Followers

Saturday, January 4, 2014

IDOLO 1

Si Sir Gallego
Makata O.    

       Absent si Sir noong Biyernes. Hindi ko naman tinanong sa iba kong guro kung bakit siya wala. Inisip ko na lang na may nilakad siyang papeles. Balita ko kasi na malapit na siyang magretiro.
       Gayunpaman, pumasok pa rin ako. Ang mga kaklase kong pasaway at walang pagpapahalaga sa edukasyon ay umuwi. Hindi nila inisip na kahit wala ang gurong tagapayo namin ay matututo pa rin kami at mag-uuwi ng kaalaman dahil may mga guro namang pumasok at magtuturo.
        Naunawaaan ko naman ang mga kaklase kong umuwi. Si Sir lang kasi ang inaabangan namin araw-araw. Parang tatay namin kasi siya. Nagpapatawa siya minsan kapag siya ay nasa magandang mood. Madalas, sinisermunan kami dahil hindi kami nag-aaral ng mabuti. Ayaw niya ng hindi kami nakikinig. Ayaw niya na hindi kami gumagawa. Nagagalit siya kapag wala kaming alam sa araling tinatalakay niya. Gustong-gusto niyang kami ay nagse-self study. Madalas niyang sabihin sa amin, "Pumasok kayo ng may alam at umuwi ng mas marami pa."
       Gustong-gusto namin si Sir kahit madalas niya kaming pagalitan. Kasalanan naman kasi namin lagi. Pinapahirapan namin siya. Maiingay kami at madadaldal. Makalat kami at mga tamad maglinis.
       Minsan, absent din si Sir, gusto ko na sanang umuwi dahil wala naman siya. Hindi naman ako magiging masaya kapag wala ang paborito kong guro. Pero, dahil pinapagalitan ako ng lola ko kapag umuuwi ako, hindi ko na lang itinuloy. Pinagtiyagaan ko na lang ang tila napakatagal na oras. Naramdaman ko na lang na uwian na.
       Dahil wala si Sir last Friday. Malungkot ang karamihan sa amin. Na-miss namin ang maamo niyang mukha at kanyang mga pagalit. Wala kaming narinig na, "Nagpakabobo na naman si...." tuwing may nagkakalat. Wala ding nagdilig ng kanyang mga halaman. Wala ring napuri at napagalitan sa araw na iyon. Boring talaga.
       Ngayon, wala na naman si Sir. Gusto ko sanang itanong kay Mam kaya lang nahihiya ako. Hihintayin ko na lang na sabihin niya ang dahilan ng pagliban sa klase ni Sir.
       Naramdaman ko ang tila paglamlam ng mga mukha ng mga kaklase ko. Hindi nila alam na mas dumurugo ang puso ko ngayon dahil wala ang guro ko na itinuturing kong ama.
       Maghihintay ako ng ilang minuto. Mag-iipon lang ako ng lakas ng loob para magtanong kina Mam.
       Antagal. Wala...
       Nagsimula ng magturo si Mam. Ayokong abalahin. Siguro mamaya, kapag may seatwork na kami at natapos ko agad.
Magagalit kasi siya, kapag nag-usisa ako. Tiyak ako.
       Gumagawa na ako ngayon ng gawaing pang-upuan. Parang walang pumapasok na ideya sa isip ko. Blangko pa rin ang papel ko, maliban sa pangalan ko. Kakaiba ngayon ang nararamdaman ko. Parang may hindi magandang pangyayaring nagaganap.
        May tumawag kay Mam. Lumabas siya. Mabuti naman kasi wala akong maisulat sa papel ko. Baka makita pa niya kapag naglibot. Mapapagalitan pa ako.
        Naaalala ko na naman si Sir na mapagbiro sa kanyang mga kaguro. Madalas ko siyang nakikitang nakikipagtawanan sa mga guro namin tuwing kami ay may ginagawa o tuwing tapos na niyang talakayin ang aming aralin. Masayahin si Sir. Hindi mo siya kakakitaan ng mabigat na problema. Ang husay niyang magdala ng buhay, sa tingin ko. Hindi ko nga siya naringgan ng pagrereklamo sa nararanasan niyang hirap sa pagharap sa hamon ng buhay. Mas nagrereklamo pa nga siya tuwing mabababa ang nakukuha naming marka sa mga pagsusulit.
        Magpapaalam ako kay Mam na lalabas ako..
        Teka, di ako makalapit. Kausap niya ang iba pa naming guro. Ano daw?! Tama kaya ang narinig ko? Si Sir, nasa hospital daw. Kaya, pupunta ang mga teachers namin mamaya sa hospital..
        Bigla akong nanlamig. Bakit ba ako apektado ng ganito?
         Ayan na si Mam.
        "Class, maaga namin kayong pauuwiin, dahil dadalaw kami kay Sir Gallego. Naka-confine siya." Kinumpirma ito ni Mam. Naengkanto yata kaming lahat. Di kami makapagsalita. "Tapusin ninyo ang gawain ninyo. Walang lalabas at mag-iingay. May kokontakin lang ako."
         Grabe ang kabog ng dibdib ko ngayon. Nalulungkot ako. Alam ko, kahit di sabihin ni Mam, malala ang sakit ni Sir. Matiisin kasi siya. Napaka-dedicated sa pagtuturo at sa kanyang obligasyon sa mga mag-aral. Hindi niya iniinda ang pagod at gutom. Hinuhuli niya ang sarili, masiguro niya lang na matututo kami.
         Lalo akong nabobo. Hindi ko na alam ang gagawin ko sa seatwork. Nasigawan ko pa nga ang kaklase ko nang tumayo siya.
         Hindi ko alam kung bakit ganito ang nararamdaman ko. Dahil siguro sa wala akong nakalakihang ama at dahil magaan ang loob ko sa kanya. Mabait siya sa akin. Lagi niya akong tinatanong kung kumusta na ako at ang Mama ko na nasa abroad. Hindi ko naman kinaiinis ang pagtatanong niya. Para sa akin, hindi iyon pang-uusisa, kundi isang pagmamalasakit ng guro sa kanyang mag-aaral.
         Hindi lang naman ako ang kinukumusta niya. Halos lahat kami. Pero, napapansin ko, ako ang madalas niyang kausapin. Parang anak na nga ang turing niya sa akin. Anak naman ang tawag niya sa aming magkakaklase pero iba ang nararamdaman ko tuwing tinatawag niya akong anak.
         Nagpapantansiya lang siguro ako, dahil ever since hindi ako nakaranas na tawaging anak ng isang ama. Sabi ng Mama ko, iniwan kami ng tatay ko noong tatlong taong gulang pa lang ako. Hindi ko pa noon maalala kung paano niya ako minahal. Gayunpaman, naranasan ko pa rin ang magkaroon ng ama.
         Hindi naman ako naging bitter sa mga tatay. Lalo pa nga akong naging mabuting bata dahil naisip ko hindi naman nila kagustuhan ang nangyari. Walang tao na maghahangad ng di mabuting relasyon. Kung ano man ang nangyari sa kanila ng nanay ko hindi na ako nagtatanong. Basta ang alam ko, nagmahalan sila kaya ako nabuo. Ngunit, nagkahiwalay dahil sa isang matinding dahilan. Kung anuman ang dahilan na iyon, sana ay hindi ako.
         Naiisip ko pa rin si Sir. Alam ko, walang magbabantay sa kanya sa hospital. Wala siyang pamilya. Walang anak. Naikuwento niya sa amin ang mga bahagi ng buhay niya. Hindi man tuloy-tuloy o buo, napagtagpi-tagpi ko ang mga iyon.
         Gusto kong magpresinta sakaling magtanong ang mga guro namin kung sino ang gustong sumama. Lord, sana...
         Lalabas ako. Sisilipin ko sina Mam at Sir..
         Nagpupulong sila sa tapat ng classroom ng Section One. Hapis din ang mga mukha nila.
         Pipilitin kong marinig ang pinag-uusapan nila.. Ooops! Yari ako. Nakita ako ni Sir Colima. "Sir, may I go out?" Palusot ko na lang para di ako mapagalitan. Tapos, hawak ko pa kunwari ang akin, sabay takbo pababa. Mabuti na lang di ako slow mag-isip.
         Alam ko na, dadaan ako sa kabila, kung saan sila nag-uusap. Sasabihin ko na sarado ang CR sa kabila. Palilipasin ko lang ang ilang minuto para makatotohanan.
         "Sabihin na natin sa kanya..Sir" Narinig kong sabi ni Mam Velasco kay Sir Colima.
          Dadaan na ako. Makikita nila ako. Okay lang..
          "Sir.." Parang nakikiusap si Mrs. Velasco. "...ayan na siya." Nginuso pa ako ni Mam.
          Lampas na ako, yes! Di sila nagalit sa akin.
          "Roy..halika muna dito." Tinawag ako ni Sir. Nagulat ako. Tapos, nagturuan pa ang mga guro ko habang pabalik ako sa sa kanila..
          Nilinis muna ni Sir ang kanyang lalamunan. "Isasama ka namin sa hospital mamaya. Okey lang ba sa'yo?"
          "Opo!" Hindi ako nagdalawang-isip. Dininig ng Diyos ang panalangin ko. Tuwang-tuwa ako, di ko lang pinahalata.
          Si Sir Gregorio naman ang nagsalita. "Paalam ka na sa lola mo. Hihintayin ka namin dito."
          Hindi na ako makapagsalita. Tumango-tango na lang ako. Tumakbo ako pabalik sa classroom. "Guys, isasama ako nina Sir sa hospital mamaya. Yes!" Ang yabang ko, para akong nanalo sa lotto.
           "Kami rin, sama din kami.." sabi ng iba. Di ko na inalam kung sinu-sino sila.
           "Sipsip mo talaga!"
           "Kaya pala lumabas ka. Sipsip!"
            "Sipsip!"
             Hindi ko na lang sila papansinin. Naiinggit lang sila sa akin dahil ako ang niyaya, hindi sila.
            "Linta ka talaga, Roy!"
            "Oo nga. Pati ba naman ngayong may sakit si Sir, ginamit mo pa ang pagkalinta mo. Boo!"
            "Ikaw na!"
             Kalma ka lang, Roy... Huwag mo silang patulan.
             "Sir Colima, pwede po bang sumama rin ako?" Tanong ng epal kong kaklase.
             Hindi ko namalayan na pumasok na pala si Sir. "Anong gagawin mo doon?" Buti nga! Supalpal siya kay Sir.
             "Dadalaw po." Sumagot pa ang walang hiya. He he
             "Si Roy lang ang pwedeng sumama at may karapatang magbantay kay Sir.."
             "Hala, Sir.. bakit po?
             Nagulat ako. Bakit nga ba? Di nakasagot si Sir Colima.
              "Basta! Roy, uwi ka na.. Balik ka na lang bago mag-uwian ang mga kaklase mo.."
              "Opo."
              "Sipsip! Sipsip! Sipsip! Sipsip!" Sabay-sabay sila. Nakakainis.
              "Hoy! Di kayo titigil?" Nanlaki ang mga mata ni Sir, kaya tumigil na sila. "Si Roy ang may karapatang magbantay kay Sir...kasi si Roy ay anak niya!"
               Bumagsak ang bag ko. Oh no! Totoo ba ito?
               Tumatakbo ako ngayon pauwi..
               Bakit? Paano? Totoo ba ito?
               Hindi muna ako uuwi. Dito muna ako sa likod ng pader ng bakanteng lote. Gusto kong sumigaw sa galit! Pero, bakit? Para ano? Di ko lang naman maintindihan bakit si Sir ang ama ko. Totoo ba ito? Kung totoo, bakit? Bakit nilihim ni... Sir sa akin? Bakit hindi na nila agad sinabi sa akin?
                Hindi ko magawang magalit kay Sir. Minahal naman niya ako. Ramdam ko. Siguro, humuhugot lamang siya ng lakas ng loob para aminin sa akin na anak niya ako.
                Babalik ako sa school..
                Bibilisan ko. Excited na akong malaman ang totoo.
                "Roy.." si Mam Velasco. ".. pasensiya ka na..kung nilihim namin sa'yo. Siguro si Sir.. ang Papa mo na lang ang magsabi sa'yo ng buong katotohanan."
                "Oo, pag magaling na ang Papa mo." si Sir Manuel.
                "Sabihin niyo na po ngayon." Excited na ako. Yuyuko muna ako para di nila makita ang mga luha ko..
                 Nagkukuwento na si Sir Colima.
                 Ano ba yan?! Tumutulo talaga ang uhog at luha ko.
                 "Sana maunawaan mo ang Papa mo. Mahal na mahal ka niya. Hindi niya ginusto na magkalayo kayo.."
                 Kinulong ako ni Mam Velasco sa kanyang braso. Nararamdaman ko ang pagmamahal nila sa akin.
                 "Opo..Mam, Sir.. Nauunawaan ko na po ngayon. Salamat po sa inyong lahat.."
                 Tumutulo din ang luha ng mga guro ko, habang naglalakad ako ng marahan patalikod sa kanila para umuwi.
                 Sobrang saya ko ngayon. Nakilala ko na ang ama ko. Mayayakap ko na siya. Malungkot lang dahil may sakit siya. Kung hindi pa pala siya naospital ay hindi ko pa malalaman ang lihim ng mga guro ko. Dapat ba akong magpasalamat? Nakakalungkot. Di ko alam kung anong kalagayan ni... ng Papa ko. Gusto ko siyang makasama ng matagal para mapunan ang walong taong hindi kami magkapiling.
                  Uuwi na ako. Ibabalita ko kay Lola. Teka, alam kaya ni Lola ang tungkol kay Papa? Magmamadali ako..
               

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...