Followers

Saturday, January 4, 2014

PAGSUBOK (Kabanata 5; Elevator)


       Nasa ospital na ako nang magising ako. Naka-dextrose. Sinasalinan ako ng dugo at may bandage sa kaliwang dibdib. Sabi ng doktor, suwerte raw ako dahil nakaligtas ako sa posibleng kamatayan. Malapit na raw sa puso ang tama ng patalim sa dibdib ko. Muntik na nga raw akong maubusan ng dugo.

          Hindi ko lubos makalimutan ang mga pangyayari, bago ako nasaksak. Nasunog ang condo unit ko. Naholdap pa ako, habang papunta ako sa bahay ng kaguro ko upang doon sa kanila ako magpalipas ng magdamag. Tapos, nanlaban ako sa holdaper at naidala namin sa pulisya. Ngunit, sa kasawiang-palad, nasundan ako ng dalawa pang kawatan at ako'y sinaksak. Kay saklap ng dinanas ko. Hinding-hindi ko ito makakalimutan.
          Simula nang makilala ko si Lola Kalakal, sunod-sunod na kamalasan ang dumating sa buhay ko. Ayaw kong isiping may dala siyang sumpa sa buhay ko. Isa siyang biyaya sa akin. Hindi siya sumpa. Hindi siya ang may gawa ng mga trahedya sa buhay ko. Nagkataon lang ang mga iyon.

       Dalawang buwan akong hindi nakapasok sa paaralan. Alam naman nila ang nangyari sa akin, kaya may trabaho pa rin naman akong babalikan. Ang hindi lang nakakaalam nito ay ang aking ina at anak. Ayaw kong malaman nila ang mga nangyari sa akin. Tiyak kasi akong mag-aalala sila, lalo na si Mama. Kukulitin na naman sigurado ako niyon at sasabihin na sa probinsiya na lang kasi ako magturo. Ayaw ko. Hindi pa ako handang manatili sa lugar ng aking kabataan. Saka na lang.

          Hindi ko nga lang alam kung paano o hanggang kailan ko ililihim sa aking ina ang pagkasunog ng aking tirahan. Maaari kong itago na lang ang muntikan kong pagkamatay, pero ang pagkaabo ng aking unit ay hindi ko habambuhay na maitatago. Kaya, ngayon pa lang, magsusumikap na akong makaahon.

          Bahagi ng pag-ahon ko ay ang pagtanggap ko ng pag-ibig. Naisip ko, siguro ay kulang lang ako sa inspirasyon. Kailangan ko ng kalakip sa buhay. Kaya, muli kong binuksan ang puso ko. Umibig ako sa nurse na nag-alaga sa akin noong ako ay naka-confine. Alam ko, inibig niya rin ako.
         Siya si Lea May. Maganda siya. Pero, hindi lang iyon ang nagustuhan ko sa kanya. Minahal ko siya dahil tanggap niya ako, pati ang nakaraan ko. Handa siyang maging nanay sa anak ko.

         Mabait siya at maalaga. Noon ko lang naramdaman ang ganoong pag-aaruga mula sa isang babae, maliban sa pag-aaruga at pagmamahal sa akin ng aking ina. Siya lamang ang nakapagbigay niyon sa akin. Kahit sabihin pang trabaho niya ang alagaan ako bilang pasyente, nakita at nadama ko ang tingin niya sa akin. Minsan nga ay nagkunwari akong natutulog. Pinakiramdaman ko siya. Matagal siyang nakatayo sa harap ko nang hindi kumikilos at walang ginagawa. Nang bigla akong dumilat, nahuli kong nakatitig siya sa akin. Agad niyang nilayo ang kanyang tingin at nagkunwari ring may hinahanap sa bulsa.

         "Nurse May... masakit ang dibdib ko." Nagkunwari uli ako. Hinipo ko pa ang dibdib ko, kung saan ako may sugat.

   Nataranta siya. "Ha, ah… e… saan? Teka..." Tapos, nilapitan niya ako at akmang itatalilis ang aking lab gown para makita niya ang sugat ko.

  "Sabi ni Dok, hindi daw natamaan ang puso ko..." Kunwaring naninisi ako.
          "Opo, hindi po natamaan ang puso mo... Daplis po." Pilit siyang ngumiti nang nakakainlab. Lalo akong naakit sa kanya. "Tingnan ko ha... Pwede ba?"

      Hinawakan ko ang kamay niya nang akma niyang tatanggalin ang bandage ko. "Tinamaan ako... Mali si Dok." Ngumiti rin ako. Hawak ko pa rin ang kamay niyang napakalambot at kutis-porselana. Hindi rin naman niya binawi. "Tinamaan ako… sa'yo. I think I'm in love with you." Nagseryoso ako para maniwala siya sa akin.

        "Sir?" Binawi niya na kanyang kamay at umatras siya nang bahagya.

          "Salamat! Salamat, May, sa pag-aalaga mo..."

          "Trabaho ko pong alagaan ka… ang lahat ng pasyente."

  Tumango ako. Nginitian ko uli siya. "Ikaw ang inspirasyon ko, kaya gustong-gusto ko nang gumaling. Hinihiling ko nga na sana ikaw lagi ang nurse ko. Kaya lang, hindi pwede dahil shifting kayo."

        "Tama po kayo, Sir." Binigyan niya ako ng gamot na iinumin at inabutan ng isang basong tubig. "Magpagaling po kayo, Sir. Alam ko namimiss ka na ng mga estudyante mo… saka ang misis mo."
         "Wala akong asawa, May. Magpapagaling ako para sa mga estudyante ko at para sa'yo." Nakita kong nag-blush siya, kaya pinagpatuloy ko. "Kung maaari lang akong magpadischarge ngayon, gagawin ko para masimulan na kitang ligawan. Minsan lang akong magmahal. Salamat, napadpad ako sa hospital na ito dahil nakilala kita. Maaari ba kitang ligawan?"

      Tumawa si Nurse Lea May. Hindi naman iyon isang kabiguan. Nakita ko nga na may pag-asa ako. "Bolero rin pala ang mga guro." Tumawa uli siya. Halos mawala na ang mga mata niya. Ang cute niya talaga. Lalo akong nabighani sa kanya.

       Inulit ko, "Pwede ba kitang ligawan, Nurse May?" Nagpa-cute din ako.

        "Hoy! Magpagaling ka muna, noh!" Nagtawanan kami. Alam ko na ang sagot niya.

         Napabilis ang paggaling ko. Marahil ay tinulungan ako ng puso kong umiibig. Napakasarap pala ng pakiramdam ng minamahal ka at nagmamahal ka. Hindi ko maipaliwanag. Para akong nakalutang sa alapaap. Hindi ko maialis sa isipan ko si May. Bawat minuto, bawat oras, nasa isip ko siya. Marinig ko lang sa telepono ang boses niya ay masayang-masaya na ako. Sa kanya umikot ang buhay ko.
        Iniisip ko na nga, kung paano ako magpo-propose sa kanya ng kasal. Siya na ang babaeng nais kong maging kasama sa habambuhay.

   Pang-gabi ang shift niya, kaya kapag araw ay tulog siya. Ako naman, tulog sa gabi, dahil umaga ang klase ko. Gayunpaman, mayroon pa rin kaming oras sa isa't isa. Madalas, pinupuntahan ko siya sa hospital na kanyang pinagtratrabahuhan. Minsan naman, nagkikita na lang kami sa labas para mag-date. Hindi ako nagpabaya sa relasyon namin. Nauunawaan naming pareho ang propesyon namin, gayundin ang oras ng pasok.

   Isang gabi, tinawagan ko siya. "Honey, pupunta ako d’yan sa hospital, maysakit ako. Magpapa-confine ako." Natawa ako sa sinabi ko, pero hindi ko iyon ipinarinig sa kanya.

   "Huwag kang magbiro ng ganyan. Wala ako sa mood!"

        Nahalata kong nainis siya. "Magpapa-confine ako sa puso mo." Tapos, ipinarinig ko na sa kanya ang tawa ko. Hindi siya natawa.

         "Corny mo. Sige na, pumunta ka na. May balita ako sa'yo. Bilisan mo, ha? Bye!"
   Nahiwagaan ako sa kanya. Hindi siya dating masungit. Sweet siya. Nag-isip din ako, kung ano ang ibabalita niya sa akin. Ako nga ang may inihandang sorpresa sa kanya, pero mukhang ako ang magugulat. Kaya, agad akong pumunta sa hospital.

   Nasa nurse station siya. Binati kong lahat ang mga nurse na naroon, saka ko binati ang pinakamamahal ko. "Hello, Honey! I missed you!" Tapos, inabot ko na sa kanya ang pasalubong kong cake. Nasa gitna ng hugis na pusong cake ang engagement ring para sa kanya. Inabot niya ito at nagpasalamat nang kay lamig.

           "Hindi mo ba bubuksan?" Pinilit ko siyang pangitiin.
          
   "Mamaya na lang. Ito ang balita ko." Iniabot niya sa akin ang brown envelope.

   Kinuha ko ang mga dokumento sa loob niyon. Nalungkot ako sa nakita ko. Gumuho lahat ng pangarap ko para sa amin. "Aalis ka na? Bakit hindi mo sinabi sa akin?"

          "Sorry… Ayoko kasing hadlangan mo ang pangarap ko. I'm sorry."

         Hindi na ako nagsalita. Nasaktan ako nang husto. Tila pinilipit ang puso ko. Mas masakit kaysa sa sinaksak ako ng patalim. Daig pa ang sunog na umaabo sa aking tirahan. Dumilim bigla ang mala-bahagharing buhay ko.

   Ilang minuto rin akong nakatayo sa harapan niya, bago ko naisipang magpaalam na. "Buksan mo na ang box ng cake. May surprise ako d’yan sa'yo. Uuwi na ako. Bye, Honey.” Hindi na ako naghintay ng sagot niya. Binilisan ko ang lakad hanggang marating ko ang elevator.


   "Lola Esme?!" Nakita ko siya sa loob na elevator. Nakangiti siya sa akin. Sayang sumara na ito.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...