MASAMANG TAO
Froilan F. Elizaga
Masayang-masaya ako ngayon hindi dahil natapos ko ng may flying colors ang elementarya kundi dahil buo na ang aking pagkatao. Hindi ko maipaliwanag ang kasiyahan dulot ng pagkakaroon ko ng ama pagkatapos ng mahabang taon ng pagtatanong ko at pag-aasam na isang pagmamahal mula sa ama.
Ngayon nga ay kumpirmadong ama ko si Sir Gallego. Siya ang guro ko na inidolo ko at minahal na higit pa sa isang guro. Itinanggi man niya ako noong dinalaw namin siya sa hospital, ngayon may nauunawaan ko na. Dulot lamang iyon ng cognitive problem na sanhi naman ng kanyang atake.
Buo na ang aking pamilya. May ama at ina na ako. May bonus pang lola. Sayang nga lamang dahil hindi natunghayan ni Mama ang graduation ko. Gayunpaman, alam kong proud na proud siya sa akin. At, nauunawaan ko naman siya.
Kumakain kami ngayon sa isang restaurant. Kasama ko ang mga guro ko at siyempre ang pinakapaborito kong guro si Sir Gallego, ang aking ama.
"Roy, ang ganda ng talumpati mo kanina." Si Sir Colima.
Sabi ko, "Salamat po! Akala ko nga po, hindi niyo nagustuhan ang ginawa ko dahil nag-walk out kayo."
"Ay, hindi! May surprise kasi kami sa'yo.." Ngumiti siya at tiningnan si Papa, na kanina pa tahimik. "Ang Papa mo."
"Pasensiya ka na, Roy..ako ang nakaisip nito." Si Mam Velasco naman ang nagsalita. Apologetic siya.
Nginitian ko siya. Tapos, tiningnan ko muna si Papa. Blangko ang mukha niya. Hindi ko alam kung malungkot siya o masaya. "Walang pong problema, Mam. Thankful nga po ako sa'yo..sa inyo pong lahat dahil nasorpresa po ako. Napakagandang regalo po nito sa akin."
Nakakaiyak talaga ang nangyari kanina. Bago ako nagsimula sa Valedictory Address ko ay napakalungkot ko. Parang hindi ko ramdam ang kahulugan ng graduation. Pero, nang iniba ko ang aking speech, saka ko lamang napagtanto na bawat salitang tinuran ko , na mula sa aking puso, ay unti-unting gumising sa natulog kong damdamin. Naging emosyonal ako dahil sa mga alaalang hindi ko kailanman makakalimutan.
At nang lumabas na ang aking mga guro na akala ko ay nag-walk out at lalong umigting ang aking emosyon. Kasama pa nila si Sir Gallego na naka-wheel chair. Dahil doon, hindi ko na rin napigil ang bugso ng damdamin ko. Niyakap ko siya kahit minsang itinanggi niya na anak niya ako.
Hindi ko lubos malimutan kung paano niya akong tinawag na anak kahit pautal-utal niyang sinambit. Parang musika sa aking pandinig. Parangap na natupad. Tapos, humingi pa siya ng tawad. Hindi ko na iyon inintindi. Ang mahalaga, inamin niyang ako ay anak niya.
Nagpapakiramdaman kami ngayon habang kumakain. Wala ng nagsasalita. Lahat ay nakapokus sa pagkain. Paminsan-minsan ko na lang tinitingnan si Papa na nahihirapang kumain. Gusto ko sanang ako na lang ang tumulong sa kanya sa pagpapakain kaya lang nahihiya ako. Okay lang na ginagawa na ito ng kapitbahay niya, na siyang nagdala sa kanya sa hospital. Ang mahalaga may taong nagmamalasakit sa kanya. Naisip ko lang, ano kaya ang plano nila kay Papa? Paano kaya ito? Saan ba siya magpapagaling? Gusto kaya niyang tumira sa bahay ng lola ko? Ano kaya ang sasabihin ni Mama kapag malaman niyang nakita ko na si Papa? Magkabalikan kaya sila? Natutawa ako. Excited akong magkabalikan sila. Pag nangyari iyon, lubos-lubos na ang aking kasiyahan. Ako na marahil ang pinakasuwerteng bata sa mundo.
"Nabusog ako ng husto. Salamat po sa inyong lahat!" Tiningnan ko isa-isa ang mga guro ko na nag-ambagan para mai-treat ako. Tinapik-tapik ko rin ang balikat ni Papa. Gusto ko uli siyang yakapin pero di ko na ginawa. Alangan pa rin ako sa kanya. Parang hindi siya nasa mood ng kadramahan. Kaya pinasalamatan ko na lang siya ng pabulong. Tumango-tango lamang ang aking ama.
Nagpapaalam na kami. Naghihintay na kami ng taxi na maghahatid kina Papa sa bahay niya. Gusto ko sanang sumama sa kanila kaya lang hihintayin daw ako ni Lola. Saka, hindi naman ako niyaya ni Papa.
Nakaalis na silang lahat, maliban kay Sir Coloma. Sabi niya sa akin na huwag akong mag-alala kay Papa dahil alagang-alaga daw siya. Tini-therapy na rin para muling manumbalik ang dating pananalita at paglalakad. Natuwa naman ako sa balitang iyon. "Ah, ganun po ba?! Mabuti naman po iyon para makasama ko na po siya."
"Oo, Roy..Makakasama mo na siya." Tapos, pinara na niya ang dyip na dumaan. "Sige, mauna na ako. Ingat ka sa pag-uwi." Kumaway pa siya.
"Sige po, Sir. Ingat din po kayo."
Naglalakad na ako pauwi. Malapit lang kasi ang bahay ni Lola sa restaurant na kinainan namin. Hindi pa rin maalis sa isipan ko ang mga pangyayari---mula sa aking talumpati hanggang sa tinawag akong anak ni Papa. Pero, nalulungkot ako dahil hindi umiimik si Papa. Alam ko nahihirapan pa rin siyang magsalita pero ramdam ko na hindi pa niya ako tanggap ng buong-buo.
Magmamadali na akong umuwi. Alas-nuwebe y medya na ng gabi, malamang hinihintay na ako ni Lola.
Malapit na ako sa bahay. May nga bumabati pa sa akin. Mga kapitbahay. Mga kaklase. Ang ganda daw ng speech ko. Ang iba, nagtatanong kung totoo bang anak ako ni Sir Gallego. Bakit daw? Anyare? Mahabang istorya po, kako. Di ko rin po naiintindihan.
Nasa mini-garden si Lola. "Antagal ko, Roy. Kanina pa tawag ng tawag ang Mama mo."
"Sorry po.. Ano po ang sabi ni Mama?"
"Wala naman..maliban sa sabi niya tatawag uli siya maya-maya." Hawak pa niya ang cellphone. Ayaw namang ibigay sa akin. Ayaw nilang may cellphone ako. Pag college na raw ako.
Magpapalit lang ako ng damit. Bababa ako pagkatapos para abangan ang tawag ni Mama. Alam ko babatiin niya ako at sasabihing proud na proud siya sa akin. Kaya, nagmadali ako.
Nasa baba na ako. Hawak ko na ang cellphone ni Lola. Excited akong marinig uli ang boses ni Mama. Pero, mas excited akong ibalita sa kanya na nahanap ko na ang aking ama.
Nag-riring na. "Hello, Mama! Musta ka na po? Alam mo po, Ma.. Hello..Hello, Mama?" Ayaw magsalita ni Mama. Tiningnan ko ang cellphone, di pa naman naka-off. "Hello, Ma!?"
"Congrats, anak!" Garalgal ang boses ni Mama.
"Thank you, Ma!"
"Kumusta ang speech mo?" Pinilit ni Mam na pakalmahin ang boses niya. Bigla kasing nag-iba.
"Okay lang, Ma! Nga pala, nahanap ko na si Papa." Wala akong galit kay Mama kaya di ko siya tinanong kung bakit niya nilihim sa akin, gaya ng pagtanggap ko kung bakit di rin kaagad sinabi ni Papa na ako anak niya ako.
"Hindi mo siya, ama! Lumayo ka sa kanya!" Hindi ko maintindihan si Mama.
"Bakit po? Siya ang aking ama. Bakit niyo sinasabi yan?" Naghintay ako ng sagot niya pero wala ako marinig kundi ang mga hikbi niya. "Ma, bakit? Bakit? Hindi ko kayo maintindihan. Sabihin niyo po sa akin ang katotohanan. Sino po ba si Sir Gallego sa buhay mo? Siya po ang ama ko o hindi?"
"Wag mo siyang ituring na ama!" Galit si Mama. Ramdam ko na may malalim na dahilan siya kaya siya nagaglit.
"Tinuring ko na po siyang ama, kahit noong hindi ko pa nalaman na ama ko siya.. Ma, sino po ba siya?" Hindi ko na maitago ang lungkot at hinanakit ko sa aking ina. Pareho lang sila ng aking ama. Pinahihirapan nila ako.
"Lumayo ka sa kanya. Masamang tao siya!"
Binaba na ni Mama ng telepono. Hindi ko pa rin maintindihan. Bakit naging masamang tao si Sir Gallego. Bakit hindi ko siya ama at hindi pwedeng ituring na ama? Gusto kong sumigaw. Gusto kong umiyak.
Kinakausap ako ni Lola pero wala akong narinig. Ang mga katanungan ko lang ang mga nauulinigan ko.
"Lola, matutulog na po ako. Good night!" Pinilit kong maging masaya sa paningin ni Lola. Ayokong mapuyat pa siya sa pag-aalala sa akin.
"Good night din. Isusunod ko na ang milk mo."
"Wag na po..Antok na antok na po ako." Ang hindi alam ni Lola, gusto ko ng umiyak sa unan ko.
Nakapasok na ako sa kuwarto ko. Hawak ko pala ang cellphone ni Lola. Di bale bukas ko na lang isauli.
Pipilitin kong wag akong marinig ni Lola habang umiiyak. Iniisip ko kung anong ibig sabihin ni Mama na masamang tao si Sir Gallego. Kaya ko bang tanggapin na masamang tao siya ngunit siya ang ama ko? O di siya ang ama ko at di naman siya masamang tao? Mabuti sana kung nagkakamali lang si Mama sa sinasabi niya. Tatay ko talaga at di naman talaga siya masamang tao. Sa kabilang banda, iniisip ko na rin ang posibilidad na masamang tao nga siya kaya pinaparusahan na siya ngayon ng Diyos. Pero, hindi ko lubos maisip kung ao ang ginawa niya sa aking ina kaya siya pinaparatangang masamang tao. Kanino ba ako maniniwala? Sa ina ko na siyang nakasama ko ng matagal o sa guro ko na ama ko raw?
Nag-ring ang cellphone. Hindi agad ako nakapag-hello dahil umiimpit ako. Pero nagsasalita na si Mama. Pakikiniggan ko na lang.
"Ma, makinig po kayo sa akin. Huwag mong papayagan ni Roy na makapunta pa kay Edwin. Huwag na huwag po,please. Ayokong maging ama siya ng anak ko. Rapist siya, Ma! Siya ang gumahasa sa akin. Siya po.." Umiiyak na si Mama. Hindi pala ako ang dapat niyang kausap.
"Ma? Totoo po ba?" Hindi ko na kayang makinig na lang.." Ma, wag mo pong ibaba. Narinig ko pong lahat ang sinabi mo.
"Anak.. Hindi ito ang tamang oras.."
"Ipaliwanag mo po sa akin ngayon na.. Ni-rape ka ni Sir Gallego? Ako po ba ang naging bunga?" Naghihintay ako ng sagot mula kay Mama. Naririnig ko ang pag-impit niya. Uulitin ko ang tanong ko baka hindi niya narinig. "Ginahasa ka niya at ako po ba ang naging bunga? Ma? Sagutin niyo po ako."
Oo! Ikaw!" Walang kagatul-gatol na sagot ni Mama, saka siya pumalahaw ng iyak. "Masamang tao siya, anak..kaya wag mo siyang tawaging ama. Sinira niya ang buhay ko."
"Ma?" Nawala na sa linya si Mama.
Hindi ako pwedeng magalit sa kanilang dalawa. Bakit ba ako ganito?
Followers
Saturday, January 4, 2014
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment