SEMENTADONG PAA
Froilan F. Elizaga
Nagmamatigas ako. Ayokong sabihin sa mga pulis kung saan ako nakatira dito sa Tacloban. Sinasabi ko na sa kanila na nagbakasyon lang ako dito at kailangan ko ng umuwi ng Manila. Ayaw naman nilang maniwala. Ikukulong daw nila ako pag di pa ako nagtapat.
"Uulitin ko.." ang inspector uli ang nagsalita. "...saan ka nakatira? Ano ang tunay mong pangalan?"
Kapag sinabi ko ang pangalan at apelyido ko mahahanap niya ang bahay namin. Tiyak ako, kilala ang apelyido ko dito dahil taga-rito talaga ang lolo, na dati pang alkalde. Kaya, hindi nila pwedeng malaman ang tunay kong apelyido, dahil isasauli nila ako kay Lola. Gusto ko kay Papa. Gusto ko siyang makasama.
"Kanina ko pa po sinasagot ang mga tanong ninyo. Kung hindi po kayo maniniwala, nasa sa inyo na po iyan." Sarkastiko na ako. Nakakayamot na rin sila. Pauli-ulit kami. Mabuti na nga lang ay umalis na ang driver at pahinante ng truck na naghatid sa akin dito sa police station.
Nagbulungan ang ang tatlong pulis na nag-i-interrogate sa akin. Narinig ko. Kahit Bisaya ang lengguwahe nila ay naunawaan ko. Parang sinabi ng bumulong na isang pulis na magtanong kaya sila sa diyalekto nila. Kumbinsido naman ang pinuno ng mga pulis.
Kinausap ako ng pinuno ng mga pulis sa salitang Bisaya. Kunwari hindi ko naintindihan. Tinatanong niya ako kung gaano na ako katagal dito sa Tacloban. "Ano po 'yon? Hindi ko po kayo maintindihan.." Kinunot ko pa ang noo ko para mas maging kapani-paniwala. Nagtinginan ang mga pulis.
"Ganito na lang.." Mukhang may naisip na bagong strategy ang hepe. "..Ibigay mo sa amin ang numero ng Papa mo sa Manila, tatawagan namin."
Lumiwanag ang mukha ko. Nanalo ako. Makakabalik na ako ng Maynila. Makikita ko na uli ang Papa ko bago man lang siya umalis ng bansa upang magpa-therapy sa Amerika. Baka sakaling magbago ang isip niya na tumira doon pagkatapos ng therapy. Ayokong malayo sa kanya. Gusto kong magkasama kami.
May hawak ng cellphone ang pinakabatang pulis. Kaya inisa-isa ko ng sinabi ang numero ni Papa. Habang kinokontak ang numero, naisip ko na hindi naman nila makakausap si Papa dahil nahihirapan pa siya magsalita. Ang kapitbahay niya lang makakausap nila.
"Hello, magandang araw!" Ang hepe na ang kumausap sa numerong binigay ko. "Police Station sa Tacloban City.. pwede po bang makausap si Sir Edwin Gallego? Hindi ko naririnig ang kausap ng hepe. "Ah.. Ok sige po, may tanong na lang po ako.. May kilala ba kayong Roy Gallego?...Oo, Roy. Gallego.. Alright.. So, Si Roy ay anak ni Sir Edwin?"
Natutuwa ako sa narinig ko. Ang sarap palang ariin kang anak ng taong iniidolo mo. Nakinig uli ako sa usapan ng dalawa.
"Hawak namin siya.. Ang problema ay ayaw niyang sabihin kung saan siya tumutuloy dito.." Ni-loud speaker ng hepe ang telepono kaya naririnig ko na ang kausap niya.
"Naku, Sir..hindi ko rin po alam ang apelyido niya. Hindi po pala siya Gallego. Mahabang istorya po pero sigurado po ako na tumakas po iyan sa Lola niya. Hindi po mabigkas ni Sir ang apelyido ni Roy. Di rin po maisulat.."
"Paano itong bata? Gusto niyang umuwi diyan. Kami ang magkakaproblema kapag hinanap na siya ng lola niya."
"Sir, gusto daw po ni Sir na i-hold niyo po si Roy. Tatawag na lang po ako."
"Sige po. Salamat!" Hinarap ako ni Hepe. "Roy..hindi ka nagsasabi ng totoo. Hindi ka Gallego. Sabihin mo ang apelyidong gamit mo para malaman namin ang kinaroroonan ng lola mo." Mahinahon naman siyang magsalita pero naiinis ako sa kanya.
"Bakit po ba mahalaga sa inyo ang apelyido ko? Di ba nalaman niyo na ang ama ko ay si Sir Gallego? At gusto kong pumunta sa kanya!" Nawalan na yata ako ng respeto sa kanila. Tumaas na ang dugo ko." Hayaan niyo na akong makabalik sa Manila. Kaya ko po ang sarili ko. Kung gusto niyong tumulong, ihatid niyo ako sa pier."
"Bata, hindi maaari 'yang sinasabi mo. Ang lola mo, hindi mo ba siya naisip na baka nag-aalala?"
Hindi ko siya pinansin. Alam ko naman iyon e. Saka, nag-iwan na ako ng sulat sa kanya. Sabi ko, huwag na siyang mag-alala dahil kaya ko namang bumalik sa Maynila at puntahan ang bahay ni Papa. Humingi na rin ako ng tawad sa kanya.
Hindi na ako kumibo. Naiinis na rin sa akin ang mga pulis. Baka kung ano pa ang masabi ko. Naghintay na lang ako. Naghintay ako na magbago ang isip nila at payagan na lang nila akong umalis. Kaya ko naman ang sarili ko.
Maya-maya, tiningnan ako ng pulis na may hawak na cellphone. Tapos, pumasok siya sa opisina ng hepe. Nahulaan ko na ang natanggap niyang text. Sinabi na ng tagapag-alaga ni Papa ang apelyido ni Lola. Wala na akong kawala. Ibabalik na ako nila sa lola ko. Gusto kong tumakbo at tumakas sa kanila pero nakatingin sa akin ang misa pang pulis.
"Ihahatid ka na namin", sabi ng hepe, paglabas niya ng opisina.
Bigla ko naman naisipang mag-CR. "Sir, pwede po bang makigamit muna ng banyo? Kanina pa po masakit ang tiyan ko?" Kunwari pa akong namilipit sa sakit ng tiyan.
"Sige, sige..Bilisan mo lang, habang hinahanda naman namin ang police report."
Tinuro pa ng isa ang direksyon ng kubeta.
Sa banyo, inakyat ko ang maliit na uwang ng bintana. Tumuntong ako sa bowl. Tapos, sinilip ko sa labas ang babagsakan ko. Mataas. Di bale na ang mahalaga ay makatakas ako. Inihagis ko sa baba ang bag ko na may dalawang t-shirt, isang pantalon at dalawang underwear. Doon ako babagsak, una ang kamay. Saka ko naman itutukod para di sumubsob ang ulo at likod ko.
Isa..dalawa..talon!
Bigo akong gawin ang inisip kong stunt. Hindi ko na alam ang sumunod na nangyari.
Nagising na lang ako sa hospital. Tinatahi ang ulo. Nagkaroon ng mahabang sugat ang ulo ko. Masakit din ang katawan ko, lalo na ang likod at balakang.
Wala na ang mga pulis. Pumikit uli ako nang makita ko si Lola. Nahihiya ako sa kanya. Paano ko ba siya haharapin? Hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag sa kanya ang ginawa kong kasutilan. Nagsisisi na ako.
Pumikit lang ako habang dinadamdam ko ang bawat tusok ng karayom at hilahid ng sinulid sa anit ko. Hindi naman iyon masakit pero, ramdam ko ang sakit na nararamdaman ni Lola habang tinitingnan ako. Alam ko hindi niya kinayang malaman kanina ang nangyari sa akin.
Pagkatapos, tahiin ang anit ko. Nagpaalam na ang doktor at mga nurse. Lumapit naman sa akin si Lola. "Roy naman..bakit mo ginawa yun?!" Hindi ko alam kung nagagalit si Lola o naaawa sa akin. "Sobra mo kaming pinag-alala. Bakit kailangan mong maging mapangahas?"
Umiiyak na si Lola. Iminulat ko na ang mata ko at kinuha ko ang kamay niya. "Sorry po, La.. sorry po.."
"Roy naman e." Kinurot niya ako sa braso. Pinong-pino. Pero, di ko iyon naramdaman. "Huwag mo ng uulitin iyon, ha?"
Tumango-tango na lang ako. Nahihiya talaga ako kay Lola. Sa tindi ng pagnanais ko na makita at makasama ko ang aking ama, inilagay ko naman sa kapahamakan ang sarili ko. Nasaktan ko rin ang babaeng nag-aalaga sa akin ng husto. Hindi naman ako nanalo sa ginawa ko. Tiyak din akong alam na ni Mama ang nangyari sa akin at nag-aalala siya. Naiisip ko rin si Papa. Nag-aalala din kaya siya sa akin? Bakit kasi naisipan ko pang maglayas? Salbaheng mga paa ito.
Nagulat ako. Nakasemento pala ang kaliwang paa ko.
Followers
Saturday, January 4, 2014
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment