Followers

Sunday, January 26, 2014

BIDYO

 
      Kawawa naman si Mam, nabidyuhan ng estudyante habang nagagalit at nagmumura.
   
      Kumalat ang bidyo. Pinagpiyestahan. Ang masaklap pa nito, nagreklamo pa ang ang mga magulang ng batang minaltrato daw ng kanilang guro. Dumulog sa prinsipal. Hindi pa nakuntento pinaabot pa sa media.    

      Kawawa si Mam. Ang sama ng tingin sa kanya ngayon ng mga tao. Suspendido na. Mawawalan pa siya ngayon ng lisensiya para makapagturo. Paano na niya bubuhayin ang pamilya niya? Paano ang pag-aaral ng kaniyang mga anak?     

     Gusto lang naman niyang mag-aral kayong mabuti. Nais lang naman niyang bawat estudyante ay nakikinig habang siya ay nagtuturo, gumagawa ng mga gawaing pansilid-aralan at sumusunod sa kanyang patakaran. Wala siyang hinangad kundi ang matuto ang buong klase at walang nagpapakatamad at nagpapakalubog sa kamangmangan.

     Masama bang magalit si Mam kapag may sutil at tamad sa klase? Tao lang naman siya, gaya natin. Natural lamang na magalit siya sa mga likong gawain at masasamang ugali ng mag-aaral ngayon. Nararapat lang naman siguro na alimurahin niya ang mag-aaral dahil sa dami ng pawis at dugong dumaloy sa kanya, babalewalain lamang ng nagpapakabobong mag-aaral. Halos, nakakalimutan na nga ni Mam ang sarili niya upang unahin ang pagtuturo at paghuhulma ng mga kabataan na siyang pag-asa daw ng bayan.       

     Kawawa ngayon siya Mam. Dahil lamang sa bidyo, nasira ang reputasyon niya. Hindi man lamang siya pinaniwalaan ng gobyerno. Mas pinanigan pa nila ang estudyanteng naalisan daw ng pagkatao dahil sa pagkakapahiya. Anong klaseng pamahalaan meron tayo para sa mga guro ng bayan, gaya ni Mam? Hindi ba't sila ang bayani ng bayan? Bakit ngayo'y sa isang bidyo lamang ay kaybilis mo silang hinusgahan? Bakit? Andoon ka ba noong nangyari ang lahat? Nabidyuhan mo ba ang pangyayari bago siya nagalit at nagmura? Wala ka doon, di ba? Di mo alam ang buong istorya. Hindi mo alam kung paano kahirap ang araw-araw na pagsasaway sa mga mag-aaral. Ang alam mo lang kasi ay napakainosente pa rin ngayon ng mga kabataan. Bulag ka sa katotohanan.       

     Hindi lang si Mam ang kawawa ngayon. Pati sina Sir at iba pang maestra ay maaaring maging biktima ng kawalang-awang pambabastos na ito sa karapatan ng mga kaguruan. Ang lahat ngayon ay nangangambang baka sa susunod na araw, sila naman ang makuhaan ng bidyo at maalisan ng karapatan. Kaawa-awang mga guro dahil sa mga kagagawan ninyo, sila ay napapahamak.     

       Mag-isip naman kayo. Bago kayo manghusga, kilalanin niyo muna ang mga kabataan ngayon. Mas maigi, kilalanin mo muna ang sarili ko. Baka ikaw ang karapat-dapat na tanggalan ng karapatang mamuhay ng simple at respetado. Bakit di mo kaya ibidyo ang sarili mo?! Huwag si Mam, wag si Sir.     

      Lahat ng guro ay may mabuting intensiyon para sa kabutihan ng mga mag-aaral. Kung nagaglit man sila, may dahilan iyon. Kung nagmumura man siya, bugso lamang iyon ng damdamin. At kung nakakapanakit man siya, patunay lamang iyon na mahal ka niya. Ngayon, kung nagalit siya, minura ka at saka tinanggalan ka ng isang tainga, iyon na ang masama. Pero, kung simpleng sermon lang, gaya ng sermon ng tatay at nanay mo, karapatan iyon ni Mam.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...