ALKANSYA
Froilan F. Elizaga
Nasa ilalim ako ngayon ng puno ng malaking mangga. Inaalala ko ang lahat ng mga pangyayari simula noong nalaman ko sa mga guro ko sa Grade 6 na ang tatay ko ay si Sir Gallego, hanggang sa mapunta ako rito sa probinsiya ng aking lola at ina.
Dito ako madalas na nagpapalipas ng oras. Ngayon nga ay nagsusulat ako sa aking journal, na siyang sumbungan ko ng mga problema at hinanakit sa aking ina at ama. Mamaya naman ay magsusulat ako ng liham para sa aking ama na nasa gitna ng pagdurusa dulot ng stroke.
Mahigit isang buwan na ako dito. Alam ko, inilayo ako ni Lola kay Papa para sundin ang kagustuhan ng ina ko na huwag akong palapitin sa aking ama dahil siya ay masamang tao. Wala naman akong nagawa, kundi ang sumama papunta rito. Hindi ko pa kayang mamuhay mag-isa at hindi pa ako handang suwayin ang aking ina. Ang tangi ko na lamang magagawa ay sumunod.
Gayunpaman, hindi ko pa rin kayang kalimutan na lang ng basta-basta si Sir Gallego. Kailangan niya ngayon ng pag-aaruga, pang-unawa at pagmamahal. Hindi biro ang kanyang kalagayan. Darating ang araw na ang taong nag-aalaga sa kanya ngayon ay mapapagod at susuko, gayong hindi naman niya iyon kadugo. Ako, ako ang dapat na mag-alaga sa kanya,dahil ako ay anak niya. Kung masamang tao man siya sa puso ni Mama, pero para sa akin siya ay mabuting tao. Naniniwala akong pagmamahal ang nagtulak sa kanya para pagsamantalahan niya si Mama.
Desidido akong mapatawad ng aking ina si Sir Gallego. At kung maaari, nais kong mabuo kaming tatlo. Pero, paano ko gagawin iyon kung ang sariling ina ko mismo ang gumagawa ng paraan upang mailayo ako kay Papa. Dapat sana ay magkasama kami ngayon dahil bakasyon naman. Ako na sana ang nag-aalaga sa aking ama. Kailangan niya ngayon ng isang pag-aalaga mula sa kanyang anak. Ako iyon.
Hindi ko lubos maisip kung ano ang gagawin ko. Labindalawang taong gulang pa lamang ako. Wala pang kakayahang sumubok ng mga bagay na ikapapahamak ko lang. Pero, kapag naaalala ko ang mukha ng Papa ko, lalo akong nagkakaroon ng ideya na sumubok ng isang kapahangasan.
"Magmeryenda na tayo, Roy." Nilapag ni Lola ang tray ng barakong kape, nilagang kamote at kinayod na niyog sa kawayang lamesa na nasa harapan ng kinauupuan ko. Nagutom ako bigla sa nakita ko.
"Sige po. Salamat, La." Nagsisimula na kaming magmeryenda ni Lola. May naiisip ako. Magbabaka-sakali akong magsabi sa kanya. Aheem. " Lola.." Nilambingan ko ang boses ko. "...pwede ko po bang matawagan si Sir...si Papa?"
Tiningnan muna ako ni Lola. Hindi naman siya galit, pero parang ayaw niya. "Kabilin-bilinan ng Mama mo na hindi kita pwedeng bigyan ng pagkakataon na makasama mo o makausap man lang si Sir Gallego.. Apo, sorry pero hindi kita pwedeng pagbigyan.."
Nalungkot si Lola. "Naunawaan naman po kita, Lola. Pero, sana maunawaan niyo rin po ako. Matagal ko pong pinangarap na magkaroon ng ama.. Ngayong nahanap ko na, ipagkakait mo pa po ba sa akin?" Naghintay ako ng sagot mula kay Lola pero hindi siya kumibo. Nagbalat lang siya ng kamote at humigop ng kape. "Kailangan po ako ngayon ni Papa. Payagan niyo na po ako. Hindi naman po siguro malalaman ni Mama na pinayagan mo akong tumawag kay Papa."
"Walang lihim na hindi nabunyag, Roy. Pero, dahil nararamdaman ko ang kagustuhan mong makausap ang Papa mo,papayagan kita." Natuwa ako. Bigla akong nabuhayan ng loob. "Sandali lang ha..kukunin ko lang." Tumango-tango lang ako habang abot tainga ang ngiti.
Iniisip ko na ngayon ang mga sasabihin ko kay Papa habang hinihintay si Lola.
"Heto, apo. Tawagan mo na. Iwanan na muna kita."
"Salamat po, Lola!" Kakampi ko pa rin pala si Lola. Mabuti, pinagbigyan niya ako.
Nagri-ring na ang number ni Papa. Pero, hindi pa sinasagot. Ida-dial ko uli. Hello, sabi ng boses-babae. "Hello po, pwede po bang makausap si Sir Gallego. Si Roy po ito."
"Ah, ikaw pala..Sorry, Roy..nasa therapy ang Papa mo. Tawag ka na lang maya-maya. Malapit ng matapos."
"Ganun po ba?! Sige po.." Nalumbay ako. "Ah, ate.. kumusta naman po si Papa?"
"Naku, ganun pa rin.. ilang buwan na siyang tiniterapi pero wala pa ring development. Kung meron man, di ko pa masasabi." Nalungkot din ang boses ng kausap ko.
"Ano po ba ang sabi ng therapist?" Interesado akong malaman ang kalagayan ni Papa. Hindi ako mapakali.
"Wala naman. Kaya lang ang sabi ng kapatid ng Papa mo na nasa Amerika, doon na lang daw siya ipa-therapy."
"Ano po ang plano ni Papa?" Nagtataka ako sa sarili ko. Para akong matanda kung magsalita ngayon. Parang tinakasan ako ng kabataan. Apektadong-apektado ako sa sitwasyon ni Papa.
"Baka, next week, dumating ang kapatid niya para sunduin ang Papa mo. At, baka doon na rin siya manirahan. Hindi pa ako sigurado..ha?! Pero, iyon ang parang gustong sabihin ng Papa mo sa akin."
Nalungkot ako. Kung totoo man iyon, ibig sabihin ay magkakalayo kami ni Papa. Hindi ko rin pala mabubuo ang pamilya ko. Ngayon pa lang ay bigo na ako. "Sige po, Ate. Salamat po! Pakisabi na lang po kay Papa na tumawag ako. Bye!" Hindi ko na hinintay na sagutin pa ng kausap ko ang pagpapaalam ko. Nakakalungkot kasi. Litong-lito na ako. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko. Paano ko ba mabubuo ang pamilya ko? Uunahin ko bang mabuo ang pamilya ko, bago ang paggaling ni Papa? Hindi na ko alam!
Nilapag ko sa mesang kawayan ang telepono ni Lola at naglakad-lakad ako. Pupunta ako sa isang lugar na makakapag-isip ako ng tama.
Nasa kamalig ako ngayon. Mag-isa lang ako dito. Tanging malawak na palayan ang nasa paligid ko at mga palay na malapit ng mahinog at mangilang-ngilang maya ng mga kasama ko. Ito na ang lugar na hinahanap ko. Kaya, umupo ako sa isang malaking putol ng kahoy na sadyang nilagay doon upang maging upuan.
May nabubuong ideya ngayon sa isip ko. Di ko lang alam kung tama ito o mali. Ang alam ko lang, ito lang ang kaya kong gawin at panindigan. Kung di man ito tama para sa aking lola at ina, sa aking palagay, ito naman ay makakabuti sa aking ama at sa akin. Hindi ko makakayang malayo sa aking ama dahil matagal ko na siyang inasam. Hindi ko kakayanin pang isuko ang hangaring ito dahil lamang sa kasalanang maaari namang kalimutan.
Nagmamadali akong makabalik ngayon sa bahay ni Lola. Magdidilim na, kaya dapat na nga rin talaga akong umuwi.
Sigurado ako, maghahapunan na kami maya-maya.
"Diyusmeng bata ka!" Galit na bati sa akin ni Lola pagdating ko sa bahay."Sa'n ka ba nagsusuot? Bakit iniwan mo ang meryenda mo kanina. Ang cellphone, iniwan mo rin..."
"Sorry po, Lola.." Napakamot na lang ako ng ulo.
"Ano pa nga ba ang magagawa ni Lola. Hmp, hala, pasok na. Maghugas ka na ng katawan mo, dahil maghahapunan na tayo.."
"Opo." Spoiled talaga ako kay Lola. Di man lang ako pinalo o kinurot man lang.
Nasa banyo na ako nang magsalita uli si Lola. "Tumawag ang Papa mo. Missed call pala. Hindi ko rin nakausap. Iniwan mo kasi ang cellphone eh." Hindi na ako nagsalita. Nanghihinayang kasi ako. Baka may gustong sabihin si Papa. Mamaya, tatawagan ko uli siya.
Nakabihis na ako ng pantulog. Ready na ring maghapunan. Hinihintay na nga ako ni Lola sa hapag.
"Sige na, upo ka na..at mag-pray."
Umupo na ako at nag-usal ng pasasalamat sa Panginoon. "Amen!" Halos sabay pa kami ni Lola. Saka, nagsimula na kaming kumain. Ayaw ng lola ko na nag-uusap habang kumakain kaya, wala kaming imikan ngayon. Hinhintayin ko na magsalita siya, saka ako babanat ng tanong sa kanya.
"Roy, umakyat ka na. Iwan mo na yan. Ako na ang maghuhugas." Sa wakas, nagsalita na si Lola.
"Opo, pero may gusto po akong sabihin sa'yo.." Medyo alangan ako.
"Ano yun?" Nagliligpit na si Lola.
"Ah.. Pwede po bang bumalik na lang ako sa Maynila? Gusto ko pong makita si Papa.."
Tumigil si Lola sa ginagawa at tiningnan ako ng masama. "Pinayagan na kitang tawagan mo siya.." Galit talaga si Lola. Nagkakalabugan ang mga plato at nagkakalansingan ang mga kutsara't tinidor. "..ngayon naman ay gusto mong umalis. At sa tingin mo papayagan kita?"
"Nagbabaka-sakali lang naman po ako, Lola.." Napahiya ako. Naiinis ako sa kanya. Naiinis ako sa kanila. Bakit ba ang damot-damot nila?
"Puwes! Hindi kita mapagbibigyan. Hala, umakyat ka na at matulog para luminaw iyang isip mo." Tinalikuran na ako ni Lola, kaya umakyat na ako.
Gusto ko sanang magdabog sa hagdan kaya lang di ko na ginawa. Baka tuluyan ng magalit sa akin si Lola. Dumiretso na lang ako sa kuwarto ko ng dahan-dahan. Tapos, bigla akong may naisip.
Hawak ko ngayon ang aking alkansiya. Babasagin ko na ito. Malapit na ito mapuno kaya alam ko, aabot ito ng isang libo at limang daan. Sapat na ito para makabalik ako sa Maynila. Oo, tatakas ako kay Lola. Lalayas ako at pupuntahan ko ang Papa ko.
Nag-iimpake na ako. Isang bag lang ang dadalhin ko. Bahala na. Hindi ako matutulog ngayong gabi. Hihintayin kong makatulog si Lola saka ako lalabas ng bahay. Tapos, lalakad ako patungo sa kalsada upang doon mag-abang ng bus na patungong Maynila.
Wala ng makakapagpigil sa akin. Gagawin ko ito dahil mahal na mahal ko si Papa. Sana mapatawad ako ni Lola at ni Mama. Hindi ko naman hinangad na suwayin sila. Kailangan ko lang talagang maging suwail minsan para sa pangmatagalang kaligayahan. Sana ay gabayan ako ng Diyos sa aking kapangahasan.
Followers
Saturday, January 4, 2014
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment