong dinagukan ng sampung malalaking tao. Ang sakit sakit. Napahiya ako. Mas mabuti pa noong hindi pa nila sinabing tatay ko si Sir ay napakataas ng tingin ko sa kanya. Ngayon, bumaba na. Nagagalit ako sa kanilang lahat. Mga manloloko sila! Mga sinungaling!
               Hindi ako kumibo hanggang sa nakauwi ako ng bahay. Hinatid naman nila ako pero pakiramdam ko, umuwi akong mag-isa. Panay nga ang explain nila sa akin pero di ko sila pinapansin. Hiniya nila ako. Ano na lang ang sasabihin sa akin ng mga kaklase ko? Ano pang mukha ang ihaharap ko sa kanila?
               Hindi ako pumasok ng buong isang linggo sa kahihiyan. Hindi ko kayang marinig ang mga kantiyaw at pang-aasar sa akin ng mga kaklase ko. Alam ko, mapipikon lang ako at makakapanakit. Pinapunta ko naman ang lola ko sa eskuwelahan kaya sana naintindihan nila.
                Pagpasok ko. May kaunti pa rin akong hiya na nakatago sa puso ko. Naiinis pa rin ako sa mga guro kong nanloko sa akin. Hindi ko pa sila napapatawad. Hindi pa naibabalik ang respeto ko sa kanila. Gayunpaman, hindi ko sila binabastos. Hindi na nga lang ako, nakikipagtalakayan sa klase. Hindi na ako umaktibo. Parang napagod ako at nabobo. Ayoko na sanang mag-aral pero dahil graduating na ako, kailangan kong pagtiyagaan. Isang buwan na lang naman ay graduation na namin.
              Lumipas ang mga araw. Medyo, nanumbalik ang sigla ko sa klase. Unti-unti ko ng natatanggap ang nangyari. Hindi ko na rin nariringgan ng panunukso ang mga kaklase ko. Wala na rin akong balita kay Sir Gallego. Naisip ko nga, tuluyan na siyang nagretiro.
              Mabuti na rin iyon, para hindi na kami magkita.
              Mas bumilis ang araw. Graduation month na. Nagsimula na akong magmememorize ng valedictory address na itatalumpati ko sa aking pagtatapos.
              Araw ng pagtatapos. Hindi ko ramdam ang okasyon. Para akong namatayan. Kung gaano kasasaya ang mga kaklase at kabatch ko, kabaligtaran naman ang nararamdaman ko. Kung hindi nga lang ako valedictorian ay hindi na ako dadalo sa graduation. Aanhin ko naman ang programang ito kong wala akong magulang na sasaksi sa aking tagumpay. Tanging lola ko lang ang kasama ko sa entablado.
              "Tawagin natin ang ating pinakamahusay na mag-aaral sa taong ito...Roy F. Elizardo!" Narinig ko ang palakpakan ng mga kapwa ko magtatapos, ng mga magulang at mga guro. Pero, hindi ko maramdaman ang kabuluhan ng mensaheng aking bibigkasin ko.
              Bago ko narating ang entablado, nakapagdesisyon na ako. Iibahin ko ang talumpati ko. Gusto kong manggaling sa puso ko ang mga sasabihin ko.
              Binati ko muna ang panauhin pandangal, ang punungguro, ang mga guro, ang mga magulang, mga kapwa ko magsisipagtapos at ang lahat ng naroon, gaya ng kinabisado ko. Tapos, tumigil ako sandali, tumingin ako sa audience. Hinanap ko ang mga guro ko. Tiningnan ko ang lola kong iyak ng iyak.
             "Nais kong humingi ng paunmanhin sa inyong lahat sapagkat hindi ko po kayang bigkasin ang talumpating ipinakabisado sa akin. Hayaan po ninyo akong bigkasin ang mga salitang magmumula sa kaibuturan ng puso ko.."Nagpalakpakan ag karamihan. Simbolo ng kanilang pagpayag. "Salamat po sa inyong pang-unawa."
              Hinagod ko ng tingin ang aking Alma Mater. "Salamat, mahal kong paaralan! Salamat sa ilang taong mong pagkanlong at pagturo ng mahahalagang aral sa buhay. Hindi kita makakalimutan." Sinipat ko naman ang mga kaklase ko at ilan sa mga ka-batch ko."Sa inyong lahat, maraming-maraming salamat. Kayo ang bumuo sa aking kabataan. Nakasama ko sa tawanan, sa lahat ng makukulay na yugto ng pagiging mag-aaral. Sana'y hindi ito ang huli nating pagkikita. Nawa'y hindi ito isang paalam kundi isang simula ng ating mahabang paglalakbay." Nagpalakpakan ang iba kong kaklase. Nag-iyakan ang iba. Mayroon namang naghiyawan. Huminto ako ng saglit upang hanapin naman ang aking mga guro sa Ikaanim na Baitang. Nag-walk out sila bago pa ako nakapagsalita. "Mam Velasco, Sir Gregorio, Mam Plaridel, Sir Galvez at Sir Colima. Alam ko, naririnig niyo ako kahit wala kayo ngayon sa bulwagan. Maraming-maraming salamat po sa inyong lahat. Kayo po ang higit lalo na parangalan sa araw na ito sapagkat kundi dahil sa inyo, wala po kaming lahat dito at hindi po namin mararating ang okasyong ito. Salamat sa pagtuturo ng mga karunungan at kabutihang-asal. Mabuhay po kayo!" Pinasalamatan ko rin ang mga naging guro ko mula sa kinder.
             Hinarap ko naman si Lola. Hindi na siya makatingin sa akin. Naiiyak na rin ako."Lola..tahan na po. Dinaman po kita kalilimutan e. Ito na nga po, pasalamatan na kita." Nagawa ko pang magbiro. Nagtawanan naman sila. "Salamat po ng marami, Lola! Ang pag-aaruga ninyo at walang sawang pag-uunawa ay hindi po kayang tumbasan ng isang pasasalamat lamang. Gayunpaman, nais kitang pasalamatan sa oras na ito. Kung hindi dahil sa inyo ay malamang napariwara na ang buhay ko. Hindi man natin madalas makasama ang aking ina, nariyan ka naman upang alagaan ako. Salamat po! Ikaw po ang tumayo bilang ina at ama ko." Bumuhos ang masagana kong mga luha. Yumuyugyog ang mga balikat ko. Naalala ko kasi si Sir Gallego. Hindi ko pa rin siya makakalimutan. Naniniwala pa rin akong siya ang aking ama.
              Nagpatuloy ako. "Bago ko tapusin ang talumpating ito, nais ko ring pasalamatan ang isang guro, na kahit alam kong wala siya sa panahong ito. Salamat po, Sir Gallego..." Natigilan ako nang makita ko ang si Sir Gallego. Nakasakay siya sa wheel chair, na tinutulak naman ng mga guro kong nag-walkout sa kalagitnaan ng talumpati ko. Bakas pa rin sa kanya ang epekto ng stroke. "Sir Gallego?!" Hindi ko alam ang sasabihin ko. Hindi ko akalaing darating siya sa pinakaespesyal na araw na iyon. "Sir, salamat po. Salamat po sa pagmamahal at sa mga aral. Mahal na mahal po kita."
             Hindi ko na pinalampas ang pagkakataong iyon. Bumaba ako ng entablado at hinagkan ko sa noo si Sir Gallego. Pinilit niyang yakapin ako sa kabila ng kahinaan ng kanyang mga braso. Umiiyak siya. Ngunit narinig kong binigkas niya ang pangalan ko.
             Matagal kaming nagyakap. Pareho kaming umiiyak.
            "A..an..nak.." Nagulat ako sa kanyang tinuran. Bumitaw ako sa pagkakaykap. Tiningnan ko siya. Muli siyamg nagsalita. "A..a..nak, pat..ta..ta..warin.. mo a..a..ko."
             Si Sir Gallego nga ang aking ama. Muli ko siyang niyakap.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...