SUTIL
Froilan F. Elizaga
Pipilitin kong di ako makatulog. Hihintayin ko kasi si Lola na makatulog para makatakas na ako. Handa na ang gamit ko. Naipasok ko na rin sa bag ang alkansiya ko. Sa labas ko na ito babasagin.
Alas-nuwebe pa lang. Tiyak ako, gising pa si Lola. Pag lumabas ako, maririnig niya ako. Umiingit pa naman ang pinto kapag binubuksan. Kaya, iidlip muna ako sandali para kahit paano ay may lakas ako bukas sa biyahe ko.
Nagising ako ng tilaok ng manok. Mukhang nakaidlip nga ako. Alas- kuwatro na ng madaling-araw. Tamang-tama ito para lumabas. Hindi pa marahil gising ang mga kapitbahay namin kaya walang makakakita sa pagtakas ko. Pero, alam ko, bago sumikat ang araw, makakasakay na ako ng bus patungong Maynila.
Nasa kalsada na ako. Walang kahirap-hirap akong nakalabas ng bahay na hindi ako nakita ninuman. Malayo na ako sa mga kapitbahay. Nag-aabang na lang ako ng bus na tutungo ng Maynila. Maraming dumadaan pero hindi ako hinihintuan. Puno na siguro at wala ng maupuan.
Mainit na sa balat ang sikat ng araw. Halos, magdadalawang oras na akong kakaway-kaway sa mga bus na dumadaan. Porke ba bata lang ako ay di nila ako pinasasakay? May pambayad naman ako ah. Barya nga lang. Nang binilang ko ito kanina, umabot ito ng isang libo, apat na raan at dalawampu't limang piso. Makakarating na ako ng Maynila. Hihingi ako ng diskwento.
Hindi pa rin ako nakakasakay. Naglalakad na nga ako habang nag-aabang.
Sa kalayuan, natatanaw ko ang nakaparadang trak at dalawang lalaki. Inaayos nila ito. Lalapitan ko baka papunta sila ng Maynila.
"Good morning po.." nakangiti akong bumati sa kanila. Tiningnan lang ako ng isa na siyang nagmemekaniko.
"Morning!" Ganti ng isa. "Ano iyon, boy?!"
"Saan po sana ang tungo ninyo? Sa Maynila po ba?"
"Oo."
Nakakatuwa. Tiyempo. "Pwede po ba akong makisakay?" Napamaang ang dalawang lalaki. "Magbabayad po ako."
"Boy.." Ang mekaniko naman ang nagsalita habang patuloy na nag-aayos. "..hindi mahalaga sa amin ang ibabayad mo. Ang tanong..bakit?"
"Naglayas ka? Bakit? Hindi ka pwedeng sumama.. mapapahamak ka lang sa Maynila." Sabi ng pahinante.
Kapag sinabi ko na naglayas nga ako, baka hindi ako pasakayin. "Ah eh.. hindi po. Hindi po ako naglayas.." Hindi ako makaisip ng dahilan. Nakakataranta. Kahit pala may pera akong pambayad ay hindi rin ako basta-basta pasasakayin dahil bata pa ako.
"Kung di ka naglayas, saan ka pupunta? Saan sa Manila ka pupunta? At sino ang pupuntahan mo?" Andaming tanong ng drayber. Hindi ko tuloy maisip kung ano ang isasagot ko. Kapag sinabi ko ang totoo, baka pasakayin na ako.
"Na-stroke po kasi ang Papa ko sa Manila. Hindi po ako maihatid ng lola ko.."
"Kaya bibiyahe ka mag-isa?" Tanong ng pahinante.
"Opo! Kaya ko naman po pagdating doon. Doon po kasi ako nga-aaral. Nagbakasyon lang kami ng lola ko." Totoo na ang sinasabi ko. Nagbabakasyon lang talaga ako dito. Pero, kahit sa Maynila ako nag-aaral, hindi ko pa rin kabisado ang pasikot-sikot doon. Bahala na. Ang importante, makarating ako ng siyudad. Madali ko na lang sigurong makokontak si Papa.
"Naku, boy..kung totoo man yang sinasabi mo, hindi pa rin ako kumbinsido na bumiyahe ka mag-isa. Delikado sa Maynila. Baka matulad ka lang sa mga batang kalye. Ayaw naming madagdag ka pa sa mapapariwara. Pasensiya na."
"Hindi po." Nakakalungkot. Bigo ako.
"Umuwi ka na, Boy. Hindi ka namin mapagbibigyan." Tumalikod na ang pahinante. Tumayo na rin ang nagmekanikong drayber. Tapos, umakyat na sila sa trak.
Bago umandar ang trak, nakasabit na ako sa likod nito. Kumapit ako ng husto sa bakal ng pinto. Bahala na kung saan ako makarating. Handa na akong sumugal para lamang makasama ko ang Papa ko. Gusto ko siyang makita bago niya ako iwan, bago siya tumungo sa States para magpa-therapy.
Hindi ako nagsisisi sa ginawa ko. Alam ko hinahanap na ako ngayon ni Lola. Wala akong magagawa, sinusunod ko lang ang sa tingin ko ay tama. Hindi nila inisip na kailangan ko ang pagmamahal ng isang ama.
Si Mama, masipag nga magtrabaho. Nakasama ko ba siya ng matagal? Hindi. Dahil madalas siyang nasa abroad. Hindi ko naman kailangan ang karangyaan sa buhay. Ang nais ko lang ay buo ang aking pamilya. Halos, labindalawang taon din nilang itinago sa akin ang tungkol sa aking ama. Kung hindi pa inatake si Sir Gallego ay hindi ko pa malalamang siya pala ang aking ama. Oo, bunga lamang ako ng maling pag-ibig, pero hindi na iyon mahalaga. Hindi ko itinuturing na masamang tao ang ama ko dahil pinagsamantalahan niya lamang ang aking ina. Naranasan ko namang ituring akong anak ni Sir kaya alam kong mabait siyang tao.
Isang oras na akong nakakunyapit sa pinto ng truck. Nangangawit na ako. Nabibilad na rin ako sa init. Gusto ko ng bumitiw, pero hindi pwede. Mabilis ang takbo nito. Kapag tumalon ako, tiyak lantang gulay ang aabutin ko.
Hindi ako pwedeng magsisi. Ginusto ko ito.
Biglang prumeno ang sasakyan. Nayugyog ako ng husto. Dahilan ito upang makabitiw ako sa pagkakakapit sa bakal. Nahulog ako at muntik mabagok ang ulo ko. Ang sakit dahil nauna ang likod ko. Mabuti na lang at may bag ako. Kaya lang, masakit pa rin. At para hindi ako maatrasan ng trak, nagpagulong-gulong para umiwas.
Nakita ako ng dalawang sakay ng trak at ng motoristang muntik na bumangga sa trak.
"Ang tigas ng ulo mo, Boy!" Ang drayber ng trak habang itinatayo ako.
"Boss, dahil natin sa hospital." Suhestiyon ng pahinante.
Nagkunwari akong napilayan para maawa sa akin. Walang anu-ano, binuhat ako ng pahinante at isinakay sa trak. Tapos, nakipag-areglo na ang drayber sa motorista.
Epektibo ang akting ko. Dapat makumbinsi ko silang isama na lang nila ako sa Maynila.
Umaandar na ang trak nang magsalita ang drayber. "Mapapahamak ka pa, Boy. Andito ka pa lang sa Tacloban. Paano na kaya kung nasa Maynila ka na?!"
"Malakas ang loob ng batang ito. Parang ako." Tatawa-tawa pa ng pahinante.
"Oo nga eh! Akalain mo bang nakasabit pala sa trak natin ng di natin namalayan. Kung di pa tayo muntik na makasidente ay di pa natin malalaman. Sutil!" Hindi tumawa ang drayber. Naramdaman ko na nainis siya sa ginawa ko.
Hindi na sila nagkibuan. Hindi rin ako kinausap.
Maya-maya huminto ang trak. Kinuha ng pahinante ang kamay ko at bumaba kami.
"Ha? Pulis? Bakit niyo po ako ipapapulis? Bitiwan niyo ako!" Nagpupumiglas ako. Pero, mas malakas pa rin ang pahinante. Wala akong nagawa. Nasa loob na kami ng istasyon ng pulis.
Followers
Saturday, January 4, 2014
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment