Pag-uwi
ko, masakit ang buo kong katawan. Para akong tinatrangkaso. Nilapag ko muna sa
kutson ang pulang kahon ng sapatos, na iniabot sa akin ng may-ari ng junkshop,
na kumupkop kay Lola Esme, saka ako nag-shower. Nilamig ako, kahit lukewarm na
ang ipinangligo ko. Hindi na ako nagsabon. Lumabas ako kaagad sa banyo at
nagbihis.
Gusto ko
sanang magtimpla ng kape o gatas na mainit, pero wala na palang laman ang mga
garapon. Wala na ring cup noodles o kaya anumang instant soup. “Grabe! Anong
buhay ba ang meron ako?” naitanong ko sa sarili. Sa oras ng pangangailangan ay
wala akong madukot. Napakapabaya ko talaga.
Ginusto
kong bumaba upang makabili ng makakain, ngunit bigla na lang akong nanginig nang
husto. Pakiramdam ko ay inilublob ako sa tubig na nagyeyelo. Kaya, nagkumot na
lang ako. Pinilit kong painitin ang katawan ko sa ilalim nito. Unti-unti na
ring bumigat ang ulo ko na tila hinahataw. Patuloy ring kumakalat ang sakit sa
buo kong katawan. Pakiramdam ko ay dinadagan ako ng malalaking tao.
Gabutil
na ang malalamig kong pawis. Hindi pa ako makahinga sa ilalim ng kumot, kaya
inilabas ko ang ulo ko. Subalit, umikot ang kama ko. Naging roleta ang higaan
ko. Nakakahilo.
Ipinikit
ko ang mga mata ko. Umiikot pa rin ako. Nang dumilat ako, mga tila alitaptap ang
nakikita ko. Pumikit uli ako.
Nagdilim
ang kuwarto ko.
"Aalis na ako. Bahala ka na sa anak
natin." Narinig ko si Julia. Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata.
Malabo, pero alam ko na may saklay na malaking bag ang asawa ko.
"Bakit?" Naguguluhan ako. Hindi ko alam na may problema
kami. "Saan ka pupunta?”
"Di
ko alam... hahanapin ko lang ang sarili ko." Tumalikod na siya. Ni walang
lumabas na salita sa bibig ko. Gusto ko sanang sabihin na huwag niya kaming
iwan ng anak namin, pero hindi ko nabigkas. Hindi rin ako makagalaw at
makatayo. Wala akong nagawa. Tiningnan ko ang walong taong gulang na anak ko na
nakatulog sa sofa. Naawa ako. Paano na siya? Naisip ko.
Muling
umikot ang paligid ko. Kaya, pinikit kong muli ang mata ko. Maya-maya, narinig
kong tinatawag ni Mariah ang kanyang ina. "Daddy, nasaan po si Mama?
Nagugutom na po ako. Gusto ko na pong kumain."
Marahan kong tiningnan ang mukha ng aking anak. Nagugutom na nga
siya. "Umalis ang Mommy. Matagal pa siyang babalik..."
"Ano po? Hindi pa siya babalik?" Pumalahaw
ng iyak si Mariah at tumakbo sa kanyang kuwarto. "Mommy! Mommy!"
Unti-unting
nawala ang iyak niya, habang unti-unting nagdilim uli ang paligid ko. Sobrang
lamig ng pakiramdam ko. Ikinanginginig ko ito nang husto.
Kinumutan
ako ni Mama ng mas makapal na kumot. "Sabi ko kasi sa'yo, huwag kang
magpakapagod masyado. Masyado mong isinusubsob ang sarili mo sa trabaho. Nand’yan
lang ang trabaho. Pero, ang katawan, kapag bumigay, mahirap nang ibalik sa
dati." Tapos, pinunasan niya ang noo at leeg ko ng mainit-init na bimpo.
"Ipagluluto kita ng arrozcaldo. Kumain ka, ha? Sige na, iwanan na muna
kita."
Medyo
nabawasan ang panginginig ko. Inantok akong bigla. Nawala na rin kasi ang
roleta sa paningin ko.
Hindi ko
alam, kung gaano ako katagal nakatulog. Nagising lang ako dahil kinuhaan ako ng
blood pressure ni Lea May, ang nurse kong girlfriend. Hindi siya nagsasalita.
Ni hindi niya sinabi sa akin kung ano ang BP ko. Nakita ko lang na may
sinusulat siya. Tumingin pa siya sa kanyang wrist watch, saka nagmamadaling
lumabas.
Muli kong
sinubukang matulog. Nagsisimula na naman kasing umikot ang kisame. Naglalabasan
na rin ang maliliit na alitaptap.
Hindi pa
ako nakakatulog, nang biglang nag-amoy basura ang kuwarto ko. Nang idinilat ko
ang mga mata ko, nasa harap ko na si Lola Kalakal. Saka lang niya inilapag ang
malalaking plastic ng kalakal. May hinalungkat siya pagkatapos.
"Kainin
mo ito, apo." Idinuldol niya sa akin ang buto ng pritong manok, na may
konting natirang laman. "Mabait ang Diyos. Binigyan Niya tayo ng
makakain."
Alam ko
kung saan niya ito napulot, pero kahit konting katiting ng pandidiri ay hindi
ko naisip. Kinuha ko ang buto ng manok at sinimot ko ang laman. Masarap.
Guminhawa ang sikmura ko.
"Ibebenta
ko lang itong mga kalakal ko, ha, para mabilhan kita ng gamot. O, heto, ikaw na
ang umubos nito. Maghahanap ng lang uli ako ng para sa akin." Iniabot niya
sa akin ang isa pang buto ng pritong manok. Mas konti ang natirang laman nito.
Pinagmasdan
ko ang painut-inot na paglabas ni Lola Kalakal sa kuwarto, habang nabibigatan siya
sa mga dalang kalakal, hanggang sa maglaho siya sa pinto. Naiwan ang amoy ng
basura.
Umikot
muli ang kama ko. Nakakahilo. Kapag nakapikit ako, nakikita ko ang roletang may
black and white na spiral print na umiikot nang mabilis. Kapag dumidilat ako,
ang maliliit na alitaptap naman ang pilit lumalapit sa mga mata ko. Nakakahilo
talaga. Idagdag pa ang lamig na nararamdaman ko, ngunit tila kumukulo naman sa
init ang buo kong katawan. Parang binabanat pa ang mga braso, binti, likod at
hita ko. Pasakit din ang sobrang sakit ng ulo ko. Natawag ko tuloy si Julia,
ang ina ng anak ko. Siya ang madalas na naghihilot ng katawan ko, kapag
nasosobrahan ako sa trabaho. Si Mariah, anak ko, inspirasyon ko, ay naalala ko
rin. Siya ang dahilan, kung bakit ako nagsusumikap.
"Nurse
Lea May, salamat sa pagmamahal at pag-aalaga." Napangiti pa ako sa sobrang
kilig niya. "Ikaw ang dahilan, kung bakit gusto kong gumaling."
"Ma,
ayoko ng kumain. Tama na po iyon." Nauyam sa akin si Mama. Wala siyang
nagawa, kundi tumigil sa pagsubo sa akin ng mainit na lugaw. "Uminom ka na
lang ng maraming tubig. Heto, o.." Inalalayan niya pa akong bumangon nang
bahagya para uminom. "Damihan mo."
Nalunod
ako sa sobrang dami kong nainom. "Tama na, Ma!" Medyo, nainis na ako
sa aking ina. Bakit ba niya ipinagpipilitan ang gusto niya? Hindi naman ang mga
iyon ang gusto ko.
Sa inis
ko, kinulong ko ang sarili ko sa ilalim ng kumot. Nagpumilit akong matulog sa
kabila ng sakit ng katawan at ulo, ng lagnat at panginginig na nararamdaman ko.
Mahirap matulog, habang umiikot ang higaan, habang pinipilipit ang katawan ko,
habang niyayakap ako ng malamig na hangin at habang pinupukpok ang ulo ko ng
martilyo.
Nagdedeliryo
ako, alam ko. Naawa ako sa sarili ko. Wala man lang kasing mag-aalaga sa akin.
Umagos ang masaganang luha ko. Si Lea May sana ang inaasahan ko. Ngunit, nasaan
siya? Iniwan niya ako. Ipinagpalit niya ako sa pangarap niya. Iniwan na rin ako
ng una kong asawa. Ang Mama ko lang sana ang walang kondisyong magmamahal at
mag-aalaga sa akin, pero matigas ang ulo ko. Ayaw kong makinig sa kanya.
Napakataas ng pangarap ko. Akala ko, sa Maynila ko lang makakamit iyon, kaya
ayaw kong tumira sa probinsya.
Nagsisisi
ako. Mamamatay ako dahil sa katigasan ng ulo. Sa sobrang dami ng nais kong
gawin at tulungan, pati pamilya ko ay napabayaan ko na at pati ang sarili ko ay
napapahamak dahil sa prinsipyong pinapanatili ko.
Tumigil
ang pag-ikot ng kisame. Nainitan ako, ngunit may konti pa ring pagkahilo at
sakit ng katawan. Wala na ang mga alitaptap. Wala na rin ang roleta.
Nanatili akong nakahiga, pero nailibot ko ang
paningin ko sa buong kuwarto. Nakita ko nga ang pulang kahon ng sapatos.
Naalala ko si Lola Esme at ang misyong dapat kong tapusin. Pagkatapos kung
magawa ang pangako ko sa kanya, babalik ako sa probinsya. Ayaw ko nang
mag-iisa.
No comments:
Post a Comment